INALAY ng makata at tagasaling si Roberto T. Añonuevo ang Parangal Hagbong para sa mga naging biktima ng Oplan Tokhang, o ang madugong laban kontra iligal na droga ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na nagbago sa direksyon ng kaniyang tatlong-dekadang karera sa panitikan.

Emosyonal na tinanggap ni Añonuevo ang pagkilala sa Gabi ng Parangal ng ika-39 na Gawad Ustetika, ang taunang parangal pampanitikan ng Varsitarian, sa lobby ng Gusaling Buenaventura G. Paredes, O.P. nitong Sabado, ika-4 ng Mayo.

Itinalaga si Añonuevo noong 2010 bilang direktor heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ngunit nagbitiw siya sa puwesto noong 2018 dahil hindi siya payag sa madugong digmaan laban sa droga ng administrasyong Duterte.

“Hayaan ninyong ialay ko ang [Parangal] Hagbong na ito ng buong katapatan at wagas na paggalang sa lahat ng naging biktima ng pang-estadong patakarang Tokhang noong nakaraang rehimen, sapagkat aminin man natin o hindi, naging biktima rin tayong lahat sa iba’t ibang anyo at paraan o antas kahit sa yugtong sumapit tayo sa pananahimik, perhuwisyo, pakikiapid, pagkakaila at pagkawalang pakialam,” wika ni Añonuevo.

Ang Parangal Hagbong ang lifetime achievement award na iginagawad ng Varsitarian mula pa 1997 sa isang Tomasinong nagbigay ng ‘di matatawarang kontribusyon sa larangan ng panitikan. Ilan sa mga nakatanggap ng parangal ang mga Pambansang Alagad ng Sining tulad nina Nick Joaquin, Daisy Hontiveros Avellana, Rolando Tinio, J. Elizalde Navarro, F. Sionil José, Cirilo Bautista, at Bienvenido Lumbera.

Ngayong taon, pinili si Añonuevo dahil sa “lawas ng kaniyang mga akda mula sa pagsasalin hanggang kritisismo, mula sa mga koleksiyon ng mga tula hanggang sa epiko na nagpapatunay sa maingat na kasanayan pagdating sa sining ng taludturan at sa pagiging artesano ng wikang Filipino,” ayon sa sitasyon ng parangal.

Ngunit pag-amin niya, naimpluwensiyahan ang kaniyang mga sulatin nang binalik umano ng dating rehimen ang bansa sa “dark ages.”

“Mababatid din ninyo sa tumpak na panahon kung ano ang ikinaiba ng aking mga sinulat, na malungkutin kung minsan at maangas kung minsan, na kahit lumihis pa sa kumbensyon ay magtuturo kung paano sumipa saka magnilay at dumama sa mga bagay-bagay at pahalagahan ang bawat nilalang,” wika ni Añonuevo.

Kinastigo rin niya ang ilang mga opisyales ng KWF na minasama ang kaniyang mga repormang layunin sana ay linisin ang ahensya at puksain ang katiwalian dito.

“[N]oong una’y nagsilbi ako bilang walis at tagahawi sa paglilinis ng naturang ahensya bago pa dumating si Tagapangulong Virgilio S. Almario,” wika niya. “Pinaratangan ako noon ng kung ano-anong bagay hanggang sumapit ang araw na ang mga tiwaling kawani at kumisyoner ay ipinaskil ang aking mga retrato mula hagdanan ng Gusaling Watson hanggang mga dingding sa loob ng opisina.”

“Hindi nila ako masiraan hinggil sa ipinaglalaban kong matuwid na pamamalakad sa opisina o kaya hinggil sa dapat maging programa at tunguhin ng KWF para paglingkuran ang sambayanan. Kaya hindi kataka-taka kung gumamit man sila ng kung ano-anong puwersa para manatili sa puwesto. Ang mga sumunod ay isa nang kasaysayan,” dagdag niya.

