BINIBIGKAS ng makata ang kaniyang tula habang sinasabayan niya ito ng mga kumpas sa kamay at pag-arte sa entablado. Nagsusulat ang isang awtor ng mga kuwentong hindi lalagpas sa 300 salita. Isinasalita ng isang bokalista ang mga liriko ng kaniyang tula sa saliw ng mga tunog ng bongo, trumpeta at gitara.
Ganito na ang daloy ng panitikan sa bagong milenyo, kung tatanungin ang ilang mga Tomasinong manunulat. Para sa kanila, isang uri ng pagbabalik sa kinagisnang tradisyon ng panitikan ang kani-kanilang mga inobasyon. Isa rin itong paraan upang maibalik ang napakahalagang kultura ng pagbabasa na limot na, lalo na sa mga kabataan ngayon.
Paglapit ng tula sa madla
Sa kasalukuyang pag-usbong ng mass media at Internet, maraming kritiko ang nakapupuna sa kawalan ng interes ng mga Pilipino sa pagbabasa. Anila, hindi na rin nabibigyang-pansin ng mga tao ang mga akdang-pampanitikan na makatutulong sana sa lubos na pag-unawa sa buhay.
Ngunit, para kay Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr.,direktor ng UP Likhaan Institute of Creative Writing at dating punong patnugot ng Varsitarian, maaaring solusyon ang performance poetry. Isa itong uri ng pagtula kung saan sinasabayan ng makata ng mga kilos at hakbang ang kaniyang pagbigkas ng tula.
“Hindi na nagbabasa ang mga tao ngayon, kaya kailangan naming mga manunulat na gumawa ng mga hakbang upang marating namin sila,” ani Nadera sa kaniyang artikulong Innovation in the Arts na lumabas sa pahayagang UP Forum. “Kailangan naming itaguyod ang panitikan sa pamamagitan ng pasalitang paraan.”
Itinatag ni Nadera ang ilang grupo ng mga performance poets tulad ng Gatula, Oratura, Fernando Poets Jam, at Cofradia. Bukod pa rito, pinangungunahan din niya ang mga batang makata sa pagtatanghal ng performance poetry sa Conspiracy Bar sa Quezon City.
Ayon kay Nadera, isinasaalang-alang niya ang tatlong K sa kaniyang bawat pagtatanghal: konseptuwalisasyon, kongkretisasyon, at kapal ng mukhal.
“Nangangailangan ang konseptwalisasyon ng mahabang panahon ng pagmamasid at pagsasaliksik,” paliwanag ni Nadera. “Pagkatapos nito, kailangan ko namang isagawa ang ideyang nasa isip ko at matutupad lang ito kung maglalakas-loob akong itanghal ang aking mga ideya sa harap ng maraming tao.”
Dagdag pa ni Nadera, nakatutulong ang performance poetry upang higit na maunawaan ang damdamin at kultura ng mga tao.
“Tinuruan ako ng aking mga pagtatanghal na lalong maging sensitibo sa pang-unawa ng mga manonood,” aniya. “Ginagawa kong makabuluhan ang bawat pagtatanghal ko upang kapwa magkaunawaan.”
Marami sa kaunti
Madalas isipin ng marami na kailangang nakalatag sa higit sa isang pahina ang isang kuwento upang mailahad nang husto ang mensaheng nais sabihin ng may-akda. Subalit para naman kay Eros Atalia, isang kuwentista at propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, higit na nakapaglalahad ng mensahe ang isang kuwento kung hindi ito labis na nagsasalaysay.
Sa isang panayam sa Varsitarian, ipinaliwanag ni Atalia na ang hamon ng matipid na paggamit ng wika ang nagtulak sa kaniya upang magsulat ng mga dagling katha o flash fiction.
“Nagkaroon ako ng interes sa dagling katha dahil nakita kong kinakailangan dito ng disiplina sa paggamit ng wika, kung saan kailangan mong itampok ang mensahe sa pinakakaunting salita,” aniya.
Dagdag pa niya, kailangan din sa pagsulat ng dagling katha ang pagtiwala ng may-akda na mauunawaan ng mga mambabasa ang mensaheng nais ipabatid kahit na hindi ito lantarang ibinibigay.
