PINARANGALAN ang isang dating punong patnugot ng Varsitarian para sa kaniyang mga kontribusyon sa paglilinang ng performance poetry sa bansa.
Sa idinaos na Philippine Live Entertainment, Arts and Festival (LEAF) Awards, isa ang awtor na si Vim Nadera sa labing-dalawang nakatanggap ng Golden LEAF Presidential Award.
Bilang “Ama ng Performance Poetry” sa bansa, ginamit umano ni Nadera ang kaniyang mga obra para sa mga kapaki-pakinabang na adbokasiya, tulad ng pagsasagawa ng mga art therapy para sa mga may kanser at may isyu sa mental health at mga programang pang-sining sa mga lokal na komunidad.
“This has positioned him as a pioneer in utilizing the arts for social change and community healing, further solidifying his stature as a multifaceted cultural icon,” eksplanasyon ng grupo sa isang Facebook post nito.
(Dahil sa mga adbokasiyang ito, naposisyon siya bilang isang pioneer sa paggamit ng sining upang maghatid ng pagbabago at paggaling sa lipunan. Patunay ito ng kaniyang solidong estatura bilang isang multifaceted na aykon ng kultura.)
Mas kilala sa mga kabataan bilang spoken poetry, ang performance poetry ay kombinasyon ng mga elemento ng pagtutula, pagkukuwento at pagtatanghal.
Noong 2015, ipinanganak ng Cultural Center of the Philippines ang Performatura upang kuminang ang talento ng mga dibuhista sa larangan ng performance poetry. Halos isang dekada nang nagsisilbing festival director si Nadera.
Nagsilbing punong patnugot ng Varsitarian si Nadera mula 1987 hanggang 1988.
Taong 1985 nang buhayin niya ang isang taunang patimpalak pampanitikan na isinagawa ng Varsitarian noong dekada ‘40. Pinangalanan niya itong Gawad Ustetika, kombinasyon ng mga salitang “UST” at “estétiká.”
Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Ang Golden LEAF Presidential Award ay iginagawad sa mga indibidwal o institusyon na nagpamalas ng husay sa iba’t ibang larangan ng sining.
Kabilang sa mga nagkamit ng gantimpala ngayong taon ay sina Anton Juan (Theater), Joey Ayala (Music), Kublai Millan (Arts), Ed Murillo (Theater), Nap Jamir (Artist Educator for Film), Marichu Tellano (Cultural Leadership), at Felipe De Leon Jr. (Cultural Education).
Idinaos ang gabi ng parangal nito sa Metropolitan Theater sa Maynila noong ika-8 ng Pebrero.