PARA kay dating senador Leila de Lima, hindi sapat ang kaniyang makulay na karera para iligtas siya sa bingit ng pagkakakulong.

“Akala ko noon, sapat na iyong kinalakihan kong tapang, ‘yong aking pagiging abogada [at] pagiging senador upang harapin ang lahat ng pang-aabuso,” wika niya sa taunang Adrian E. Cristobal Lecture Series na ginanap sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong ika-20 ng Pebrero.

Tatlong kasong may kinalaman sa bentahan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison ang naging dahilan para manatili ang dating kalihim ng Department of Justice sa bilangguan ng halos pitong taon.

Tingin ng oposisyon, ganti ito ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil marubdob na inimbestigahan ni De Lima sa Senado ang kaniyang madugong giyera kontra droga na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 6,000 tao mula 2016 hanggang 2022, ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Absuwelto na sa dalawang kaso ang kasalukuyang tagapagsalita ng Partido Liberal. Sa ikatlong kaso, na inaasahang madedesisyunan ngayong taon, pinayagan ng isang hukom sa Parañaque na makapagpiyansa siya.

Pero hindi nagtapos sa droga ang mga akusasyon. Bilang babae, giit ni De Lima, kinailangan niyang tiisin ang isang mundong may ekspektasyon na para sa kanila.

When we step into the arena of political dissent, we become targets, not just for our ideas, but for who we are – as a woman,” wika niya sa kaniyang talumpati na pinamagatang “Gender and Political Oppression (Kasarian at Opresyong Politikal).”

(Kapag tumapak na tayo sa arena ng politikal na dissent, tinatarget na hindi lamang ang ating mga ideya kung hindi pati sa kung sino tayo – bilang mga babae.)

Naging tampulan ng tukso ang pag-amin noong 2016 ng dating guwardya ni De Lima na si Joenel Sanchez sa harap ng mga kongresista na nagkaroon sila ng relasyon sa isa’t isa. Itinanggi ng dating senador ang mga akusasyon at naghimutok kung bakit siya pinalalabas na imoral.

Ang mga ganitong karanasan ang kabayaran umano ng mga kababaihan na nagtatanggol sa karapatan ng iba, ani De Lima.

“This issue of gender and political oppression has taught me one of the greatest lessons I have learned in my almost seven years of unjust detention: that we are all bound together in a shared struggle against systemic injustices that continue to persist,” wika niya.

(Tinuro ng isyu ng kasarian at opresyong politikal ang isa sa pinakamahalagang natutunan ko sa halos pitong taong walang katarungang pagkakakulong: na nakagapos kami sa iisang pakikibaka laban sa sistematikong inhustisya na nagpapatuloy hanggang ngayon.)

Dagdag ni De Lima, hindi raw maaaring sabihin na pantay ang pagdurusang politikal ng mga lalaki at babae, lalo pa’t patuloy ang paglaganap ng misonhiya.

When the character assassinations against me started, ang komento ng mga tao, ‘Masyado kasing matapang, kalabanin ba naman si Duterte na isang brusko,’ and I received more than 2,000 hate messages on my cellphone during that time,” kuwento ng dating senador.

(Nang nagsimula ang mga atake sa aking karakter, ang komento ng mga tao, ‘Masyado kasing matapang, kalabanin ba naman si Duterte na isang brusko,’ at nakatanggap ako ng mahigit 2,000 masasakit na mensahe sa aking cellphone noong panahong iyon.)

Base sa datos ng grupong Tanggol Bayi noong 2023, mahigit 160 kababaihan mula sa kabuuang 819 ang maituturing na bilanggong politikal sa bansa. Inabot na ng isang dekada ang ilang mga presong dinampot sa mga kasong gawa-gawa lamang, ayon sa grupo, kabilang na si Grace Verzosa, na inaresto noong 2013 dahil umano sa pagnanakaw, pagpatay at pagdala ng mga pampasabog.

Inimungkahi ni De Lima na magsama-sama ang mga kababaihang biktima ng inhustisyang politikal para epektibong malabanan ang opresyon.

We challenge misconceptions and deeply ingrained biases through powerful narratives,” wika niya. “By sharing our stories, individuals and communities can counter negative narratives often perpetuated by those in power. This helps expose the true nature of injustice and paves the way for more informed and compassionate responses.”

(Hinahamon natin ang mga maling akala at malalalim na pagkiling gamit ang mga makapangyarihang naratibo. Sa paglahad ng ating mga kuwento, tinutulungan natin ang mga indibidwal at komunidad na kontrahin ang mga negatibong storya na pinakakalat ng mga nasa kapangyarihan. Binubulgar ng mga ito ang tunay na mukha ng inhustisya at nagbibigay-daan para sa mas maalam at mahabaging tugon.)

Hearing other stories can validate one’s own experiences and inspire individuals to connect, support each other, and collectively advocate for change. Our stories also serve as vital historical records documenting the struggles and trials of those who fought for justice,” dagdag niya.

(Pinatitibay ng mga ganitong kuwento ang ating sariling karanasan at nagbibigay-inspirasyon sa mga indibidwal na kumonekta, suportahan ang isa’t isa, at kolektibong manawagan ng pagbabago. Nagsisilbing mahalagang tala din ang mga storyang ito sa mga nagdodokumento ng paghihirap at pagsubok ng mga tagapagtanggol ng hustisya.)

Si De Lima ang ika-14 na manananayam sa taunang lektyur na nagsimula noong 2011 bilang pagpupugay sa yumaong manunulat at intelektwal na si Adrian Cristobal, na siyang nagtatag ng Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas.

Ilan sa mga naimbitahan nang magsalita sa lektyur ay sina Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio Almario noong 2012 at Resil Mojares noong 2013. Nagbigay-talumpati din noong 2017 si Prop. Cristina Pantoja-Hidalgo, kasalukuyang direktor ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Diana May B. Cabalo

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.