Dibuho ni S.I.R. MacaisaSA GITNA ng matinding krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ngayon ng bansa at maging ng buong mundo, sinisikap ng bawat pamahalaan na makalikom ng karagdagang kita upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa Pilipinas, isa sa mga hakbang na isinagawa ng gobyerno ay ang pagastos ng koleksyon mula saValue Added Tax (VAT) upang tulungan umano ang mga mahihirap.

Ang salapi ay galing sa batas na nagpalawig sa sakop ng VAT, na ipinasa noong 2005. Layon ng Republic Act 5332, ang bagong batas sa VAT, na pataasin ang kalagayang pananalapi ng bansa upang makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan. Noong 2006, itinaas ang porsyento ng VAT sa 12 porsyento mula 10 porsyento ng halaga ng produkto o serbisyong binabayaran ng mga mamimili; sakop na rin ng VAT ang langis, kuryente, serbisyong legal at medikal at iba pa.

Sa tantya ng World Bank at International Monetary Fund, mga pandaigdigang institusyong pinansyal na nagbibigay payo at tulong pinansyal sa mga bansang kasapi nito, makakatulong ang mga repormang pang-ekonomiya sa bansa upang maibalik ang tiwala ng mga dayuhang mangangalakal na nadismaya sa magulong sistema ng politika sa bansa.

Dahil umano sa VAT, mas marami na ang salapi sa pagpapaganda ng imprestraktura at serbisyong panlipunan.

Ang Kawanihan ng Rentas Internas ang tagakolekta ng VAT, ngunit sumisingil din ng buwis ang Kawanihan ng Adwana sa produktong inaangkat sa bansa.

Matapos mapatupad ang EVAT Law, umani ito ng pambabatikos sa mga kritiko ng pamahalaan na humantong sa pagsasampa ng petisyon sa Korte Suprema para sa temporary restraining order ng ilang mambabatas at maging ng mga dealer ng produktong petrolyo. Dahil dito, ipinag-utos ng Mataas na Hukuman ang pagpapatigil sa implementasyon ng EVAT ngunit muli rin itong naipatupad makalipas ang dalawang buwan.

Sa pinagsamang datos mula sa mga nabanggit na ahensiya, may pagtaas sa koleksyon ng VAT mula 2005 hanggang 2007. Nagkaroon ng mahigit sa 43 porsyentong pagtaas sa koleksyon noong taong 2006, mula ng maipatupad ang pinalawig na VAT noong 2005.

Kamakailan ay ginamit ng pamahalaan ang karagdagang kita sa programang “Katas ng VAT” kung saan ang VAT windfall o sobrang kita ng buwis ay ilalaan sa pagbibigay ng subsidyo sa mga sektor na apektado ng sinasabing malawakang krisis pang-ekonomiya.

Kabilang sa naturang windfall ay ang VAT sa langis. Bilang isang percentage tax, tumataas ang buwis na malilikom mula sa VAT habang lalong tumataas ang presyo ng langis. Mula noong isang taon, mahigit doble na ang halaga ng langis, at lampas na ito sa 100 dolyar kada bariles sa pandaigdigang merkado.

Layunin man ng “Katas ng VAT” ang makatulong, lumalabas sa isang pag-aaral ng Pulse Asia noong Hulyo na 24 na porsyento lamang ng populasyon ang naniniwalang ang pangunahing dahilan ng pagbibigay ng subsidyo ay upang matulungan ang mga mahihirap. Samantala, 35 porsyento naman ang naniniwalang paraan lamang ito ng pamumulitika.

Pamamahagi

Pagkukumpara sa nakalap na buwis ng Kawanihan ng Rentas Internas at ng Kawanihan ng Adwana mula 2006-2008. Grapiks ni Carlo Patricio P. FrancoTinatayang siyam na bilyong piso na nagmula sa VAT ang kabuuang halaga ng mga subsidyong naipamahagi na ng pamahalaan.

Apat na bilyong piso mula rito ay inilaan para sa mga sumusunod: dalawang bilyong piso bilang tulong sa mga kumokonsumo ng kuryenteng hindi bababa sa 100 kilowatt kada oras, isang bilyong piso para sa pautang at scholarship sa mga kapos na mag-aaral, at isang bilyong piso bilang tulong sa mga operator at drayber ng jeep upang palitan ang makinang pinatatakbo ng diesel ng makinang pinatatakbo ng higit na mas murang liquified petroleum gas o ng compressed natural gas.

