Tila isang hakom ang Pebrero 24 para sa mga ipinanganak ng araw na iyon.
Kabilang na ako doon. Linggo ng hapon noong 2002 ako unang namulat sa mundo. Saktong pahinga ng mga empleyado kaya hindi tumama sa araw ng trabaho. Nagkataon ding natapat ng holiday ang Lunes, ika-25 ng Pebrero, ang araw kung kailan ginugunita ang unang rebolusyon sa Edsa. Long weekend, ika nga.
Dahil sa bisperas ng People Power ako ipinanganak, madali na naming napaplano ang aking kaarawan. Kapag may pasok ako, lagi lang sasambitin ng aking pamilya na “May handa ngayon, pero bukas na lang tayo pumuntang mall!” o “Bukas na lang tayo bibili ng keyk.”
Wala namang kaso sa akin ang ganitong set-up. Pero sa aking paglaki, napaisip lang ako kung bakit nga ba walang pasok kapag Pebrero 25. Ano ba itong People Power na pinagsasasabi nila kapag malapit na ang bertdey ko?
Kapag tinatanong ko mga magulang ko, lagi nilang sambit na ito raw ang “childhood” na pinagdaanan nila. Pero ‘pag lalapit na ko kina Lolo’t Lola mula sa angkan ng aking nanay, malaman ang mga kuwento nila. Ang masaklap lang, dalawang bersyon ng People Power ang lagi kong naririnig.
Kasama ko na sina Lolo Andres at Lola Dolly mula paglaki. Sila ang nag-aalaga sa akin sa tuwing pumapasok sa trabaho ang aking mga magulang. Sila din ang madalas kong kalaro.
Kay Lolo Andres ako natutong mag-bisikleta kasama ng mga pinsan ko. Siya ang nagbabantay sa amin tuwing nagpapabilisan kaming magpipinsan sa pagpepedal sa tapat ng aming bahay.
Lumaki si Lolo sa Sto. Niño, Cagayan, kung saan mga isang oras pa ang biyahe mula Tuguegarao (at hindi biro tumungong Cagayan nang naka-kotse dahil mahigit 12 oras ang bubunuin sa biyahe, depende pa sa trapik.).
Namulat si Lolo sa komunidad na buo ang pagmamahal at suporta para kay Apo Lakay, o si Ferdinand Marcos Sr. “Solid North” ang bansag sa mga probinsya sa Norte na hindi bumitiw sa dinastiya kahit pa napatalsik ang patriyarka nito sa kapangyarihan. Kay Lolo ko unang narinig na magaling daw si Apo Lakay. Pruweba? Minsan daw inisip ng pangulo na maging malaking Disneyland ang Filipinas, pero pinantulong na lang daw niya ang perang malilikom sa mga taong naghihikahos.
Si Lola Dolly naman ang nagmulat sa akin sa mga madidilim na tagpo ng kasaysayan dahil isa siyang retiradong propesor. Sumasama ako madalas sa kaniya sa mga pagpupulong at prusisyon sa parokya kung saan siya nagboboluntaryo. Tubong Ragay, Camarines Sur, naman siya, na mahigit siyam na oras ang layo sa Maynila. Dito siya nanirahan ng matagal bago nagpatalon-talon ang kaniyang pamilya sa iba’t ibang probinsya.
Mahirap raw ang panahon noong Batas Militar, giit niya, dahil sobrang higpit ng pamahalaan sa lahat ng mga kritiko nito. Pero hindi naman natinag ang mga tao at nagpatuloy sa kanilang protesta. At kahit hindi siya sumama sa mga nagtipon sa Edsa noong 1986, masaya siya’t marami sa kaniyang mga estudyante at kapwa guro ang sumali para palayain ang bansa mula sa diktaturya.
Sa dami ng natutunan ko sa kanilang dalawa, sa kanila rin ako unang nakarinig ng mga nagsasalpukang naratibo tungkol sa People Power. Matagal itong bumulabog sa isipan ko at kung minsan pa’y nakapagpalito sa akin. Naalala kong may panahon noong nasa elementarya ako na inisip ko talagang mabuting pinuno si Marcos Sr. Sinubukan ko pa ngang ikatwiran sa mga kaklase ko na walang problema kung inutos niyang paslangin ang mga kritiko niya dahil ikinaunlad naman ito ng ating ekonomiya.
Hindi rin nagtagal at bigla naman akong pumanig sa mga nag-alsa sa Edsa. Masyado akong nabilib at napadepensa sa mga Aquino at hindi nakinig sa mga may lehitimong kritisismo sa panunungkulan ng matriarch nito. Nabingi na ko sa mga panaghoy ng mga taong tila nakalimutan matapos ang People Power.
Dahil kina Lolo’t Lola, sumiklab ang aking kagustuhang sumali sa malalimang diskurso tungkol sa Edsa. Nagkaroon ako ng mas makahulugang pagkakaintindi sa pinaglaban ng mga Filipino noong 1986. Nakabuo ako ng sarili kong paniniwala tungkol sa People Power. Pero dahil din sa kanila, mas nalito ako sa mga bagay-bagay. Bilang musmos na nais lamang malaman ano ba ang meron, tinadtad nila ako ng magkasalungat na naratibo na halos magpasabog na ng utak ko.
Bagong panahon, lumang kulay
Sa nagdaang halalan noong 2022, sumiklab nanaman ang mga nagbabanggaang paniniwala. Umalingawngaw ulit ang People Power dahil sa mga kandidatong nagsipagtakbuhan. Nang nagtuos ang taga-Norte at Bikolana sa pagkapangulo, tila nagtuos din ang taga-Norte at Bikolana kong Lolo’t Lola.
Laging hati ang usapang politika sa bahay. Tila naungkat ang mga sugat ng nakaraan. Minsa’y hindi na komportable ang mga kumbersasyon nina Lolo’t Lola.
Dahil tubong Cagayan si Lolo, masidhi ang kaniyang paniniwalang si Ferdinand Marcos Jr. ang tatanghaling kampeon. Bilib siya sa lawak ng lamang ni Marcos at ng kaniyang kasangga na si Sara Duterte-Carpio sa mga survey. Para sa kaniya, tapos na ang panahon ng Edsa at oras na sa pagbabalik ng mga Marcos.
Para naman kay Lola, manok niya ang kapuwa niya Bikolanang si Leni Robredo. Mas madami siyang totoong tagasuporta, ani niya, at mas kapaki-pakinabang sa bansa ang mga batas na isinusulong niya. Siya ang magpapanatili ng espiritu ng Edsa sa bansa. Sa kabila ng mga survey, umasa siyang mananaig ang hanay ni Robredo.
Sa kasamaang palad, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mag-asawa. Laging may pagtatalo. Laging may pagsasabong. Parang dati, nagbanggan ulit ang mga naratibo sa isip ko. Nagulo ulit ako ng bahagya. Muli, kasaysayan nanaman ang nagboboksing sa utak ko.
Sa tuwing dadaan ang kaarawan ko, tila paalala ito sa akin ng mga baralanggong kabanata ng bansa na direkta o hindi direktang nakakaapekto sa buhay ng bawat Filipino. Paalala rin ito ng iba’t ibang karanasan ng mga tao noong panahong iyon, tulad nina Lolo’t Lola, na testamento sa patuloy na dibisyong naghahati-hati sa mga tao.
Sa lahat ng hinaharap ng ating lipunan ngayon, hiling ko lamang kada Pebrero 24 na mas kumonti ang mga kabataang malito sa pag-aaral ng kasaysayan. Malantad sana sila – at ang aking mga anak at apo – sa kung ano ang totoo.