7 Agosto, 2015, 3:04 nh – HINIKAYAT ng prior provincial ng Order of Preachers sa Pilipinas na si
P. Gerard Timoner III, O.P. ang mga Tomasino na iwaksi ang “nakakalasong
alaala” na humahadlang sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa isang Banal na
Misa na ginanap sa simbahan ng Santisimo Rosario noong ika-7 ng Agosto para sa
pagdiriwang ng kapistahan ni Santo Domingo de Guzman.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ni P. Timoner ang kahalagahan ng
pagpapatawad upang maramdaman ang tunay na kahalagahan ng pananampalataya.
“The full grace of the Eucharist is impeded if we are not fully
reconciled. Reconciliation happens when both persons involved in a conflict
humble themselves, and decide to thread the path of a healed future, empowered
by a healed memory,” ani P. Timoner.
Inihalintulad rin ni P. Timoner ang pagpapahayag ng pananampalataya sa
pagbibiyahe, kung saan hindi dapat ugaliin ang magdala ng mabibigat na pasanin
o sobrang bagahe.
“Travelling become less enjoyable when we are saddled and weighed down
by too many things to carry. Jesus admonishes us to travel light [and] to carry
only the necessary things we need for the journey,” aniya.
Dagdag pa ni P. Timoner, ang mga alikabok sa paa na sumisimbolo sa mga
negatibo at nakakalasong alaala ay mga bagay na hindi dapat dalhin sa
paglalakbay kahit ito’y mahirap tanggalin.
Samantala, hinimok naman ni P. Clarence Marquez, O.P., rektor ng Colegio
de San Juan de Letran sa Intramuros, ang mga Letranista na maging katulad ni
Santo Domingo sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa “paa, ngiti at liwanag” upang
maihatid ang Mabuting Balita sa isang Misa na ginanap sa Blessed Antonio Varona
Gymnasium.
“Kung nais nating parangalan ang ating Amang Santo Domingo, tularan
natin siya na may magandang paa dahil siya’y naglalakad para ipamahagi ang mabuting
balita, tularan natin siya dahil siya ay may magandang ngiti na nagsasalita ng
kabutihan, [at] tularan natin siya dahil siya ay liwanag na tumatanggap ng ilaw
mula sa Diyos,” paliwanag ni P. Marquez.
Si Santo Domingo de Guzman, tubong Caleruega, Espanya, ang nagtatag ng
“Order of Preachers,” ang pandaigdigang orden ng mga Dominiko.
Sa pamamagitan ng pagkakatatag ng orden na binubuo ng tagapangaral,
laiko, at mga madre, nilabanan niya ang mga maling paniniwala sa
pananampalataya. Ikinalat niya ang mga tagapangaral para maghayag sa buong
Europa simula 1217.
Itinalaga siyang santo ni Santo Papa Gregory IX noong 1234. Kathryn
Jedi V. Baylon and Angeli Mae S. Cantillana