“Sa dagling katha, kailangang magtiwala ka sa abilidad ng mambabasa na matumbok kaagad ang nais mong sasabihin,” ani Atalia. “Kung matalas ang pang-unawa ng mambabasa mo, maiintindihan niya ang kuwento; siya na ang magpupuno ng mga kulang na detalye at salita,” aniya.
Ipinaliwanag niya na hindi na bago ang dagling katha sa Pilipinas dahil sinimulan na ito noon pang 1910. Subalit hindi ito napansin dahil limitado lamang sa isang elemento ng katha ang porma ng dagli.
Ayon pa kay Atalia, nagiging interaktibo ang dayalogo ng awtor at mambabasa sa dagli dahil binibigyan ng pagkakataon ang huli na magbigay ng mga detalye sa sarili nilang kakayahan.
“Habol mo ang gumana ang imahinasyon ng mga mambabasa mo sa wala (at hindi nakasaad), dahil nasa utak na natin ang tagpo at eksena,” aniya.
Inilabas ni Atalia noong nakaraang taon ang kaniyang librong Taguan-Pung at Manwal ng mga Napapagal, na itinuturing na kauna-unahang kalipunan ng mga dagling katha sa wikang Filipino. Nailathala na rin ang ilan sa kaniyang mga dagling katha sa mga pahayagang-pampanitikan ng Unibersidad tulad ng Dapitan at Montage, ang magasing pampanitikan ng Varsitarian.
Pagbabalik sa pinagmulan
Para naman kay Lourd Ernest de Veyra, makata at bokalista ng bandang funk-jazz na Radioactive Sago Project, hindi na kailangang mag-imbento pa ng bagong paraan ang isang manunulat upang maipahayag ang kaniyang saloobin sa kakaibang aspeto. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng spoken word poetry.
Spoken word poetry ang tawag sa uri ng pagtula na kung saan sinasabayan ng pagtugtog ng mga instrumentong musikal ang pagbigkas ng makata ng mga berso mula sa kaniyang akda. Ginagamit ito ng mga makatang African-American at Hispanic sa Estados Unidos upang tuligsain ang itinuturing nilang mga uri ng diskriminasyon. Naging malaking impluwensiya sa pamamaraaang ito ang mga tulang isinulat ng mga makata ng Beat Generation, na umusbong noong dekada 1950, tulad ng mga Amerikanong sina Allen Ginsberg at Jack Kerouac.
Sa isang panayam sa Varsitarian, sinabi ni De Veyra na pagbabalik lamang sa sinaunang tradisyong pasalita ang laganap na pagbigkas ng spoken word poetry.
“Nagsimula ang tula bilang pasalitang paraan ng pagpapahayag ng damdamin kaya hindi na siya bago,” ani de Veyra.
Ngunit nilinaw niya na may mga katangiang taglay ang spoken word poetry na kaiba sa karaniwang pagbibigkas. Aniya, may mga akdang inaakalang “spoken word” ang hindi tumutugon sa mga pamantayang pampanitikan tulad ng metapora at imahe upang maituring na tula.
“May mga spoken word pieces na hindi makakapasa sa mga pamantayan ng tula,” ani De Veyra. “Minsan naman, may mga piyesang hindi nababagay na itanghal sa entablado, gaya ng The Wasteland ni T.S. Eliot dahil sa haba at komplikadong porma nito,” paliwanag niya.
Nakapaglathala na si De Veyra ng dalawang libro ng tula, ang Subterranean Thought Parade (1998) at Shadowboxing in Headphones (2001). Kasalukuyan naman niyang tinatapos ang kaniyang pangatlong kalipunan ng mga tula, ang Disco Volate.
Bagaman mga lumang paraang muling binuhay ang performance poetry, dagling katha at spoken word poetry, nabigyan nina Nadera, Atalia, De Veyra at iba pang mga Filipinong manunulat sa kasalukuyan ng panibagong tinig ang pagpapahayag ng saloobin sa panitikang Filipino. Ruben Jeffrey A. Asuncion