Takot akong buksan ang aparador,
iyong binili natin sa Bulacan noong mga nakaraang taon,
ginamit, at pinagsaluhan natin noon.
Tila tuliro ako sa tuwing binubuksan ito—
iniisip kung paano lilinisin ang mga dumi ng nakaraan,
paano hahakutin ang mga kalat na naiwan,
paano liligpitin ang mga damit na napabayaan,
paano babakantihin ang apat na sulok ng kalungkutan,
paano tatanggalin ang mga pagod na kaluluwang
nananahan dito hanggang ngayon.
Bumabalik ang mga alaala ng kahapon
maging sa mga pagal ng gabi—
Nanggigising, nananakot.
Takot akong buksan ang aparador
marahil ayaw kong gumalaw muli ito sa isip ko
at ayaw nang gamiting muli iyon nang mag-isa.
Hanggang ilipat ito sa bodegang pinagmuguran ng lihim
at hindi na muling bubuksan at ipagsasabi.
Unti-unti,
maglalaho ang mga pangitain—
aalikabukin, aanayin, mawawasak.