Inilahad ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo 28 na naglabas din ng isang bilyong piso ang pamahalaan upang tulungan ang mga lalawigang nasalanta ng bagyong “Frank” noong Hunyo. Kabilang din dito ang karagdagang kalahating bilyong pisong halaga ng subsidyo na nakalaan naman para sa mga senior citizens. Parehong halaga rin ang nakalaan para sa pagpapataas ng kalidad ng serbisyo ng mga pamprobinsiyang ospital. Umabot naman sa 10 bilyong piso ang subsidyo sa bigas upang masigurong sapat ang suplay nito sa bansa.

Sa ulat ng BusinessWorld noong ika-27 ng Agosto, sinabi ng Pangulong Arroyo na kukunin rin sa kita sa VAT mula 2008 hanggang 2010 ang pondo upang tapusin ang proyektong pagdurugtong ng mga istasyong Monumento at North Avenue ng Light Rail Transit-1 at Metro Rail Transit.

Para kay Prop. Alvin Ang, isang ekonomista, wala namang problema kung gagamitin ang kita mula sa buwis sa subsidyo.

READ
Intimate portrait of Nick Joaquin

“If (the taxes) are used for subsidies, and it subsidizes the right people (who) need it, I don’t think there’s a problem,” sabi ni Ang sa Varsitarian. “The question there is if the money goes to the right people.”

Aniya, ang problema ay kung paano malalaman kung sino ang mga talagang nangangailangan ng subsidyo.

“You should target those who are having difficulty (earning money) despite doing their best,” ani Ang. Hindi dapat ang mga taong walang regular na pinagkukunan ng kabuhayan.

Walang iisang batayan ang pamahalaan sa pagpili ng mga mamamayang makakatanggap ng subsidyo. Sa subsidyo sa bigas, kinakailangang magkaroon ng family access card ang kung sino mang nais makabili ng murang bigas mula sa National Food Authority sa halagang 18.25 piso kada kilo. Gayundin ang pagtanggap ng subsidyo sa kuryente, kung saan kailangang ipakita ang electric bill bilang patunay na hindi lalagpas ng 100kwh kada buwan ang pagkonsumo.

Sa pag-aaral ng Pulse Asia, lumabas na 55 porsyento ng mga mahihirap na Pilipino ang nakakatanggap ng subsidyo mula sa pamahalaan.

Mahigit sa kalahati man ng populasyon ang natutulungan ng subsidyo, masyadong nakatuon naman sa kalakhang Maynila, na siyang may pinakamababang poverty incidence (pitong porsyento lamang ng populasyon), ang programang subsidyo ng pamahalaan, lahad ng dating kalihim ng Pagbabadyet Benjamin Diokno sa kanyang pitak sa pahayagang BusinessWorld.

“If the desire is truly to help the poor, then the subsidy should be targeted in areas where the poor are,” ani Diokno.

Sa pinakahuling opisyal na datos ng National Statistical Coordination Board, ang tatlong pinakamahirap na rehiyon sa bansa ay ang Autonomus Region in Muslim Mindanao (55.3 porsyento ng populasyon ang mahirap), Caraga (45.5), at Rehiyon IV-B (43.7). Tawi-tawi ang pinakamahirap na lalawigan kung saan 78.9 porsyento ng mga pamilya ang namumuhay sa ilalim ng tinatawag na poverty line.

Malinaw na sagot naman ang ibinigay ni Diokno kung bakit sa Kalakhang Maynila nakatuon ang programang subsidyo: “The rural poor are thousands of miles away from the seat of government and are not an immediate threat to the unpopular occupant of Malacañang.”

Dapat o hindi dapat?

Ayon naman sa ilang kritiko, ang mga programang subsidyo ay panandalian lamang.

Para kay Diokno, kailangan ng pamahalaan ang mga komprehensibong solusyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sinabi niya sa BusinessWorld, “There should be no urban bias and (the program) should be transparent.”

Inilarawan naman ni Senador Pia Cayetano ang subsidyo bilang “fly-by-night.” Sa press release na inilabas niya, nakasaaad na hindi na kakailanganin pa ng pamahalaan ang mga panandaliang solusyon sa krisis pang-ekonomiya tulad ng subsidyo kung susundin nito ang mga batas, tulad ng pinalawig na VAT, na nagsasaad kung saan dapat ilaan ang mga kita sa buwis.

