TILA malalakas na hataw ng tambol ang tibok ng aking puso sa kaba. Malamig ang panahon pero pinagpapawisan ako at maging ang mga kamay ko ay walang tigil sa panginginig. Para bang bumabaliktad ang aking sikmura at masusuka ako.

Lalong bumilis ang pintig ng aking puso nang makita ko ang mahabang kamay ng orasan na papalapit sa numerong 12. Limang minuto na lang pala bago mag alas-otso.

Umalingawngaw ang tunog ng bell sa buong koridor. Habang nagsisipasukan na sa kanilang silid-aralan ang ibang estudyante, nanatili akong nakatayo sa labas ng aming kuwarto.

“Tan, tara na. Magsisimula na ang eksam,” sabi ng matalik kong kaibigang si Bert.

Bago pumasok ay bumulong muna ako ng maikling panalangin. Bahala na, sabi ko sa sarili ko. Suntok sa buwan ang gagawin kong pagpasok sa loob.

Ganito na lamang palagi ang aking nararamdaman sa tuwing magkakaroon kami ng pagsusulit. Pakiramdam ko kasi, hindi ako gaano nakapaghahanda kumpara sa aking mga kamag-aral. Sa halip kasi na umuwi ako kaagad pagkatapos ng aming klase, dumederecho ako ng silid-aklatan hindi para mag-aral kundi para magbuhat at magbantay ng gamit ng ibang estudyante sa package counter.

Ibang-iba ang sitwasyon ko ngayon kumpara noong nakaraang taon. Dati kasi, nakapaghahanda ako kaya kahit na mahirap ang accounting ay nakakakuha pa rin ako ng mataas na grado dahil mayroon akong sapat na panahon para mag-aral.

Ang problema ko nga lang noon, sa tuwing nalalapit na ang examination period, hindi na alam ng aking mga magulang kung saan sila kukuha ng perang pambayad para sa matrikula ko. Kahit gaano pa ako kahanda, ang tanong naman ay kung makakakuha ba ako ng eksam.

Minsa’y hindi ako pinakuha ng eksam ng propesor namin dahil wala akong permit. Nakaramdam ako ng awa sa sarili dahil habang lahat ng mga kaklase ko’y nagsasagot sa loob ng aming silid, mag-isa akong naghihintay sa labas, nag-iisip kung papaano ba makakakuha ng pagsusulit.

“Anak, pasensya ka na. Wala pa tayong pera. Baka naman pupuwede mo ulit silang pakiusapan na idaan muna ulit sa promissory note ang utang natin,” sabi ni Mama nang minsang humingi ako ng pambayad ng matrikula.

READ
Ang pagbabalik ng dragon

Naiiyak na lang ako sa tuwing maririnig ko ang mga katagang ito. Nararamdaman ko ang kanilang hirap sa pagpapa-aral sa aming apat na magkakapatid. Gayunpaman, hindi ako nagrereklamo dahil alam ko kung paano sila kumayod sa araw-araw para lang maipasok kami sa magandang eskwelahan. Nais ko silang tulungan ngunit ano ba ang magagawa ng isang tulad ko para mapagaan ang kanilang problema?

Hanggang sa dumating ang isang hindi inaasahang pagkakataon.

Nang mabalitaan kong nagbibigay ng scholarship ang aming unibersidad, hindi na ako nagdalawang isip pa na subukang nito.

Hindi biro ang pagkuha ng scholarship. Bukod sa maraming requirements ang kailangang ipasa, marami kaming nagbabaka-sakali na mapagaan ang buhay, ngunit kakaunti lang ang mapagbibigyan.

Araw-araw ay ipinagdadasal ko na sana’y matanggap ako. Halos linggo-linggo akong nagsisimba noon sa Quiapo para matupad lang ang aking kahilingang scholarship. Hindi naman ako nabigo at hindi nagtagal ay natanggap ako bilang student assistant sa library kapalit ang libreng paaral ng unibersidad. Nagtratrabaho ako ng hindi bababa sa limang oras kada araw.

Kahapon nga ay gabi na ako nakauwi ng bahay. Hanggang alas-nuwebe kasi ang duty ko. Bukod sa pagod na ako mula sa trabaho at may nakatambak pang mga libro at makakapal na hand-outs na naghihintay sa akin, dumagdag pa sa sakit ng ulo ko ‘yung estudyanteng nakainitan ko.

Inaalala ko ang pagsusulit namin sa cost accounting na halos hindi ko nasagutan nang biglang dumating ang isang estudyante na may makapal na make-up at punung-puno ng “burloloy” sa katawan. Iniabot niya sa akin ang numero ng kanyang bag.

“Can you move a little faster please? I’m already late na eh,” sabi ng estudyante.

Binilisan ko ang aking pagkilos, ngunit hindi pa rin siya nakuntento.

Lalong tumaas ang tono ng kanyang pananalita na may halo pang pang-iinsulto. “Faster, please! Ang kupad mo naman kuya.”

