MARTIR daw ang mga gurong nagmamalasakit at nagpapayaman sa wikang nakagisnan. Bukod sa nanunuyong suporta sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, hindi raw napapanahon sa “modernong lipunan” ang paggamit ng sariling wika.
Mahirap man bunuin ang pagsubok, nagawa pa rin ng Tomasinong si Dr. Magdalena Sayas na magpakadalubhasa, mula sa wikang Espanyol na ginamit sa mga naunang panitikan, sa pag-aaral ng Chabacano, hanggang sa wikang Filipino upang mapaunlad ang naghihingalong kalagayan nito sa bansa.
Lugmok sa hirap ang pamilya noon ni Dr. Sayas. Bagaman naghihikahos sa salapi, naniwala sila na mahalaga ang edukasyon upang mapaunlad ang pamumuhay kaya’t nagtapos siya ng high school sa Tanauan Institute nang may karangalan.
Sa tulong ng nakata-tandang kapatid, nakapag-aral at nakapag-tapos si Dr. Sayas sa UST ng kursong Espanyol sa dating Faculty of Philosophy and Letters. Nahasa ang pagkahilig niya sa pagsusulat mula sa panghihikayat ni P. Fidel Villaroel, dating direktor ng Institute of Spanish. Nagpasa rin siya ng mga sulatin sa La Voz Estudiantil at El Debate, mga peryodiko sa Unibersidad sa panahong iyon. Dito nailatha ang kanyang mga Espanyol na sanaysay, tula, at maiikling kuwento at ito ang naging daan upang sumali at maghakot siya ng parangal noong 1961-1962 sa UST Rector’s Annual Literary Contest na itinataguyod ng Varsitarian.
Ayon kay Dr. Sayas, puno ng masasayang yugto ang pamamalagi niya sa Unibersidad. “Hindi lang kasi sarado ang isipan namin sa mga silid-aralan, bagkus inihahanda rin kami para sa mga dagok ng buhay sa labas,” dagdag niya.
Sa kasalukuyan, Assistant Dean si Dr. Sayas ng College of Liberal Arts ng De La Salle University (DLSU) kung saan nagtuturo rin siya ng Espanyol, Filipino, at Chabacano. Bukod dito, nakasulat na rin siya ng walong libro at para sa mag-aaral sa high school na mga textbooks ang karamihan dito. Pinakatanyag ang “Cuento/Kwento”, koleksyon ng mga maiikling kuwento na nasusulat sa Espanyol at isinalin niya sa wikang Filipino gamit ang mga natutunan niya sa UST at sa DLSU. Abala siya ngayon sa paggawa ng Diksyunaryong Chavacano.
Naniniwala si Dr. Sayas na ang wika ang nagbubuklod sa ating mga Filipino. Aniya, “Our own national language serves as a significant link between and among the Filipinos from all walks of life. There is not enough communication between a physician and his patient if the former does not comprehend the language of the latter.”
Ibinahagi ni Dr. Sayas na mainam ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo sa mga paaralan kaya iminungkahi niyang ituro ang mga leksyon sa wikang naiintindihan at malayang makapagpahayag ng saloobin ng mga mag-aaral. Dagdag pa niya na ang Ingles daw bilang banyagang wika ang nagsisilbing hadlang sa proseso ng pag-aaral.
Gayunpaman, kailangan pa ring pag-aralan ang iba pang pangunahing wika para sa komunikasyon, lalu na sa iba’t ibang tao sa daigdig ayon kay Dr. Sayas.
Sa kabila ng lahat, malayang masasabi na nagampanan at naisakatuparan niya ang layunin niyang pagyamanin ang paggamit ng wika.
At sa kanyang pagretiro sa pagtuturo, plano niyang tumulong sa mga nananaliksik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang research consultancy office sa kanilang lugar sa Batangas upang masagot ang mga pangangailangan ng mga guro ng pampublikong paaralan.
Isa na marahil sa mga natatanging guro si Dr. Sayas, hindi lamang sa dedikasyon niya sa pagbibigay-serbisyo sa institusyong kanyang pinanggalingan, bayani rin siyang maituturing sa pagpapayaman at pagpapayabong ng wikang nakagisnan at sariling-atin. Ma. Charise Lauren C. Adonay, Ma. Cristina S. Lavapie, at Glaiza Marie A. Seguia