Nasasaad sa Seksyon 21 ng naturang batas na kalahati ng incremental revenues o karagdagang kita ng VAT na laan sa mga lokal na pamahalaan ay dapat ilaan sa mga sumusunod: edukasyon (15 porsyento), health insurance premiums ng mga miyembro ng PhilHealth (10 porsyento), konserbasyon ng kalikasan (15 porsyento) at modernisasyon ng agrikultura (10 porsyento). Apatnapung sentimo sa bawat piso mula sa VAT ay nakalaan sa mga lalawigan, munisipyo at barangay.

Ngunit batay sa isinagawang pag-aaral ng Senate Economic Planning Office sa kanilang publikasyong Policy Insights ukol sa General Appropriations Act para sa taong 2008 noong Nobyembre, hindi sapat ang 11 porsyentong itinaas ng badyet para sa edukasyon ngayong taon upang tustusan ang mga karagdagang pangangailangan ng Kagawaran ng Edukasyon at tapusin ang pagpapatayo ng mga paaralan.

Mula 2004 hanggang sa kasalukuyan, paiba-iba ang nakalaang badyet para sa pagpapatayo ng mga gusaling pampaaralan, ayon sa datos ng Kagawaran ng Pagbabadyet at Pamamahala.

Nakasaad din na ang probisyon para sa Philhealth ay hindi sapat. Sa expenditure program ng pamahalaan, 1.87 porsyento lamang ang nakalaan sa kalusugan.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Asian Development Bank, lumalabas na mula 1998 hanggang 2004, bagama’t halos lahat ay nakakakuha ng edukasyong pang-elementarya at dumami na rin ang nasa edukasyong sekundarya, karamihan pa rin ay mula sa mayamang sektor – isang patunay na nahihirapang magbayad ang mga mahihirap para sa edukasyon.

“Unlike the current doleout programs, these earmarked funds are clearly mandated by law and could benefit the people on a sustained basis,” ani Cayetano.

READ
Freshmen, sinalubong

Taliwas naman sa sinabi ng mga kritiko, nilinaw ni Ang na ang subsidyo ay talagang hindi pangmatagalan.

“Subsidy is not a bad thing,” ani Ang. “It’s how you run and use it.”

Salungat naman ang pahayag ng abogadong si Joe-Santos Bisquera, dekano ng University of Manila College of Law at bar reviewer sa mercantile law at taxation sa Faculty of Civil Law ukol dito. Aniya, hindi raw nararapat na ibigay ang mga subsidyo sa mamamayan sapagkat pinagmumulan lamang ito ng tinatawag na “patronage politics” – isang paraan ng pagpapatingkad sa pangalan ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapakitang may benepisyong matatanggap ang mga mamamayan mula sa buwis na kanilang binabayaran.

“The government should give it (subsidies) back to the people. Ultimately, it would go to the government through an increase in economic activity,” ani Bisquera.

Nasasaad sa Artikulo VI, Seksyon 28 ng Konstitusyon na ang Kongreso ay dapat magpatupad ng progressive system of taxation. Sa sistemang ito, kung mas malaki ang kinikita ng isang empleyado o negosyante, mas malaki rin ang binabayarang buwis.

Diin pa ni Bisquera, nararapat na ang halaga ng porsyentong ilalaan para sa subsidyo ay manggagaling sa mga mamamayang may karampatang kakayahan na makapagbayad ng malaking halaga upang matugunan ang pangangailangan ng mga nangangailangan. Higit na mainam kung dito manggagaling ang pondong ilalaan para sa mga serbisyo gaya ng imprastraktura, edukasyon, at kalusugan.

Masasalamin ang progressive system of taxation sa income tax na ipinapataw sa mga empleyado base sa kanilang mga suweldo. Salungat ito sa epekto ng VAT na isang indirektang buwis, kung saan ang pagsingil ay hindi nakadepende sa estado sa buhay at sa laki ng kita ng mga mamamayan kaya’t ito ay maituturing na regressive system of taxation, ayon kay Bisquera.

