SA KABILA ng malakas na ulan, nagtipun-tipon ang libu-libong katao sa EDSA Shrine noong Agosto 4 upang manawagan na “ibasura” ang Reproductive Health (RH) bill.

Sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle sa “Prayer Power Rally versus the RH bill” na nararapat kilatisin ng mga kongresista ang mga agenda na nakapaloob sa panukalang batas.

“Bawat batas ay umuukit ng kultura. Bawat batas ay lumilikha ng mentalidad, humuhugis ng kung ano ang itinuturing na pinapayagan at hindi pinapayagan. Ang [panukalang] batas na iyan ay hindi tamang batas,” ani Tagle.

Ipinaalala ni Tagle na ang pagsasabatas o pagbabasura ng RH bill ay dapat pag-isipang mabuti dahil maaapektuhan nito ang mga susunod na henerasyon.

“Ano bang kultura ang sisimulan nitong RH bill, na kahit tayo ay wala na, iyang kulturang iyan, ay mananatili? Nakilatis na ba ninyo kung karapat-dapat ang kulturang iyan na ipamana sa susunod na henerasyon? Nakikiusap lang naman po ako, kasi baka ang iniisip ninyong solusyon ang siyang maging kapahamakan ng kulturang Pilipino,” dagdag ni Tagle.

Labing-anim na diyosesis mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang kasabay na nagsagawa ng prayer rally para pigilan ang pagsasabatas ng RH bill, ani Fr. Melvin Castro, kalihim ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Commission on Family and Life.

Ang prayer rally ay panawagan sa mga kongresistang boboto sa kahihinatnan ng RH bill.

Layon ng bill na pondohan ng pamahalaan ng bilyun-bilyon ang pamimigay ng kontraseptibo sa buong bansa, at hikayatin ang mga Pilipino na magkaroon lamang ng dalawang anak upang umano’y lumago ang ekonomiya ng bansa.

Sinabi pa ni Tagle na hindi nararapat na pagtalunan ang buhay ng bata dahil hindi ito isang problema, kung hindi isang “kayamanan ng bawat pamilya.”

“Ito ang kultura ng Pilipino? kultura ng pagpapahalaga sa bata. Alam natin na ang kailangan ng bata ay ang pagmamahal, pag-aaruga, tamang edukasyon, kalusugan, at mapayapang kapaligiran. Bakit ba hindi nalang ibigay?” ani Tagle.

READ
Ang Varsi sa dekada 50

Kabataan, pagpapala mula sa Diyos

Samantala, nagbigay naman ng mensahe para sa mga kabataan ang arsobispo ng Lingayen-Dagupan, Socrates Villegas, na binasa ng dating Ambassador to Vatican Henrietta de Villa.

“If our rallies and exchange of words hurt you, please forgive us your elders. It is surely not our intention to cause you distress or to lead you to get discouraged,” ani Villegas. “Maybe our fault is that we have not clarified to you earlier that we are not fighting to win over the other. This quarrel is not for us. It is for you. I am standing to defend you. We are fighting error because we might be misled.”

Binigyang-diin din ni Villegas na ang kontraseptibo ay nakapipinsala ng kaluluwa. Kinondena niya si Pangulong Benigno Aquino III sa pagsuporta sa RH bill sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kamakailan.

“You heard when candidate, now President Noynoy Aquino, during his campaign, say 'walang corrupt, walang mahirap.' He was elected in a landslide victory because he spoke what we carried in our hearts,” aniya. “Contraception is corruption. The use of government money, taxpayers’ money, to give out contraceptive pills is corruption.”

Idinagdag pa ni Villegas na ang mga bata ay biyaya ng Diyos at ang pagsasagawa ng birth control ay nangangahulugan na ang pagdami ng bata ang pinag-uugatan ng kahirapan.

“If more babies are the cause of poverty, are we now saying kung walang anak, walang mahirap? We can have more classrooms, more food, more jobs if we would be less corrupt. Send out the corrupt officials, not the babies,” ani Villegas. “You are not the problem. You are our blessing. The problem is the corruption of your elders. We, your elders, must change so your future can be brighter.”

Sinabi rin niya na kahit marami na sa mga kabataan ang hindi na naniniwala sa mga turo ng Simbahan, patuloy pa rin ang paglaban nito sa contraception dahil ito ay “pro-child” at “pro-mother.” Patuloy din ito sa pagpapaalala sa mga Filipino values, mga kautusan ng Diyos, at pamantayan ng mabuting karakter.

