AKING Ina,
Sa isandaa’t limampung taludtod
Ng alay kong dasal,
Dinggin mo ang hikbi
Ng aking kaloobang
Sa sulirani’y naghihingalo
Gaya ng upos
Ng isang kandila.
Sa bawat paghigpit
Ng aking kalyadong daliri
Sa kuwintas kong
Krus at butil,
Dama ko ang pag-asang
May bubulong at tutugon
Sa paulit-ulit kong daing.
Isa akong bulag na ‘di makakita,
At manhid na hindi makadama
Sa anyo mong itinatangi’t
Kanilang dinadakila.
Kung sakaling ikaw nga’y
Nakikinig sa akin,
Masilayan ko na sana ang liwanag
Sa muli kong pagsilang
Mula sa iyong sinapupunan,
O aking Ina.
Lee V. Villanueva