Pataasin ang kita

Nagpatupad ng ilang legislative tax measures ang pamahalaan upang masiguro ang patuloy na kitang makukuha ng pamahalaan mula sa buwis na siyang gagamitin upang mabawasan ang kakulangan sa badyet at mapondohan ang mga proyektong pangimprastraktura at serbisyong panlipunan. Bukod sa EVAT Law, naunang ipinatupad ng pamahalaan ang Republic Act 9334 o indexation of excise tax on tobacco and liquor noong 2004.

Inaasahang aabot sa 29 bilyong piso ang incremental na kita ng pamahalaan mula sa buwis sa sigarilyo at alak kada taon hanggang 2010. Ayon sa datos ng Rentas Internas noong nakaraang taon, 55 bilyong piso ang kita mula sa excise tax ngunit hindi nito naabot ang inaasahang kabuuang kita ng 3.7 bilyong piso. Sa Adwana naman ay nagkaroon ng 24.4 porsyentong pagtaas sa koleksyon ng excise tax.

Upang mahikayat ang mga kolektor ng buwis na mapataas ang koleksyon, ipinatupad ang Republic Act 9335 o Attrition Act of 2005. Nakasaad sa batas na papatawan ng parusa ang mga kawani na hindi maaabot ang nakatakdang halaga ng koleksyon sa buwis. Gayunman, nakasaad din na magkakaroon ng pabuya sa sinumang mahihigitan ang itinakdang koleksyon.

Inaasahan ng pamahalaan na aabot sa lima hanggang 10 bilyong piso ang maidaragdag sa koleksyon ng buwis. Ngunit ipinakita sa datos ng Kagawaran ng Pananalapi na hindi naabot ng parehong kawanihan ang nakatakdang koleksyon sa buwis para sa taong 2007. Pitong porsyento ang kulang sa koleksyon ng Rentas Internas, kung saan 711.6 bilyong piso lamang ang kita. Humigit-kumulang walong porsyento naman ang kulang sa koleksyon ng Adwana para sa nasabing taon.

Nagkaroon man ng 15.8 porsyentong pagtaas sa kabuuang koleksyon ng buwis noong 2007 na nagkakahalagang 1.134 trilyong piso, mas mataas pa rin ang naitalang gastos ng pamahalaan na 1.144 trilyong piso. Gayunman, mas mababa ang naitalang deficit ng pamahalaan noong 2007 na siyam na bilyong piso kumpara sa sinundang taon na 64.8 bilyong piso.

Tumaas man ang kita ng pamahalaan mula sa buwis, nananatiling mas mataas ang kabuuang gastusin ng pamahalaan kaysa sa kabuuang koleksyon.

‘Unprogrammed funds’

Sa datos ng Kagawaran ng Pananalapi, umabot sa 53.3 bilyong piso ang koleksiyon ng pamahalaan mula sa pinalawig na VAT para sa unang bahagi ng kasalukuyang taon, 22 porsyento na mas mataas kaysa noong 2007. Tinatayang nasa 20 bilyon dito ang koleksiyon sa buwis mula sa produktong petrolyo.

Hindi kataka-takang sa sandaling panahon ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na umabot pa sa 140 dolyar kada bariles noong Hunyo, malaki rin ang kinikita ng pamahalaan sa buwis na nakapataw rito. Gayong nabanggit na, kung mas mataas ang halaga sa pandaigdigang merkado, mas mataas ang nakapataw na VAT dito.

READ
Tomasino, hurado ng int'l korong paligsahan

Kung mas mataas ang VAT, itinataas ng mga dealer ng langis ang halaga nito na siyang babayaran ng mga motorista. Sa ulat ng PJR Reports nitong para sa Agosto, umabot na sa 60.06 porsyento ang itinaas ng diesel sa bansa. Mula 34.95 piso noong katapusan ng Hulyo 2007, umabot na ito sa 55.94 piso noong ika-15 ng Hulyo 2008.

Sa katunayan, inaasahan ng Kagawaran ng Pananalapi na aabot sa 16.7 bilyong piso ang windfall mula sa buwis sa langis ngayong taon, ayon sa ulat ng BusinessWorld.

“A subsidy is a VAT windfall, so it is already estimated,” ani Ang. Sinabi rin niyang kung hindi inilaan ang sobrang kita sa subsidyo, hindi sana magkakaroon ng budget deficit.

