HINIRANG ang isang guro ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters (Artlets) bilang bagong kasapi ng UST Center for Creative Writing and Studies (CCWS) noong Agosto 2 upang mapunan ang kakulangan ng mga manunulat sa Filipino.
Makakasama ni Prop. Eros Atalia ang mga junior associates ng CCWS na sina Carlos Luz, Nerisa Guevara, Ramil Gulle, Lourd de Veyra, at Jose Victor Torres.
Napansin umano ni Dr. Ophelia Dimalanta, direktor ng CCWS, ang kanyang mga napanalunang mga premyo sa tula at sanaysay kaya inatasan siyang maging associate.
Nito lamang Agosto, nagwagi siya ng grand prize sa Gawad Surian-Gawad Collantes para sa kanyang sanaysay tungkol sa pulitika ng wika.
Nagkamit naman ng ikalawang karangalang banggit ang kanyang “Maglaba ay ‘Di Biro” sa Gawad Collantes noong Mayo, at unang gantimpala para sa kanyang tulang “Maririing Tusok ng Kalawanging Karayom sa Nagngangalit na Ugat” noong 1995.
Kapalit siya ni Reynaldo Candido, guro rin ng Filipino sa Artlets, na umalis noong Hunyo dahil isang taon lamang ang plano nitong mananatili sa Center.
Samantala, inilunsad ang bagong isyu ng Tomas, ang opisyal na literary journal ng CCWS, noong Agosto 6 sa CCWS Conference Room sa St. Raymond’s Building, kasabay ng talakayan na “Homage: A Philippine Literary Arts Council Lecture Series by the Masters” na pinangunahan ni Alfred Yuson kung saan tinalakay ang estado ng panitakan sa bansa at ang tulong na ginagawa ng Center para umunlad ito.