Pasilip sa pugad ng mga leon at dragon

0
1592

NAKAKATAKOT sa una pumasok sa pugad ng mga leon at dragon, kung saan ang lagusan ay madilim, makipot at mainit. Kailangang magmasid sa paligid. Hindi maaring lumikha ng kahit anong ingay. Baka kung ano mangyari.

Pero ilusyon lang ang lahat. Kapag nakalusot na sa lagusan, tatambad ang mga hayop na ito na inihahanda para sa isang panibagong araw.

Nagkalat sa puso ng Binondo, Maynila, ang malalakas na tunog ng gong at tambol, hudyat ng pag-indayog ng mga leon at dragon na aakalaing nakasisindak pero gusto lamang umindak.

Tuwing panahon ng Chinese New Year, naglipana ang mga mananayaw na iniimbitahan ng mga personalidad, negosyante at ordinaryong residente. Sa mahigit-kumulang sampung minutong sayaw ng mga leon at dragon – parehong simbolo ng kapangyarihan, karunungan at dignidad sa kulturang Tsino – naniniwala ang mga patron na maitataboy nito ang mga masasamang espiritu.

Masikip at madilim ang lagusan ng mga naninirahang lion at dragon dancer sa kalye ng Zacateros sa Binondo. (Kuha ni Jeremy R. Edera/ The Varsitarian)

Panahon pa ng dinastiyang Han ipinanganak ang lion at dragon dance. Sa pagitan ng 206 BC at 24 AD, instrumento ito ng mga Tsino para sambahin ang mga ninuno nila at humingi ng ulan para sa kanilang tanim na bigas. Kalauna’y naging parte ito ng mayamang kultura ng bansa na ipinasa nito sa mundo.

Ngunit, sa kabila ng mga nagkikintabang balahibo, nakatago ang ngalay at pawis ng mga taong nagpapaandar nito. Isa sa mga prominenteng nagtatanghal sa Kalakhang Maynila ang Philippine Tong Sun Dragon and Lion Dance Group, naglulungga sa kalye ng Zacateros – isa sa mga nakatayo rito ang isang templong Buddhist.

Nakilala ng Varsitarian ang isa sa mga miyembro nito na si Marvin Santos, 40, labing-isang taon nang mananayaw na niyaya noon ng kababata niyang bagong salta sa Binondo. Aniya, para umanong kumpanya ang kalakaran sa industriya.

“Noong [mga] unang taon namin, nag-start lang akong tagahatak ng drums,” wika niya. “Lahat po, doon nagsisimula. Hanggang sa naiinggit kami. ‘Bakit ganito lang kami?’ Gusto rin naming matuto.”

Aniya, hindi basta-basta ipinagkakatiwala ang paghawak sa leon o dragon. Sinisikap ng bawat miyembro na unti-unting matutunan ang iba’t ibang aspeto ng pagtatanghal, gaya ng pagtatambol, pagsi-cymbals, at pagma-mascot. Inaabot ng linggo ang kanilang paghahanda, lalo na kung sunud-sunod ang kompromiso.

Metikoloso ang preparasyon ng parehong sayaw. Mas komplikado ang sa dragon dance dahil dapat isang dosena ang nakahawak sa mga patpat para maniobra ang 20-metrong dragon (Sabi ng grupo, pinakamahabang naiindak nila ang 1,200-talampakang dragon.). May iba’t ibang kumpas na maaaring sundin tulad ng “Cloud Wave,” “Whirpool” at “Dragon Chasing the Pearl.” Sa ikatlong nabanggit, sinasalamin nito ang patuloy na pagtuklas ng dragon ng karunungan.

Mas pagpapalain kapag ginto ang kulay ng dragong isinayaw, ayon sa kulturang Tsino. Pero dedepende ito sa panahon. Kapag berde, humihingi ang kliyente ng masaganang ani. Kapag pula, manipestasyon ito ng tag-init; kapag puti, taglagas; at kapag itim, taglamig (Dahil nasa gitna ng mundo ang Filipinas, tanging dalawa lang ang nararanasang klima nito.).

Mas madali naman ang sa lion dance dahil dalawang tao lang ang kailangan para paindakin ang mga ito. Nagbibigay-enerhiya ang mga leon sa pagtatanghal dahil sa mga acrobatic at martial art na ipinamamalas nito.

Dinastiya

Dahil 2013 itinatag ang Philippine Tong Sun Dragon and Lion Dance Group, kaya na raw nilang makabisa ang walong-minutong komplikadong routine sa loob lang ng isang buwan, ayon sa nagkupkop kay Santos na si Arman Lutrania, 50, ang master ng grupo na mas kilala bilang “Tong Sun.” (Mismong araw ng panayam noong Pebrero 7 ipinagdiwang ang kanilang ika-11 anibersaryo.)

Nagsarili ng grupo ng mga lion at dragon dancer si Arman Lutrania, o kilala sa kanilang lugar bilang si “Tong Sun,” noong 2013. Dalawampu’t tatlong taon na siya sa industriya. (Kuha ni Jeremy R. Edera/ The Varsitarian)

Dalawampu’t tatlong taon na sa industriya si Lutrania na tubong Binondo. Nagsarili siya ng grupo kasama ang mga kaibigang naturuan niya ng pagsasayaw.

Nagsarili siya ng grupo ng mga lion at dragon dancer noong 2013. Lumipas ang mahigit isang dekada, 130 na ang miyembro ng pangkat.

