BINIYAYAAN ang tao ng kapasidad na intindihin ang iba na kung tawagin ay “empathy” o pang-unawa, na nagsilbing gabay sa paglaganap (o instrumento ng pagkawasak) ng mga sibilasyson at kultura na humubog sa mundong ginagalawan natin ngayon.
Ayon sa pag-aaral nina Jean Decety at Kalina Michalsa ng Social Cognitive Neuroscience Laboratory, naaayon sa pangangailangan ng ebolusyon ang kapasidad ng tao na umunawa, at nalilinang ito habang tayo ay tumatanda.
Hindi na mahirap isipin na ang ating pang-unawa rin ang nagiging susi upang makisama sa iba, kahit na ang personal na pakikisama ay pinapalitan na ng chat log at Skype.
Sa mga tulad kong kabataan na lumaki sa pagitan ng mga tradisyunal na laro at paglaganap ng teknolohiya, madaling sabihin na kaya kong makihalubilo sa iba sa loob at labas ng social media. Sa kasamaang palad, hindi ito madali para sa mga kabataang hindi naabutan ang pikunan sa Pendong Peace, at unahan sa pag-“viva” tuwing naghahanap ng taya.
Ayon sa aklat ni Danah Boyd na “It’s Complicated” at pag-aaral ni Nick Pernisco, hirap gamayin ng modernong kabataan ang kanilang mga personalidad bagamat nasa iisang “mundo” (ang social media) lamang sila.
Dagdag ng pag-aaral ng grupo nina L. Mark Carrier sa California State University, bagamat may empathy sa pakikihalubilo sa social media, mas tumitibay ng lima o anim na beses ang mga relasyong nahuhubog ng personal na interkasyon.
Sa “fast culture” kung saan lahat ay mabilis (mula pagkain hanggang sa pagkuha ng impormasyon), nasasanay ang kabataan na ipagpaliban ang maaaring gawin nang personal kung kayang gawin ito online—maging ang paghahayag ng saloobin na maaari namang ibahagi sa iilang mga kaibigan na mas maiintindihan ito. Nakikita na ngayon na mas nabibigyang halaga ang pakikihalubilo sa social media maski na ito ay isang artipisyal na pamamaraan ng pakikisama.
Ayon pa sa pag-aaral ni Marcos Suliveres, ang direct interaction na siyang pinakamahalaga sa lahat ng klase ng komunikasyon ay unti-unting nawawala sa paglaganap ng social media. Buhat sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng isang text box na puro salita ang laman, mauudyok ang paglabas ng samu’t saring emosyon para lamang ipaintindi ang sarili sa iba.
Ito ang malaking kabalintunaan ng social media. Tinatawag itong “hyperconnectivity,” o ang pagbibigay ng kapangyarihan ilahad ang saloobin sa buong mundo kapalit ng pagsubaybay sa mundo ng iba. Ito ang kabayaran sa pagiging konektado sa virtual world.
Bagamat nabigyan na tayo ng kapasidad ng social media na makihalubilo nang hindi nakikipag-usap sa totoong buhay, nawawalan ng saysay ang direct interaction. Bakit mo pa kailangan isaad ang iyong nararamdaman nang personal kung kaya mo na itong gawin sa text?
Ito marahil ang dahilan kung bakit may tinatawag na “moral panic” sa social media, o ang konsepto na maaaring maging banta sa lipunan ang isang bagay dahil sa mga istorya at artikulo na nababasa ukol dito. Masyado na tayong nagiging dependent sa kakayahan ng social media na palitan ang pakikihalubilo natin sa iba.
Sa social media na natin napapagana ang empatiya, dahil iniisip ng iba na mas kaya nating umintindi kapag nakatago tayo sa labas ng ating mga screen, na kaya nating ipakita ang pag-intindi sa pagsasabi ng “totoo”—ng lahat—nang hindi natatakot.
Kailangang maalis ang takot na ito lalo na sa kabataan. Bagamat unti-unting nagiging isang pangangailangan ang pagiging konektado natin sa Internet, hindi ibig sabihin ay kailangan nating ibahagi ang bawat aspeto ng ating pagkatao rito. Sa lahat ng maaari nating iugnay sa social media, kailangang makita na ang tunay na pakikisama ay hindi makikita sa screen at maibabahagi gamit ang keyboard at touch pad.
Ang social media ay naging isang ilusyon ng pagpapakatao, isang artipisyal na medium upang bigyan ng pisikal na anyo ang ating mumunting mundo sa ating mga isipan.
Kaya lamang ipakita ng social media ang mga mumunting mundo na maaari nating makita sa iba, ngunit nasa personal pakikisama natin ang kapangyarihang maging bahagi ng mundo nila.