READ
Out with the 'trapos' and ex-convicts

Pagpatay sa pinanggagalingan ng buhay

Ang bansang Thailand na isang “condom country” ay mayroon sa kasalukuyan na 1.3 milyong kaso ng Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS), kung kaya’t masasabi na walang “perfect contraceptive,” ani Dr. Eleanor Payabyab, obstetrician-gynecologist na kinatawan ng grupong Doctors for Life.

“Hindi dapat isabatas ang bagay na ginagawang pribado sa kuwarto. Ilang doktor ang gumagamit ng contraceptive pills at naka-IUD (intrauterine device)?” ani Payabyab.

Ipinaliwanag ni Payabyab na kahit ang paggamit ng condom ay hindi tiyak na paraan upang makaiwas sa mga Sexual Transmitted Diseases (STD) at AIDS.

Tinukoy niya ang mga pahayag ni C.M. Roland, isang siyentipiko mula sa Washington, USA at eksperto sa goma, na ang mga condom ay may butas na 5 to 70 micra, ang AIDS virus ay .1 micra lamang at ang sperm ay may laking 50 micra.

“Ang pinakamaliit na butas ng condom ay fifty times the size of the AIDS virus. Nag-umpisa po ang ibang bansa nang ganito, legalisasyon ng contraception. Nakita nilang maraming palpak. Ni-legalize ang abortion, ngayon euthanasia,” sabi ni Payabyab.

Maling turo at paraan ng ‘sex education’

Samantala, ayon kay Dr. Lucile Montes, eksperto sa Family Medicine, ang Simbahan ay pumapayag na bigyan ang mga kabataan ng sex education, ngunit nararapat na gawin ito sa tamang edad, tamang paraan, at tamang mensahe.

“Ang classroom sex education na isinasabatas ng RH bill ay mali. Base sa totoong layunin ng bill na ito, madaling hulaan na ang magiging paksa nito ay population control, paggamit ng kontraseptibo, at ang tinatawag na reproductive health rights, na unti-unting inaalis ang mabuting impluwensya ng magulang sa kanilang mga anak,” ani Montes.

Ipinaliwanag din ni Montes na sa pagsusuri niya ng lesson plans ng Department of Education, ang reproductive health rights na isinasaad ng RH bill ay “nagbibigay pahintulot sa mga kabataan na humingi ng kontraseptibo ng walang pakialam ang magulang.”

READ
Why people should read newspapers

“Ang sex education na itinutulak ng RH bill ay hindi ituturo ang dangal ng tao bilang imahe ng Diyos; hindi ituturo nito na banal ang sex; hindi ituturo nito ang kakayahan ng tao na pagtagumpayin ang gawaing sekswal,” ani Montes. “Ituturo lang nito kung papaano umiwas sa pagbubuntis at umiwas sa pagkakaroon ng STD tuwing nagtatalik.”

Ang mga bansang matagal nang nagpapatupad ng konsepto ng RH bill ay mayroon ngayong laganap na “sex crimes, premarital sex, STD, at abortion.”

“Ang magiging epekto ng sex education ng RH bill ay ang pagsira ng pinakamahalagang asal ng ating kultura. Unti-unti, ang ating mga kabataan at ang mga sumusunod na henerasyon ay ihahanda nilang maging bukas ang isipan sa mga turo na mali,” ani Montes. “Iibahin nila ang pag-iisip; iibahin nila ang values; sisipain nila ang kultura na makapamilya. 'Wag po tayong pumayag na sirain ng sex education ang mga kabataan, ang moralidad ng ating bansa.”

Kulay pula ang suot ng karamihan sa mga dumalo sa prayer rally bilang simbolo ng buhay at ang “pag-ibig ng Diyos,” ani Fr. Anton Pascual, presidente ng Radyo Veritas.

Nagmisa ang arsobispo ng Antipolo, Gabriel Reyes, bago natapos ang pagtitipon bandang ikapito ng gabi.

Sa kaniyang homilya, ipinaliwanag ni Obispo Teodoro Bacani, isa sa mga bumalangkas ng kasalukuyang ginagamit na Konstitusyon noong 1987, kung bakit “abortifacient” ang ilang kontraseptibong ipamamahagi sa ilalim ng panukalang batas.

Ang pills ay may kemikal na kayang magpalaglag ng “fertilized ovum,” aniya. Ang ovum ay tao na at hindi “dugo” lamang gaya ng kaisipan ng mga pabor sa RH bill, dagdag pa niya.

Kabilang sa mga dumalo sina Senate President Juan Ponce Enrile, Senate Majority Leader Vicente Sotto III, Sen. Gregorio Honasan, Rep. Mitos Magsaysay, at si Lito Atienza, dating alkalde ng Maynila.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.