“Sa Binondo kasi, ‘pag tagarito ka, mate-train ka,” wika niya sa Varsitarian. “So, sumasali kami sa mga group noong mga bata kami. [Tapos], ‘yong mga kaibigan ko, nagsarili kami.”

“Sila ‘yong mga kasama kong kumalas. Hindi ako iniwan. Sila ‘yong mga bata noon na tinuturuan ko na kasingkukulit ng mga anak nila ngayon. Nang tumanda na, mababait na, ‘yong anak naman nila ang makukulit.”

Nagbigay ang nanay ni Lutrania ng paunang P100,000 para bumili ng mga kagamitan tulad ng tambol. Makalipas ang isang dekada, 130 na ang bilang ng mga lion at dragon dancer na nasa pangangalaga ni Tong Sun.

Bukod kay Santos, pinamanahan din ng talento si Tyrone Tolentino, 17, anak ng isa sa mga opisyales ng pangkat. Mga dalawang taon siyang tinuruan ni Lutrania na maging lion dancer.

“[N]apakasaya po na kasama ko po sila,” wika ni Tolentino sa Varsitarian. “So, ‘pag nakakapag-perform po kami ng sabay-sabay, iba po ‘yong nadarama naming saya.”

Hindi alintana ni Tyrone Tolentino, 17, ang pagiging lion dancer sa kabila ng mga responsibilidad niya bilang mag-aaral ng Grade 10 sa Novaliches, Quezon City. (Kuha ni Jeremy R. Edera/ The Varsitarian)

Nasa ika-10 baitang na ang binatilyo na nakatira sa Novaliches, Quezon City. Mababanaag sa kaniyang mata ang kahalagahan ng pagsasayaw para sa kaniyang pamilya. Sa kabila nito, hindi naman nag-aalinlangan si Tolentino na pansamantalang lumiban sa klase kapag sunud-sunod ang mga pagtatanghal.

“Naba-balance naman po. Same ngayon po, totally nagpapaalam po ako sa teacher ko na mag-e-extra muna ako ng lion dance. Nagpaalam po ako. Pumayag po,” wika niya.

Mayamang kultura

Hindi libre ang pagnanasa ng suwerte. Sinisingil ng P15,000 ang bawat kliyente ng grupo. Kapag may dragong nais isama, aakyat ang presyo sa P25,000. Mas mahal pa kapag gaganapin sa mga probinsya tulad ng Laguna o Pampanga ang pagtatanghal.

Ayon kay Tong Sun, galing Tsina kasi ang karamihan sa mga gamit nila, kabilang ang mga papel pang-hulma ng leon at dragon, at instrumentong pantugtog.

“Mayroon kaming import galing China,” paliwanag niya. “Pero kung tutuusin, kung meron lang tayong materyal na ganito, kayang-kaya nating mag-export sa kanila eh. Ang difference ng imported sa local, ‘yong bigat. Alin po ‘yong mas mabigat? Local. Pero ‘yong kulay, ‘yong pag-develop nung mukha ng dragon, kayang-kaya natin ‘yong gawa ng China.”

“At saka, ang hindi lang nagagawa sa Filipinas, ‘yong drums. China ‘yan. Balat ng baka talaga ‘yan. Saka ‘yong cymbals. Doon kasi, talaga sila naman ‘yong gumagawa kaya ini-import talaga ‘yan.”

Mga nakababatang miyembro ng grupo ang may responsibilidad sa pagdagundong ng tambol at pagbangaan ng cymbals. Ginagabayan sila ng isang opisyales. (Kuha ni Jeremy R. Edera/ The Varsitarian)

Pero dedepende sa mismong okasyon ang ihahandang props. Kadalasan, naiimbitahan ang grupo sa mga anibersaryo, inagurasyon, kaarawan, kasal o pagbubukas ng mga bagong negosyo. Depende sa pagdarausan kung ang leon ay malalasing, matutulog o di kaya’y yuyuko.

May sarili ding tradisyong sinusunod ang mga kliyente na kadalasang isinasama sa pagtatanghal, tulad ng paglalatag ng mga prutas, pagpapainom ng alak, pag-aalay ng manok, pamimigay ng mga ampao at pagpapaligo ng mga barya.

“‘Yong matatandang times, ganyan ‘yong ino-offer: Kailangan mo i-offer ‘yong alak [at] kailangan, ubusin niya ‘yon,” wika ni Lutrania. “Parang may script na, parang may story siya.”

Sa araw ng panayam, nagtanghal ang grupo ni Tong Sun sa simbahan ng Santa Cruz, na itinatag ng mga Heswita noong 1619 para pagsilbihan ang mga Tsinong nakatira sa lugar na iyon. Gamit pa rin nila ang mga tambol na binili nila labing-isang taon na ang nakararaan.

Marami sa mga lion at dragon dancer ang baguhan – mga may trabaho sa umaga, mga negosyante, at mga mag-aaral. Sila ang patuloy na nagbibigay-sigla sa mga kalsada, nagbibigay-buhay sa mga paniniwalang may kalakip na pantasya, at nagdudugtong sa mahabang linya ng dinastiya’t tradisyong nagbubuklod sa kulturang Filipino at Tsino.

Nagtatanghal ang Philippine Tong Sun Dragon and Lion Dance Group sa harap ng simbahan ng Santa Cruz sa Maynila noong Pebrero 7. (Kuha ni Jeremy R. Edera/ The Varsitarian)

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.