Nag-init na talaga ang dugo ko. Kung hindi lang babae yung kaharap ko, kanina pa dumampi sa mukha niya ang kamao ko. Iniabot ko na lamang ang kanyang bag at umalis siya nang hindi man lamang nagpasalamat.

READ
PAASCU accredits Medicine; High School next

Nakakainis. Bukod sa ang arte niya magsalita, ang yabang pa niya umasta. Kasalanan ko ba kung mahuhuli na siya sa klase? Nakita na nga niyang hindi ako magkanda-ugaga sa pagbubuhat ng gamit niyang mas malaki pa sa akin, siya pa ‘tong may ganang magreklamo. Mabuti at nakapagtimpi ako, kung hindi, baka napatawag na ako sa office at natanggalan ng scholarship.

Ngayon, panibagong pagsubok na naman ang kahaharapin ko para sa aking scholarship. Kailangan kong mapasa ang eksam na ito.

Binuksan ko ang libro pagkaupo ko sa tabi ni Bert. Pinilit kong tapusin ang pagbabasa kahit na ilang beses na akong humikab dulot ng sobrang antok.

“Bakit parang balisa ka? Hindi ka na naman natulog, ano? Nagsusumigaw ‘yang eyebags mo,” sabi ni Bert habang hinihintay namin ang proctor.

“Pagod na ako.”

Bukod sa nahihirapan na ako sa aking trabaho, sawa na rin ako sa mga mabababang grado na natatanggap ko mula sa aking mga pagsusulit. Madalas, nakukuntento na lamang ako sa mga pasang-awang marka. Natatakot ako na maaari akong matanggal bilang isang iskolar at mas malala pa, maaari akong bumagsak kung patuloy akong makakakuha ng mabababang marka.

Bigla kong naisip ang mga magulang ko. Ano na lang ang mararamdaman nila kapag nawalan ako ng scholarship? Mayroon pa akong dalawang kapatid sa hayskul at isa sa elementary, ayaw kong alalahanin pa nila ako. Hindi ako papayag na makadagdag pa sa mga problema nila.

“Ayokong bumagsak, Bert. Ayoko. Pero nahihirapan na ako.”

“Kapit lang. May final exam pa.”

Dama sa apat na sulok ng kuwarto ang tensyon. Nakayuko ang lahat at sinasamantala ang natitirang panahon para sa mga huling sulyap sa mga libro at kuwaderno. Bumukas ang pinto.

“Keep all your things. Only ballpens, pencils, and calculators on your desks. No scratch papers,” ang sabi ng propesor pagpasok sa silid.

READ
VIP's

Nagmadali ang lahat na mag-ayos ng gamit. Walang maaaring masayang na oras.

Abala ang lahat sa pagsagot habang ang iba naman ay maririnig mong minumura ang kanilang papel sa hirap ng mga tanong. Ako mismo, nahirapan sa kabila ng pagsusunog ko ng kilay. Halos labinglimang minuto na ang lumipas pero kahit isang numero ay wala pa rin akong nasasagutan. Muling namuo ang kaba sa aking dibdib. Naririnig ko ang tibok ng puso ko kasabay ng pag-ikot ng kamay ng aking relo.

Naglibot ang proctor para pirmahan ang aming test permits. Nang lumapit siya sa harapan ko, nagbalik sa aking alaala ang panahong hindi ako pinakuha ng pagsusulit dahil hindi ako nakabayad ng matrikula. Mas mabuti na ito kaysa sa noong hindi ako nakakapag-exam, sabi ko sa sarili ko.

Huminga ako ng malalim. Unti-unting napanatag ang loob ko. Binasa ko ang unang numero – problem solving. Hindi naman pala ganoon kahirap ang tanong. Talagang naunahan lamang yata ako ng kaba.

Nagpatuloy ako sa pagsagot. Ibinuhos ko ang lahat ng makakaya ko sa bawat numero. Maya-maya pa, tumunog ang unang bell hudyat na limang minuto na lamang ang natitira.

“Transfer all your answers to your answer sheet.”

Sinikap kong masagutan lahat ng tanong sa kabila ng maikling oras na natitira. Wala akong iniwan ni isa mang blangko .

Muling umalingawngaw ang tunog ng bell. Nagmadali ang lahat. Ang iba ay nakiusap pa na bigyan kami ng dagdag na limang minute pero naging istrikto an gaming propesor. “Pass all your papers.”

Ibinababa ko ang aking panulat at calculator. Alas diyes na.

Inayos ko ang aking gamit bago lumabas ng kwarto. Naririnig ko ang iba’t-ibang hinaing ng mga estudyante sa paligid. May nagmumura, may nag-iiyakan, may nagrereklamo. Ang iba naman, nagkukumpara ng kanilang mga sagot. Hindi na ako nakinig pa. Nagpaalam ako kay Bert at tinahak ko ang daan papuntang library para sa panibagong araw ng pagtatrabaho. Kacelyn Faye L. Paje

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.