SAAN nga ba nagkakasalubong ang klasikal at popular sa mundo ng panitikan?
Ang puwang na namamagitan sa dalawang ito ang naging pokus ng Literature from Shakespeare to Bob Ong: Bridging the Divide Between the Popular and the Canonical na ginanap sa Thomas Aquinas Research Complex (TARC) noong Agosto 17 at 18.
Sa pamumuno ng palimbagang Visual Print Enterpise (Visprint) at tulong ng Department of Literature, Literary Society, Thomasian Writer’s Guild at ng Varsitarian, nagsama-sama ang mga kilalang Pilipinong manunulat at kartunista upang magbahagi ng kanilang mga saloobin at kaalaman ukol sa sining ng pagsusulat at pagguhit, lalo na’t sa koneksyon nito sa canon, ang grupo ng mga klasikong akdang kinikilala pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Sinimulan ang seminar ng UST writer-in-residence at premiyadong makata na si Ophelia Dimalanta kung isinaad niya na ang paggawa ng tula ay isang sining na nahahasa sa pagtagal ng panahon.
“Poetry is a lifetime study,” ani Dimalanta na dating Literary editor ng Varsitarian. “It brings out stored magic.”
Para naman sa kilalang kuwentista na si Efren Abueg nakikita ang tuluyang pagbabago ng panitikan ayon sa panlasa ng mambabasa.
“Kahit ang itinuturing na canonical ay nagbabago din,” ani ng dating manunuklat Liwayway, isang lathalang pampanitikan noon. “Habang nagbabago ang interes ng mga tao, ganun din sa panitikan.”
Binatikos naman ni Isagani Cruz ang totoong layunin ng isang manunulat.
“Ayon sa manunulat at lenguwistikong si Virgilio Almario, Taglish is not the language of intellectuals,” ani Cruz. “Ngunit hindi kailangan maging intelektwal upang makasulat, kailangan lamang natin alamin ng mabuti ang makakabasa sa ating mga gawa.”
Hindi sang-ayon si Cruz sa paggaya ng kabataan sa istilo ng pagsulat ni Bob Ong dahil sa popularidad nito.
“Marami pang ibang awtor na iba ang istilo. Upang iwasan ang magaya sa nakasanayan at popular, magbasa ng iba pang mga libro—mapa-canonical man ito o hindi,” dagdag ni Cruz.
Kumawala sa nakasanayan
Inumpisahan naman ang pangalawang araw ng seminar ni Siege Malvar, may akda ng Roles: A Not Quite Unreal Novel, kung saan kanyang hiniyakat niya ang mga tagapakinig na huwag matakot maging orihinal sa kanilang mga balak isulat.
“Never be afraid to be original. Let your work be the pathetic piece it is meant to be,” sabi ni Malvar.
Dinagdag rin niya na igalang ang canon, ngunit hindi dapat ito makaapekto sa proseso ng pagbuo ng akda.
Sa diskursong “Bad Ideas are Great” ni Alan Navarra, isang manunulat, isinaad niyang walang pangit na ideya ngunit natataon laman sa maling paglathala nito.
“If you have something to say and it matters to you, it will matter to someone,” dagdag ni Navarra.
Bilang pangwakas sa programa, ipinaliwanag ni Nida Ramirez, publishing manager ng Visprint, ang mundo ng pagpapalimbag sa diskusyong “How to Not Get Published.”
“Just because you write like a known writer doesn’t mean you’re already considered a great writer.” ani Ramirez.
Ayon rin sa kaniya, importante na malaki ang paniniwala ng isang manunulat sa kaniyang gawa sapagkat doon niya huhugutin ang pagiging epektibo nito sa kanyang mambabasa.
Ang misteryosong Bob Ong
Hatid din ni Ramirez ang mga sagot ni Bob Ong sa mga piling tanong sa kanya ng mga mambabasa, dala rin sa promosyon ng kanyang susunod na librong pinamagatang “Ika-walo”.
“Hindi ko layunin [ang magpatawa] ngunit natural na estilo [ko lamang ito sa] pagsulat. Hindi magiging epektibo ang isang manunulat kung isasantabi niya ang natural na estilo kapalit ng layuning makapagpatawa,” ani Bob Ong.
Sa kabila ng pagiging sikat na awtor ng mga librong Abnkkbsnplako?!, Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? at Kapitan Sino, iginagalang pa rin niya ang posisyon ng mga panitikang canonical sa kulturang Pilipino.
“Magsisinungaling ako kapag sinabi kong oo [may inspirasyon akong Pilipinong awtor], dahil inaamin ko na limitado ang alam ko sa panitikan, lalo na ng ating bansa, bagay na dapat nating itama sa kasalukuyang henerasyon at sa mga susunod pa. Gayon pa man, kinikilala ko pa rin ang magagaling na Pilipinong manunulat at kung bakit sila pinagpipitagan at dapat tinangalain,” aniya.
Patawa rin niyang ipinaalam rin sa mga dumayo sa seminar na ang dahilan ng kaniyang tuluyang pagtatago ay ang pagiging abala sa social networking site na Facebook.
Pagsasara ng “gap”
Mahirap mang talakayin ang totoong kalagayan ng panitikang Pilipino ngayon lalo na sa impluwensiya ng post-modernism, hindi pa rin dapat maghilahan ang canonical at popular na mga akda sapagkat iisa lamang naman ang layunin nito bilang panitikan–ang magbahagi ng saloobin at kaalaman sa mga mambabasa.
“Ipagpatuloy pa rin ang pagbabasa at pagsusulat dahil siguradong tuloy pa rin ang paglalathala ng mga dekalidad at maka-Pilipinong panitikan,” wika ng manunulat na si Eros Atalia. Mika Rafaela A. Barrios at Azer N. Parrocha