20 Agosto 2013, 6:22 p.m. – TUMAAS ang baha ngayong araw sa loob ng Unibersidad kumpara kahapon dahil sa hanging habagat na pinalakas ng bagyong Maring.

Ayon sa ulat ng UST Security Office, lagpas na ng ankle ang baha sa Plaza Mayor. Sa Open Field at sa simbahan ng Santisimo Rosario naman ay hanggang tuhod na ang baha. Kahapon, wala pang kalahati ng gulong ng sasakyan ang baha sa simbahan.

“Mayroong [mga lugar na] mataas [ang tubig], mayroong mababa. Sa harap ng Main Building, sa Plaza Mayor, may tubig kaunti doon,” ani Joseph Badinas, hepe ng Security Office. “Hanggang doon lang naman ‘yung tubig. Mas mataas pa rin ‘yung mga naunang [pagbaha].”

Pinasok din ng tubig ang ground floor ng UST Hospital kung saan matatagpuan ang emergency room at diagnostic examination units, ngunit walang impormasyon kung nilipat na ng mga kawani ang mga pasyente at kagamitan sa mas mataas na lugar.

Ani Badinas, nananatili namang payapa sa loob ng UST. Dagdag pa niya, maaaring daanan ng sasakyan ang kalye Lacson, habang mababaw naman ang baha sa Dapitan sa likod ng UST. Samantala, ang baha sa kahabaan ng España ay nananatiling mataas.

“Yung island sa gitna ng España, lagpas doon yung baha. [H]indi namin ma-measure kung gaano ba kataas ‘yun,” ani Badinas. “Yung [sasakyan ng] DPWH (Department of Public Works and Highways) lang [ang nakakadaan doon].”

Dalawang araw nang kanselado ang pasok sa Unibersidad dahil sa masamang panahon dulot ng bagyo na nagpapalakas sa hanging habagat at nagdudulot ng malalakas at halos walang humpay na pag-ulan. Bukas, Miyerkules, ay pista opisyal kaya’t wala pa ring pasok. Gena Myrtle P. Terre

1 COMMENT

  1. No matter what improvement occur in the Espana campus, flooding will become worse and students will have more suspended classes. It’s time to move to a new location before flooding becomes deeper. Allocate your funds to the new site in Canlubang.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.