Gayunman, ipinakita sa datos ng kagawaran na mula 2005, tumaas ang halagang ginagastos ng pamahalaan para sa subsidyo subalit mas malaki naman ang aktuwal na gastos kaysa sa tinatayang gagastusin. Noong 2007, 4.9 bilyong piso lamang ang tinayang gastos para sa subsidyo ngunit 27.3 biyong piso ang aktuwal na nagastos.

Sinabi naman ni Rolando Andaya Jr., kalihim sa Pagbabadyet, sa ulat ng Malaya na ang mga subsidyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga mamamayang apektado ng pagtaas sa presyo ng langis at pagkain ay kinukuha sa 114 bilyong pisong “unprogrammed funds” ng kasalukuyang General Appropriations Act. Nakasaad dito na ilalabas lamang ang halaga ng unprogrammed fund – pondong para sa kaukulan o hindi inaasahang paglalaanan – kapag ang perang pumapasok sa pamahalaan ay higit na malaki kaysa sa inaasahan nitong kita sa isang taon. Subalit kailangang munang maaprubahan ang mga programang ito ng Kongreso bago magamit ang nasabing pondo.

Hindi lamang din sapat na nasa “unprogrammed” ang pondong ginagamit. Ayon kay Bisquera, ang pondo para sa mga subsidyong ibinibigay ng pamahalaan ay kabilang dapat sa pambansang badyet.

Salungat ito sa sinabi ni Ang na “ang problema lang naman natin ay iyong perception of corruption.”

Aniya, hindi pa man naibibigay ang mga subsidyo, pinagdududahan na kaagad kung talagang nakararating ang subsidyo sa dapat patunguhan.

Taliwas ito sa sinabi ni Bisquera na posibleng magkaroon ng korapsyon at ng paglabag sa Konsititusyon sapagkat higit na madaling maipataw at makolekta ang VAT. Ang income tax naman ay maraming paraan upang maiwasan at kakaunti lamang ang nagbabayad nito kumpara sa EVAT.

Sa pag-aaral ni Segubdo Romero na “Civil Society-Oriented Measures for Enhancing Transparency and Accountability in Governance and the Civil Service,” dalawampung porsyento ng pambansang badyet ang napupunta sa korapsyon. Tinatayang dalawang bilyong piso naman ang nawawala sa pamahalaan dahil rito, ayon sa Komisyon ng Awdit.

“If the revenue collected from EVAT would exceed or be the same as the revenue collected from income tax, EVAT could be considered as a violation of the constitution,” ani Bisquera.

Sa datos mula sa Kagawaran ng Pananalapi, nanatiling mas malaki pa rin ang nakuhang kita sa income tax kaysa sa VAT simula ng ipatupad ang VAT. Kada taon, higit na nagiging malaki ang kita sa income tax kaysa VAT. Sa taong 2007, halos 35 porsyento lamang ng kabuuang koleksyon ng pamahalaan ang nakuha sa VAT.

Gawing puhunan

“Subsidy is temporary. We cannot subsidize for the rest of our lives,” ani Ang.

Para naman kay Dennis Coronacion, propesor ng Agham Pampulitika sa Pakultad ng Sining at Panitik, ang pagbibigay ng subsidyo ng pamahalaan ay maaari lamang magdulot ng sobrang pag-asa ng mga mamamayan sa gobyerno, sang-ayon sa naunang pahayag ni Ang na bumubuo lamang ito ng tinatawag na “mendicant mentality.”

“Instead of teaching them to be dependent on dole outs…teach them to be self sufficient,” ani Coronacion.

Dagdag pa ni Coronacion, mas makabubuti umano na magsilbing puhunan ng mga mamamayan ang subsidyong ibinibigay ng pamahalaan upang makapagsimula ng negosyong pagkakakitaan.

Sinegundahan naman ito ni Edwin Martin, public affairs chief ng Philippine Institute for Development Studies: “Help them establish their own livelihood, so they would be able to help themselves in terms of entrepreneurial activity.”

Aniya, kailangang maging balanse: hindi puro subsidyo lamang ang dapat gawin ng pamahalaan. Kinakailangan ding hikayatin ang mga mamamayan na magtrabaho upang mapabuti ang kanilang pamumuhay. May ulat mula kina Alphonsus Luigi E. Alfonso at Samuel Raphael P. Medenilla

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.