“Many Filipinos live on what they laughingly refer to as Filipino time. Unfortunately, this is the very reason why they are falling behind the rest of the world. They are living in a different time zone.”

– Julia Campbell, US Peace Corps volunteer

BILANG isang mag-aaral sa loob ng halos 20 taon, hindi ako nakakuha kahit minsan ng perfect attendance award dahil sa madalas na pagkahuli sa klase lalo na sa kolehiyo. Tila maliit na bagay lamang ang pagliban ng iilang minuto, subalit maituturing pa rin itong kabawasan sa mga bagay na dapat kong matutunan at maranasan sa loob ng silid-aralan.

Subalit maliit na bahagi lamang ang karanasang ito kung ihahambing sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino sa kabuuan.

Kakikitaan din ng kahalintulad na situwasyon maging sa mga pormal na pagpupulong, pagpapalabas, at iba pang pagkakataon, kung saan madalas tayong nahuhuli sa itinakdang oras ng pakikipagkita.

Tulad ng colonial mentality at iba pang negatibong kaugalian, mistulang kadenang nakapalupot at nakakandado na sa ating kultura ang tinatawag na Filipino time o pagkahuli sa oras na itinakda.

Tulad ng isang epidemiyang wala pang lunas, walang kawala rito ang nakararaming Pilipino sa bansa, mayaman man o mahirap. Sa katunayan, matagal nang gasgas ang konseptong ito sa mga usapin ukol sa ating mga hindi kaaya-ayang pag-uugali, subalit tila mga patron tayong patuloy na tumatangkilik sa mistulang bahagi na ng kulturang popular.

Madalas tayong mainis sa tuwing darating tayo sa takdang oras ngunit nahuhuli naman ang ating kakitaan. Ngunit kung tayo naman ang nahuhuli, madalas tayong magbigay ng walang katapusang dahilan tulad na lamang ng mabagal na trapiko, biglaang pag-utos ng sinumang nakatatanda sa ating tahanan o trabaho, maling oras na nakasaad sa ating relo, at kung anu-ano pa.

READ
Walang batas para sa 'mandatory drug test'

Ngunit sa katotohanan, isa sa mga tunay na dahilan ng hindi natin pagdating sa tamang oras ang pagbabaka-sakaling wala tayong mapapala sa pagiging maagap dahil hindi rin susunod ang iba sa tamang oras. Ayaw natin ang maghintay; higit nating gusto ang magpahintay.

Totoo man o pawang kasinungalingan ang mga dahilan kung bakit tayo nahuhuli, kinakikitaan pa rin tayo ng kawalan ng disiplina at hindi pagpapahalaga sa bawat minutong lumilipas, salungat sa mga adhikaing pinahahalagahan ng ibang bansa.

Ayon sa kompositor na si Felipe Padilla de Leon, tunay na nakatatawang-nakakaawa na bagaman pagpapahalaga sa oras at disiplina ang nais nating maipatupad sa pagsasabing dapat nating ipatupad ang American time sa halip na Filipino time, ipinahihiwatig pa rin nito na hindi tayo mapagkakatiwalaan bilang mga Pilipino dahil hindi natin pinahahalagahan maging ang simpleng oras lamang.

Hindi natin hawak ang oras, ngunit nasa ating mga Pilipino ang desisyon kung hahayaan natin itong lumikha ng pagbabago tungo sa ikabubuti o ikasasama ng ating bansang matagal nang lugmok sa samu’t saring problema.

* * *

Sa apat na taon kong pamamalagi sa Unibersidad, napagtanto kong isang tunay na karangalan ang mapabilang sa lupon ng mga Tomasinong sundalo ng pagbabago dahil sa natatangi’t magandang karanasan na naibigay nito sa akin. Sa apat na sulok ng institusyong ito, lubos na nahulma ang aking pagkatao at nalinang nang husto ang aking kaalama’t kasanayan na kinakailangan ko para sa isa na namang panibagong pakikipagsapalaran.

Isang pasasalamat sa Varsitarian dahil bagaman isang taon lamang ang ginugol ko sa organisasyong ito, higit pa sa inaasahan ko ang ibinigay nitong mga problema, at higit sa lahat, biyaya sa akin.

READ
Natural Sciences research director heads ORD

Sana’y maulit muli.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.