Nagtanghal ang UST Salinggawi Dance Troupe at iba pang mga kampeon ng Sayaw Pinoy National Competition sa pagwawakas ng Pambansang Buwan ng Sining sa Metropolitan Theater nitong Martes, Marso 5. (Kuha ni Jana Francesca D. Yao/ The Varsitarian)

SUMENTRO sa ritwal ng mga Ilokano para sa mga patay ang pagtatanghal ng UST Salinggawi Dance Troupe sa “Sayaw Pinoy: Konsyerto ng mga Kampeon,” ang pagwawakas ng mga aktibidad para sa Pambansang Buwan ng Sining na idinaos sa Metropolitan Theater nitong Martes, Marso 5.

Tampok sa kontemporaryong sayaw ng Salinggawi ang “atang,” kung saan nag-aalay ng pagkain ang mga Ilokano sa mga yumao nitong mahal sa buhay para iwaksi ang mga masasamang espiritu. Katumbas nito ang “alay” ng mga Tagalog at “halad” ng mga Cebuano.

(Kuha ni Jana Francesca D. Yao/ The Varsitarian)

Kuwento sa Varsitarian ng pangulo ng Salinggawi na si Germaine Geneta, nakahanay ang konsepto sa mga koreograpiyang neo-ethnic, kung saan pinaghahalo ang mga hakbang ng ballet at mga galaw na pang-tribo.

“Kapag Sayaw Pinoy, talagang more on neo-ethnic ‘yong pinagkukuhanan. So, ‘yong batok [in 2019] is based sa […] Kalinga tribes na nagbabatok, nambabatok – so, nagta-tattoo. Ito naman, Ilokano,” wika niya.

Pinakita ng pagtatanghal ang iba’t ibang aspeto ng “atang,” na, ayon sa isang pananaliksik, ay isang paraan ng panalangin at intersesyon para sa mga namayapa.

“‘Yong women, they wash their hair sa river to wash away the negative energy kapag may namatay, and then, in the end, we celebrated the life nung namatay,” wika ni Geneta.

Kasama ang Salinggawi sa sampung pangkat na nagtanghal sa konsyerto – ang pagsasama-sama ng ilan sa mga nanalo sa “Sayaw Pinoy” na inilunsad ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining noong 2006.

Taong 2015 nang unang sumali ang Salinggawi sa kompetisyon sa pangunguna ng noo’y direktor ng sining na si Robert Stephen Biadoma.

Noong 2019, bago pumutok ang pandemya, naiuwi ng grupo ang ikalawang gantimpala sa mga kategoryang kontemporaryo, para sa eksibisyon nito ng pangbabatok, at sayawing bayan, para sa pagtatanghal ng tinikling.

Wika ni Geneta, pagkakataon ang mga ganitong patimpalak para maipamalas ng grupo ang kanilang husay sa labas ng UAAP.

“Bukod sa pagpapalaganap ng mga sinaunang tradisyon, gusto rin namin mapakita ang talentong Tomasino sa buong Filipinas dahil ang ‘Sayaw Pinoy’ ay isang pambansang kompetisyon ng pananayaw,” giit niya sa wikang Ingles.

(Kuha ni Jana Francesca D. Yao/ The Varsitarian)

Dagdag ni Riecel Jollie Forcadela, pangalawang pangulo para sa sayaw ng Salinggawi, sa entablado sila mas epektibo maging tagapagkuwento.

Dance is ‘yong way ng pagco-communicate sa audience,” wika niya sa Varsitarian. Through dance, through our emotions, through our skills, doon namin pinapakita ‘yong story ng piyesa.”

Umindayog din sa konsyerto ang mga grupong Batang Mama at JCrisis ng Maynila at Next to Innocence ng Bulakan para sa kategoryang hip-hop; BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe ng Pamantasang Pampamahalaan ng Bulakan, PHSA Sanghiyas Pangkat Mananayaw ng Mataas na Paaralang Pansining ng Pilipinas sa Laguna, at PNU-Visayas Makawiwili Dance Troupe ng Pamantasang Normal ng Pilipinas sa Negros Occidental para sa sayawing bayan; at Ligliwa Dance Troupe ng Pangasinan, SUNN (dating NONESCOST) Integrated Performing Arts ng Negros Occidental, at Tanghalang Bagong Sibol Theater and Dance Company ng Malabon para sa kontemporaryo.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.