ANG PAGTATAPOS sa pag-aaral ay pagtungtong sa panibagong yugto ng buhay, kaya naman likas na sa mga Tomasino ang pagsasagawa ng iba’t-ibang rituwal ng pagtatapos na tumatak sa puso ng bawat mag-aaral at kasaysayan ng Unibersidad.

Bago pa man ang kasalukuyang ritwal na paglabas sa Arch of the Centuries sa tuwing Baccalaureate Mass, nagsimula na noon pa lamang ika-17 siglo ang mga tradisyon ng kakaibang paraan ng paggawad ng karangalan sa mga nagsisipagtapos.

Isa na rito ang paggawad pagpaparada sa mga gagawaran ng doctorate degree na tinawag na paseo de los doctores.

Alinsunod sa University of Salamanca at sa iba pang mga unibersidad sa España at Mexico, napagdesisyunan ng Unibersidad na ipatupad ang pagsasagawa ng paseo de los doctores sa bisperas ng pagtatapos.

Kasama ang mga pang-akademikong awtoridad ng Unibersidad at ang mga miyembro ng claustro de profesores o kawani ng pagtuturo, pinaparada ang mga doctoral candidates sa kalye ng Intramuros lulan ng mga kabayong naglalakad kasabay ng musiko ng banda.

Nagsisimula ang parada sa bungad ng Unibersidad at nagtatapos sa simbahan ng Santo Domingo kung saan ipagkakaloob ang titulo.

Nakasaad sa mga batas ng Unibersidad noong 1734 ang buong detalye ng seremonya na napanatili hanggang 1785 kung saan sinabi na ipagpapatuloy ang tradisyon hanggang sa katapusan ng ika-18 na siglo.

Gayunpaman, natigil ang pagsasagawa ng paseo noong 1859 na makikita sa maikling talababa ng batas na “Este paseo no está en uso,” na nangangahulugang “Ang paseo ay hindi na isinasagawa.”

Bago pa man itinigil ang tradisyong ito, nagkaroon pa ng pagpupulong noong 1748 sina Fr. Bernardo Ustariz, rektor ng Unibersidad, at ang claustro. Nakasaad sa napanukala na:

READ
Grad prof: Quantity of honor grads does not mean quality education

“The common opinion was that the paseo for the major degree [of licentiate and doctorate] prescribed by the statutes should be held with greater decency preferable that those who participate in it must ride in forlones (coaches) rather than on horseback.”

Gayong hindi napirmahan at hindi rin nabanggit kung ano ang nagyari sa panukala, malalamang hindi ito naisakatuparan dahil ini-aatas pa rin ng mga batas noong 1785 ang tradisyunal na paraan ng pagsasagawa ng paseo.

Sa pagitan ng mga taong 1844 at 1859, tuluyan nang napawalang-bisa ang paseo kasunod ng ilang kaso na kung saan may ilang mga doctoral na mag-aaral na humiling na payagan silang hindi sumama sa paseo.

Una na rito ang abogado ng Audiencia at propesor ng Pilosopiya sa Colegio de San Jose na si Don Juan de Dios noong 1812 sa dahilang hindi niya kayang sumakay sa likod ng kabayo. Sinundan naman siya ng dalawang Pilipinong klerigo na sina Pedro Pelaez at Ignacio Ponce de Leon noong 1844 sa kadahilanang magastos ang gawaing ito.

Kasabay ng paseo, naging tradisyon rin sa Unibersidad ang vejamin o vexacious criticism na nangangahulugang nakayayamot na pamimintas.

Sa loob ng 15 minuto, maghahatid ng talumpati sa Espanyol ang pinakabatang doktor ng Unibersidad. Mga nakatatawa ngunit hindi nakaiinsultong puna patungkol sa mga kandidato ng pagtatapos at sa mga nagsipagdalo sa seremonya ang nilalaman ng kaniyang talumpati na kinakailangang kakitaan ng katalinuhan sa kabila ng mga pabirong pangungusap.

Upang maiwasan ang mga nakaiinsultong puna, babasahin at susuriin ng mga opisyales ng Unibersidad ang talumpati bago ang araw ng pagtatapos.

READ
Students sign 'peace' waiver

Taong 1866, pormal na pinetisyon ng rektor na si Fr. Francisco Rivas ang pagpapawalang-bisa ng tradisyon.

Tomasino siya

Alam ninyo ba na isang Tomasinong abogado ang isa sa mga naging Associate Justice ng Philippine Court of Appeals (PCA)?

Nagtapos na magna cum laude sa kursong Bachelor of Arts in Sociology noong taong 1964 at cum laude sa Bachelor of Laws noong 1968 si Rosalinda Asuncion Vicente.

Taong 1969 nang magsimulang magtrabaho si Vicente sa gobyerno bilang abogado sa Land Registration Authority kung saan siya ‘di kalaunang itinaas sa posisyong Senior Special Attorney.

Taong 1975, naging state counsel naman siya sa Department of Justice, kung saan ‘di nagtagal at muli siyang itinaas sa posisyong Assistant Chief State Counsel.

Bago hiranging Associate Justice sa PCA, nanilbihan pa si Vicente bilang Associate Commissioner ng Professional Regulation Commission mula 1989 hanggang 1990.

Naglingkod rin siya bilang propesor sa Faculty of Civil Law ng Unibersidad mula 1997 hanggang 2005 at 2007 hanggang 2009. Dito itinuro niya ang mga asignaturang Public Corporation, Administrative Law, at Election and Public Officers.

Bukod pa sa pagiging propesor, dati ring Bar Reviewer at Coordinator ng Student Welfare and Development Board sa parehong institusyon si Vicente.

Tomasalitaan

Ukilkil (PNG)— mapilit na pag-uusisa o pagtatanong; paggigiit na tanggapin ang isang bagay na iniaalok o ipinakikiusap

Hal.: Hindi ka dapat umiwas sa pang-uukilkil ng iyong mga magulang kung wala ka namang tinatago.

Sanggunian:

2012. A History of The University of Santo Tomas Volume II, Fr. Fidel Villarroel O.P.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.