Dibuho ni F.M.C. Amar“ASTIG.”

Ganito inilarawan ni Mary Joy Angeles, nasa unang taon sa kursong civil engineering, ang pagsusuot ng damit na may disenyong three stars and a sun.

“Bukod sa ang cool ng tingin sa akin ng mga tao kapag nagsusuot ako ng ganitong damit, ipinapakita ko rin ang pagsuporta ko sa mga produktong Filipino,” aniya.

Mula sa isang awitin noong 1995, ang three Stars and a sun ay pinauso ng yumaong Francis Magalona kung saan ang mga elemento ng pambansang watawat ay ginamit na palamuti sa t-shirt, jacket, sombrero at iba pa.

Uminit ang pagtanggap dito ng sambayanan, lalo na ng kabataan, dahil na rin sa pagtangkilik ng mga kilalang personalidad tulad nina Manny Pacquiao, Apl.de.ap ng Black Eyed Peas, at ng grupong Philippine All-Stars na kitang-kita ang pagka-Filipino sa kanilang mga kasuotan.

Ayon kay Antonino Tobias IV, isang sosyologo mula sa Faculty of Arts and Letters, nakadadagdag sa popularidad ng mga dinisenyong t-shirt ang pagsusuot nito ng mga sikat na tao. Halimbawa na lamang ay ang pagsulpot ng iba’t ibang nationalist t-shirts matapos pumanaw ng dating pangulong Corazon Aquino.

“Nagdudulot [ang pamamayagpag ng mga Filipino sa ibang bansa] sa pagtaas ng pagtingin ng mga Filipino sa kanilang sarili. Lalo pa itong pinapaigting ng media na nag-uulat tungkol sa mga ito,” ani Tobias.

Ngunit ayon kay Teddy Atienza, pinuno ng Heraldry Division ng National Historical Institute, maituturing na paglabag sa Republic Act 8491 o Heraldic Code of the Philippines ang paggamit ng mga pambansang sagisag, gaya ng pambansang watawat, bilang bahagi ng damit at kasuotan.

READ
Kapangyarihang maglingkod sa kapwa

May ilang probisyon kasi rito na nagbabawal sa paggamit ng bahagi o kabuuan ng watawat para sa mga kasuotan at sa iba pang produkto.

Ani Dennis Coronacion, propesor ng Philippine Government and Constitution sa Faculty of Arts and Letters, ang mga pambansang simbolo ng Pilipinas ay protektado ng batas, hindi kagaya sa Estados Unidos at iba pang mga bansa.

“I can’t think of anyone out there whose intention is good in designing a shirt, penalized or imprisoned [for using the national symbol]. In fact, it’s one way of expressing that you’re proud of our country,” ani Coronacion.

Aniya, ganito rin marahil ang iniisip ng mga Filipinong tumatangkilik sa three Stars and a sun.

“Mahirap sabihin na tumaas ang sense of nationalism ng mga kabataan. But there is hope that by wearing these shirts, they’d be aware about the Filipino identity,” dagdag ni Coronacion.

Sumang-ayon naman dito si Tobias, sabay sabing nakadepende sa taong nagsusuot ng damit ang kahulugan nito.

“It depends on how people utilize these shirts. Merong mga militanteng grupo na nagsusuot din ng mga ito for advocacy purposes,” aniya.

Sinabi niyang hindi maituturing na isang fad lamang ang mga nationalist t-shirts dahil may sapat naman na kaalaman ang mga nagsusuot ng t-shirt sa mensahe ng mga simbolong nakatatak dito. Nakatutulong din ito sa pagpapayabong ng damdaming makabayan sa bansa.

Mungkahi ni Coronacion, dapat luwagan ang ilang probisyon ng Heraldic Code upang hayaan ang mga tao na gamitin ang mga pambansang simbolo sa masining na paraan. Sa pag-amyenda, “hindi dapat napipigilan ang artistic expressions ng nationalism. It all boils down to their motive [in doing so],” aniya.

READ
Cory forever

Sumang-ayon naman dito si Atienza subalit giit niya, dapat ay maghigpit pa rin sa paggamit ng watawat bilang disenyo sa mga kasuotan upang mapanatili pa rin ang importansiya nito.

Sa kasalukuyan, may mga nakabinbin na mga panukalang-batas sa Kongreso na naglalayong amyendahan ang Heraldic Code.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.