SAAN man dalhin ng kapalaran ang mga Filipino, hindi pa rin mabubura ang mga alaala mula sa tinubuang bansa.

Mula sa University of Santo Tomas Publishing House, sinalamin ng “Pag-uwi, Pag-uli, Homecoming (Poems in Three Languages)” at “A Novel in Waiting” ni Merlinda Bobis at ng “Return Flight,” koleksiyon ng sanaysay ni Tito Alquizola, ang dalang pag-asa, pangungulila, at alaala ng mga Filipinong lumisan at muling nagbalik sa bansa.

Pagbalik sa dating gawi

Sa mga nakalipas na taon, natuon si Bobis sa pagsusulat ng mga nobela sa wikang Ingles. Mula Australia, nagbalik-tanaw siya sa Bicol sa kanyang bagong aklat na may magkakatabing tatlong bersyon (Bikol, Tagalog, Ingles) ng tula.

Sa Barili, Cebu naman nagbalik ang kalooban ni Alquizola, dating manunulat ng Varsitarian at ngayo’y psychiatrist sa Tampa, Florida. Saklaw ng mga sanaysay ni Alquizola ang mga kuwento na kanyang karanasan bilang psychiatrist, bilang naturalized citizen na bumalik sa Cebu, at bilang isang Pilipinong nakiramay sa mga Amerikano laban sa terorismo.

Parehas ding inilarawan ang hinagpis sa paglisan sa tinubuang bayan. Ipinakita ni Bobis ang pagbabago ng kanyang buhay sa “Panahon ng Dagom-dagom (Once Upon a Time of Needle-Dragonflies),” na dati “wari’y walang kamatayan/ wari’y walang gabi” hanggang makapunta sa ibang bansa at makahanap “…ng dolyar sa disyertong daan,/ humukay ng ginto sa kaylayong mina.”

Ipinahiwatig naman ni Alquizola sa “Trashed Dreams and Other Endings” na nabubuo sa Pilipinas ang pangarap na mamuhay nang matiwasay mula sa pagluwas sa ibang bansa. Sa mga pangarap na ito, kapalit ng tagumpay ang pagkasira ng relasyon sa mga mahal sa buhay.

READ
World Youth Day sa Pinas: 'Ipalaganap si Hesukristo'

Sinabi rin niyang madaling masanay ang Filipino kaya’t nawawalan ng disiplina sa sarili. Dahil sa ganitong pag-uugali, ipinahayag din ni Bobis na nakalilimutan ng mga Filipino ang pagpapahalaga. Dito natupad ang linyang “dito, kung saan lumalaganap ang taglamig/ ating naalala/ na tayo’y tao” sa tulang “Isip-Isipin mo lang.” Aniya, sa ganitong pagkakataon nangangailangang umuwi, bumalik, at pag-isipan ang nakaraan na pawang mga inspirasyon upang makabalik sa pinapangarap na daan tungo sa tagumpay.

Mapapansin naman sa mga tula ni Bobis ang madalas na pagbabalik–alaala sa kabataan: ang tahanan nila probinsya, mga palagiang gawi sa bawat pagsikat ng araw, mga saranggola, at iba pa. Sa tulang “Alam ko,” ipinakita ang katuparan ng kanyang pagkakandarapa “patungo sa aming ambisyon” na nagbunga sa pagpapa-aral ng kanilang ama sa kanilang magkakapatid.

Madalas ding nauuwi sa maliligayang alaala ang malulungkot na realidad na naabutan sa kanyang pag-uwi, tulad ng “…ano’t puti na ang buhok ni ‘nay?/ ano’t bungi na si’tay!/ pangiti-ngiti, wari’y nahihiya,/ pahid nang pahid ng kamay sa baro” sa tulang “Pagbalik sa Estancia”.

Sa kabilang banda, nararamdaman naman ni alquizola ang pagkakaiba niya sa mga kababayan bilang “outsider,” na “tumitingin sa loob mula sa labas” o “Bewildered Wanderer” na kahit hindi puti o mestizo ay nagmumukhang dayuhan dahil isa siyang estrangherong nais makaalala at maalala ng mga kababayan.

Sa isa pang sanaysay ni Alquizola, ipinahayag niya na hindi malungkot ang lahat ng pagbabalik. Ayon sa kanya, nang umuwi ang isang kaibigan mula sa Estados Unidos sa Pilipinas upang dumalo sa isang reunion, dala pa rin niya ang alaala sa dating kasintahan. Nang tanungin ni Alquizola ang kaibigan tungkol sa dati nitong kasintahan, natawa ito at nasabing bungi, pangit ang toupee, at katawa-tawa ang sinuot ng lalaking dati niyang minahal.

READ
UST hails Benedict XVI

Nagbabalik din sa kanyang alaala ang mga kaibigang Lodoy at Pete, na dati niyang kasama sa pag-akyat ng mga puno sa bakuran nila. Dito sila nagsimulang mangarap at magpalipas ng panahon, nagawa nilang tuparin ang mithiing iyon mula sa kanya-kanyang paraan.

Alaala ng mga sinulid sa paghabi

Kung sa alaala ng sariling bayan umiikot ang mga sanaysay ni Alquizola at mga tula ni Bobis, mula naman sa alaala ng pagsusulat ang nilalaman ng “A Novel-in-Waiting, Creative Research: Towards Writing Fiction.” Pagsasalaysay ito sa paggawa ni Bobis ng nobelang “Fish-Hair Woman,” kung saan humahaba ang buhok ng babae tuwing bibistahin siya ng alaala at ang paggamit ng buhok nito upang kunin ang mga taong pinatay at itinapon sa ilog.

Ipinaliwanag ni Bobis kung ano ang alaala at ang epekto nito sa tao. Aniya, “the return to the past is always a return to home, but is always delayed by other landscapes.” Maidaragdag din ang kanyang ideya na buhok ang alaala. Ginamit niya ang metaporang ito sa nobela at ang imahen ng mahabang buhok ng kanyang lola. Maging sa mga alaala ng mga pamilyang nabiktima ng salvage, umiikot ang usapan sa nobela. Nangailangan si Bobis na bumalik sa bansa upang magsaliksik tungkol sa pagpatay na naganap sa isang barrio sa Bicol noong 1980’s.

Sa kabilang banda, ayon sa dalawang manunulat; bukod sa kasiyahan, dala rin ng alaala ng tao ang kalungkutan at hinagpis ng buhay na nagsisilbing salamin sa pinanggalingan. Sa pagsusulat, naibabalik sa isipan ang maaaring makalimutan at lalo nitong napalalakas ang mga damdaming limot na.

READ
Civil Law Dean to students: 'My office is always open'

Ayon kay Bobis, isang uri ng pag-uwi ang pag-alaala: pag-uwi ng tao sa kanyang sarili at sa pagtuklas ng tunay nitong damdamin. Sa mga tula at sanaysay na isinulat ni Bobis at sa mga sanaysay din ni Alquizola, mararamdaman ang alaala ng mahabang pagkakawalay sa pamilya at sa bansang kinalakhan nila na patuloy na nagpapaalab sa kanilang damdaming makabayan. Sa kabuuan, makapaglalakbay ang sinuman sa pagbabasa ng mga akdang ito, gamit ang mga alaalang nagsusulsi sa kasalukuyan at nakalipas. Sharline J. Bareng at Ma. Nicole Pauline C. Cruz

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.