Nakaraan at kinabukasan

Hindi umano inasahan ni Añonuevo na siya ang tatanggap ng Parangal Hagbong, lalo pa’t nanggaling ito sa mga kabataan.

“Hindi ko kailangang sumipsip o mamulitika o magpatayo ng gusali saka magpairog na bigyan naman ako ng ganitong pagkilala,” ani Añonuevo. “Natutuwa ako na nagmula ang gawad sa bagong henerasyon ng mga manululat, bukod sa pangyayaring ang mga nauna sa akin na pawang tumanggap ng gawad ay itinuturing na dakila.”

Inilarawan ng makata ang esensiya ng kaniyang mga akda bilang “pagyuyugyog sa status quo at konsepto ng moda at uso, lalo pagsapit sa wika.”

Kita ang pagyuyugyog na ito sa mga koleksyon ng tula tulad ng “Pagsiping sa Lupain (2000),” na nag-presenta ng mga panibagong perspektibo tungkol sa mga isyung panlipunan at mitolohiyang Filipino, at mga sanaysay tulad ng “Filipino sa Dominyo ng Kapangyarihan (2013),” na umeeksamin sa kalunos-lunos na estado ng wikang Filipino sa kamay ng mga awtoridad.

Pinangalanang hall of fame awardee si Añonuevo noong 2000 sa Don Carlos Palanca Memorial Awards matapos manalo ng unang gantimpala sa mga kategoryang tula at sanaysay ng limang beses. Tinanggap din niya ang Southeast Asian Writers Award, ang prestihiyosong gawad pampanitikan na ipinagkakaloob sa mga nangungunang makata ng rehiyon, mula sa Kamahalan ng Thailand noong 2002.

Para sa kaniyang kapatid na si Rebecca, na isa ring makata, si Roberto ay isang “maalab na tagapagtaguyod ng wika” na may malalim na pananaw sa iba’t ibang disiplina.

“Ang kaniyang mga akda, kung bubusisiin at taimtim na pakikinggan, ay magbubukas ng pinto sa mga nagugutom sa karunungan,” wika ni Rebecca sa isang bidyo na ipinadala sa Varsitarian. “Hindi siya madaling basahin pero tila may katotohanan.”

Para sa makatang si Enrique Villasis, ang kaniyang “Sir Bob” ang tulay na nagdudugtong-dugtong sa henerasyon ng mga makata.

“Si Sir Bob kasi ang masasabi nating nagpatuloy o nagpapatuloy sa tradisyon ng pagtula ng mga naunang henerasyon sa kaniya gaya nina Rio Alma, Mike Bigornia,” wika ni Villasis sa isang panayam sa Varsitarian. “Marami sa mga makata lalo na sa kasalukuyan ang nakakalimot na may malaking papel na ginampanan si Sir Bob; kumbaga, ang 90s poetry ay panahon ng panulaan ni Bobby Añonuevo.”

Sa kabila ng mga papuri, hindi nalimutan ng makata na magbigay-pugay sa panitikang Filipino na humulma sa kaniyang pagkatao.

“Ang parangal na ito ay hindi lang para sa akin, bagkus para sa wikang Filipino at panitikang  Filipinas na matagal nang minamaliit sa loob at labas ng ating lipunan,” ani Añonuevo.

Bukod sa KWF, tumayong pangulo noong 1995 si Añonuevo ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo, isang samahan ng mga manunulat na itinatag ni Almario.

Nagsilbi rin siyang pangalawang tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas at isa sa mga nagtatag ng Oragon Poets Circle, isang pangkat ng pinakamahuhusay na makata sa bansa.

Ilan pa sa mga parangal na kaniyang natamo ay ang National Book Awards ng Manila Critics Circle, kung saan nanalo siya taong 2005, 2008 at 2012; Sawikaan Grand Prize taong 2005; at Gawad Rolando S. Tinio sa Tagasalin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining taong 2022.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.