SA MAHIGIT 50 taon ng Ramon Magsaysay Award, limang Tomasino na ang nakatanggap sa tinaguriang Nobel Prize ng Asya: sina Francisco Sionil Jose, Bienvenido Lumbera, Nick Joaquin, Eugenia Duran Apostol, at Washington SyCip.

Bilang pag-alala sa dating pangulo ng Pilipinas, iginagawad ang prestihiyosong parangal sa mga mamamayan na ginagamit ang kanilang talento para tugunan ang iba’t-ibang mga isyung may kinalaman sa pag-unlad ng lipunan.

Sa iba’t-ibang taon, pare-parehong nakuha nina Jose, Lumbera, Joaquin, at Apostol ang gantimpala para sa Journalism, Literature, and Creative Communication Arts, samantalang nakuha naman ni SyCip ang para sa International Understanding.

Sina Jose at Lumbera, parehong Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura at mga dating patnugot ng Varsitarian, ay nagkamit ng parangal noong 1980 at 1993 para sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa larangan ng pagsulat.

Naisalin na sa 22 wika ang mga nobela’t sanaysay ni Jose. Kilala rin siya sa paglinang ng mga manunulat sa bansa, katibayan nito ang pagtatatag niya ng Philippine PEN, isang samahan ng mga manunulat, makata, sanaysayista, at mandudula.

Kilala naman si Lumbera sa kanyang pagpapahalaga sa pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng wika. Naniniwala siyang hanggang hindi nagiging tunay na lingua-franca ng Pilipinas ang Filipino, hindi maipagdurugtong ang namamagitan sa mga nakatataas at sa mga masa.

Nakulong man siya noong panahon ng Batas Militar, hindi ito naging hadlang para kay Lumbera na maipaabot sa kaniyang mga kababayan ang kahalagahan ng tradisyong bernakular sa pagpapayaman ng pagkakakilanlan ng Pilipinas.

Taong 1996 naman tinanggap ni Nick Joaquin ang parangal. Isa sa kinikilalang pinakamagaling na manunulat ng kanyang henerasyon, si Joaquin ay kinilala ng UST at ng pamayanang Dominiko sa kaniyang magandang salaysay sa La Naval de Manila. Dahil dito, ginawaran siya ng Unibersidad ng sertipiko sa Associate in Arts. Nang mamatay siya noong 2004, ipinagkatiwala naman niya ang kanyang libu-libong aklat sa UST. Kasalukuyang nasa Esquinita Quijano de Manila sa Miguel de Benavides Library ang koleksiyon.

READ
'Share faith online,' youth leaders told

Si Eugenia Duran Apostol na nagtapos sa dating Faculty of Philosophy and Letters ang ginawaran ng Ramon Magsaysay Award noong 2006.

Nagsimula ang karera ni Apostol sa pagsulat sa mga Katolikong magasin bago siya lumipat sa peryodiko at naging patnugot ng Manila Times at ng Manila Chronicle. Hindi kalauna’y nakapagtatag siya ng sarili niyang magasin, ang Mr. & Ms., na naglalahad ng mga makatotohanang pangyayari sa pagkamatay ng noo’y Senador Ninoy Aquino taong 1983. Siya rin ang pundador ng Philippine Daily Inquirer.

Sa pagpapahalaga naman sa ekonomiya at patas na pakikipag-ugnayan sa mga bansa sa Asya, iginawad kay Washington SyCip ang Ramon Magsaysay Award noong 1992.

Mula sa pampublikong paaralan, nag-aral si SyCip ng accounting sa UST kung saan siya nagtapos bilang summa cum laude noong siya ay 17 taong gulang pa lamang.

Si SyCip ang isa sa mga tagapagtaguyod ng SGV accounting firm, isa sa mga pinakamalaking accounting companies sa Pilipinas, kasama ang kapwa niya Tomasinong si Alfredo Velayo, at si Ramon Gorres.

Isang patunay ang Ramon Magsaysay Award na mayroong mga Tomasinong naglilingkod gamit ang kani-kanilang angking abilidad para mapaunlad hindi lamang ang sarili, kung hindi pati ang kanilang lipunan.

Tomasalitaan:

Ta-lim-bu-hól (png) – palitang pangako na pakasal; bahagi ng seremonya sa kasal na pinag-bubuklod sa loob ng kordon ang babae at lalaking ikinakasal; pagpapatibay.

Halimbawa: Kitang-kita ang ligaya sa mga mata ng magkasintahang nasa gitna ng talimbuhol ng kanilang pinakahihintay na pag-iisang dibdib.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo LXXVIII, Blg. 4, Setyembre 12, 2006

The Varsitarian: Tomo LXXIX, Blg. 6, Disyembre 16, 2007

READ
Seven presidential bets troop to UST

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.