Sa pagkamatay ni Rolly Kintanar, dating opisyal ng CPP-NPA, natuon naman ang ating pansin sa kaso ng mga nagbabalik-loob sa gobyerno. Maaari nating sabihing nagkamali ang gobyerno sa pagsang-ayon sa Amerika na tawagin ang mga NPA na terorista. Hati pa rin ang aking damdamin kung isa-isang suriin ang mga karahasang ginawa ng mga taong ito. Ayon sa kolumnistang si Randy David, hindi magandang precedence ang pagtawag sa CPP-NPA na terorista dahil paano na lang kung may mga samahang mas mahina ang kapit subalit mas matatag sa prinsipyong ipinaglalaban? Patuloy ba tayong magbulag-bulagan?
At dito, nabuhay na namang muli ang alaala ng malagim na pagkamatay ni Conrado Balweg, alyas Ka Ambo, isang dating pari na namundok upang pangunahan ang mga kapwa niya Tingguian sa patuloy na pagsamsam ng rehimeng Marcos sa kanilang katutubong lupain. Naging simbolo siya sa isang marangal na pakikipaglaban sa isang marangal na layunin. Naging isang napakapait na bahid sa kasaysayan ng Abra at sa buong bansa ang pagkamatay niya sa kamay ng CPP-NPA.
Si Ka Ambo ay tubo ng Malibcong, isang liblib na bayan ng mga Tingguian. Bumalik siya sa naturang bayan upang ibalik ang kapayapaan. Tumanggi siya sa alok ng militar na proteksyon, sanhi upang madaling tubusin ang kanyang buhay ng bala.
Hanggang ngayon, wala pa ring nangyayari sa kanyang kaso maliban sa mga espekulasyon ng militar at media. Ang nakakapanlumo, ito ang simula ng sunod-sunod na patayan sa Abra, na kadalasan ay isinisisi sa mga rebeldeng komunista.
* * *
May dalawang kaibigan na nagbitiw ng mga katagang pilit kong kinalimutan subalit ayaw pumanaw hangga’t hindi ko nasasagot o kaya maisulat man lamang. Ang isa ay nagtanong kung bakit ako na Ilokano ay mas piniling magsulat sa Filipino? Ang isa naman ay nagsabing na dahil ako ay nagsusulat sa Filipino, marahil hindi ako marunong mag-Ingles.
Sa unang tanong, walang koneksyon ang pagiging Ilokano at mahihirapan kang mag-Filipino. Marami nang Ilokano ang nagpakadalubhasa sa Filipino. Hindi ito kataka-taka dahil sa angking yaman ng panitikang Iloko na puwedeng maipantay sa panitikang Tagalog o ang pangkalahatang Filipino. Marahil, ito ang dahilan kung bakit hindi mahirap para sa isang Ilokano na ilapat ang niloloob sa Ingles man o Filipino.
At isipin rin natin na ang Filipino ay hindi Tagalog. Bagkus, ito ay isang yumayamang wika na nagbubukas ng pinto sa mga pangunahing wika ng bansa.
Sa ikalawang tanong, marunong naman po tayo ng kaunti ng Ingles subalit mas gugustuhin kong makilalang dalubhasa sa Filipino. Para sa akin, ang Ingles, kahit gaano man ito kaimportante, ay isa pa ring banyagang salita. Kapag nangangarap at nanaginip ako, Iloko ang aking salita subalit kapag nagsusulat ako at ilinalabas ang aking damdamin, mas komportable ako sa Filipino. Saka lang naman ako natutong mag-Ingles noong pumasok na ako ng paaralan.
Noong nasa hayskul ako, sa aming seminaryo, buong araw kaming pinagsasalita sa Ingles. Kahit kasimpleng “aray” (ouch daw dapat) ay maaring magdulot sa iyo ng kaparusahan—luluhod ng isang oras, magbabayad ng multa, isusuot sa leeg ang maruming plakard na nagsasabing “I am an English rule violator” at kung matigas pa rin, maghuhukay ng compost pit.
Dito ko naisip na mali ang ganitong patakaran na sa pagkakaalam ko ay pinapatupad pa rin sa mga pribadong paaralan.
Sabihin nating isang malaking pakinabang para sa ating bansa ang paggamit ng Ingles. Hindi ba’t mismong si GMA na rin ang nagsabi sa panahon ng Information Technology, malaking hakbang ang angking kagalingan sa paggamit ng Ingles? At isa pa, ito na ang itinuturing na linggua franca at kung may balak pa tayong makipagsabayan sa mundo, buhay pa rin marahil ang pag-asa.
Subalit hindi naman ibig sabihin nito na talikuran na nating tuluyan ang ating sariling wika at itaboy ito sa isang sulok kung saan mangilan-ilan na lamang ang gagamit nito. Baliktarin man natin ang mundo, may mga bagay pa ring likas na sa atin na kailanman ay hindi mailalapat sa anumang banyagang wika, maging ang Ingles.
Kaya hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit hanggang ngayon ay patuloy na nagbubulag-bulagan ang UST sa paglinang ng ating pambansang wika. Kahit isang kagawaran man lang sana ng Filipino ay sapat na upang ihanay ang ating sarili sa mga iba pang pamantasan na may tunay na pagmamahal sa bayan. Aaminin kong paulit-ulit na lang itong isyu na ito subalit anong magagawa ko?
Oo, isang pagmamahal sa bayan ang pagtataguyod ng sariling wika. Imbes na umiyak tayo dahil puro “wrong grammar” na lahat, bakit hindi natin iyakan ang mas mahayok pang pambababoy sa ating bayan? Ang hayagang pagsasawalang-bahala sa ating wika ay isang patunay na hindi pa rin natin tuluyang nayayakap ang konsepto ng isang malayang bansa.
Isa pa, ang wika ay simbolo ng kapangyarihan. Ang wika ng malalakas ay siyang ipinagagamit sa mga mahihina. Kahit gaano kataas ang ating mga kamay sa kasisigaw ng kalayaan, bihag pa rin tayo sa diskursong kolonyal.
Nakakasawa na rin itong paksa. Paulit-ulit at wala namang nangyayari. Subalit, buhay pa rin itong hamon. Kung Filipino ka nga, matuto ka…