MATAPOS ang tatlong taong birtuwal na parangal, nagbalik sa tradisyunal na pormat ang Gawad Ustetika, ang taunang patimpalak pampanitikan ng Varsitarian, na itinanghal sa lobby ng Gusaling Buenaventura G. Paredes, O.P. nitong Sabado, ika-4 ng Mayo.
Dahil sa mga restriksyon dulot ng Covid-19, napilitang i-ere ang Gabi ng Parangal sa Facebook page ng Varsitarian mula 2021 hanggang 2023.
Tinanghal na Rector’s Literary Awardee si Marie Claire Lagrisola mula sa Pakultad ng Sining at Panitik para sa kaniyang sanaysay na “Isang Liham ng Isang Dating Atleta.” Ang pansamantalang Rektor na si Padre Isaias Tiongco, O.P. ang pumili ng nagwagi.
Sa kaniyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si Tiongco sa mga Tomasinong manunulat na nagsisilbing “ilaw sa daan sa pagbabago at inobasyon.”
“Ang inyong mga akda ay higit pa sa mga titik at salitang naisusulat sapagkat ang mga ito ay sumasalamin ng ating lipunan, nagsisilbing mga bintana sa ating nakaraan at tinuturing na mga pintuang nagbubukas sa atin patungo sa hinaharap,” wika niya sa isang mensaheng ipinadala sa Varsitarian. “Ang bawat tula, kwento, sanaysay at dula na inyong naisusulat ay nagbibigay-tinig sa mga damdamin at karanasang maaaring hindi napapansin sa pang-araw-araw na hamon ng buhay.”
Mahigit 160 akda ang isinumite ng halos 100 mag-aaral ngayong taon sa mga kategoryang tula, poetry, sanaysay, essay, katha, fiction, dula at one-act play.
Narito ang mga nagwagi at tumanggap ng pagkilala:
Poetry
Unang Gantimpala: “A to B” ni Michelle Andres (Ikalawang taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Staircase to Cielo” ni Ahlyzza Xaymour Catungal (Ikalawang taon, A.B. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Towards Death” ni Charlou Tolentino Mabanta (Ikalawang taon, A.B. Creative Writing)
Fiction
Unang Gantimpala: “Skwik and the Silver Hair” ni Karlos Bernardino (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Sal & Marilyn” ni Ma. Doreen Evita Garcia (Unang taon, M.A. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Guilty Pleasure” ni Renee Cañete (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Essay
Unang Gantimpala: “Catalina’s Geas” ni Julliane Therese Lorenzo (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “God’s Favorite Princess” ni Karlos Bernardino (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Flight of a Starling” ni Alexandra Maria Alcasid (Ikatlong taon, M.A. Creative Writing)
Honorable Mention: “A Letter from the Living” ni Marie Claire “Blanche” Lagrisola (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Tula
Unang Gantimpala: “Kung Hindi Sasalita” ni Hailord Narag Lavarias (Ika-apat na taon, LL.B., Civil Law)
Ikalawang Gantimpala: “Salamin: Koleksyon ng mga Tula” ni Jamie Marie Lucading (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Kumpisal” ni Paolo Alejandrino (Ika-apat na taon, A.B. Communication)
Katha
Unang Gantimpala: “Sari-Saksi Store” ni Roma Reign Diaz Molina (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Balanggot” ni Noji Bajet (Ikalawang taon, M.A. Communication)
Ikatlong Gantimpala: “Kawangis ng Anghel” ni Jamie Marie Lucading (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Sanaysay
Unang Gantimpala: “Isang Liham ng Isang Dating Atleta” ni Marie Claire “Blanche” Lagrisola (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Sa Pagitan ng Dalawang Apelyido” ni Jericho Christian Lopez (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Shot Mo Na” ni Mary Jade Gale Galut Jadormio (Ikalawang taon, A.B. Journalism)
Honorable Mention: “250” ni Giannah Erin Ochoa (Ikalawang taon, A.B. Creative Writing)
Honorable Mention:“Salimpusa” ni Noji Bajet (Ikalawang taon, M.A. Communication)
Honorable Mention: “Byaheng PITX Papunta ‘Kung Saan’” ni Rhea-Ross Chrisel Chan (Ikatlong taon, A.B. Creative Writing)
Dulang May Isang Yugto o One-Act Play
Unang Gantimpala: “Kumpisalan” ni Aedan Jefferson Doroin Tropa (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikalawang Gantimpala: “Shiver” ni Atria Avior Pacaña (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Ikatlong Gantimpala: “Forget-me-not” ni Roma Reign Diaz Molina (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Honorable Mention: “Magnitud” ni Martin Labitan Villanueva (Ika-apat na taon, A.B. Creative Writing)
Nakatanggap ng P15,000 ang mga nagsipagwagi ng unang gantimpala, samantala nanalo ng P10,000 ang ikalawang gantimpala at nag-uwi ng P5,000 ang ikatlong gantimpala. Nakakuha naman ng P3,000 ang mga kinilalang honorable mention o karangalang banggit.
Ginawaran ng Parangal Hagbong ang manunulat, kritiko at tagasalin na si Roberto T. Añonuevo para sa kaniyang natatanging kontribusyon sa panitikan na kinilala ng iba’t ibang patimpalak pampanitikan sa Filipinas at Timog-Silangang Asya. Tumayo siyang direktor heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino mula 2010 hanggang 2018.
Upang lalong maging mèmorable ang pagbabalik ng Gabi ng Parangal, minabuti ng Varsitarian na magtanghal ang tanyag na UST Singers, ang mixed choral ensemble ng Unibersidad na itinatag ni Prop. Fidel Calalang Jr. noong 1992. Ilan sa mga awiting itinanghal nila ang “Tuwing Umuulan at Kapiling Ka” ni Regine Velasquez, “September” ng Earth, Wind at Fire, at “Seasons of Love” ng cast ng musikal na “Rent.”
Kinilatis ng 21 manunulat, akademiko at kritiko ang mga akda sa iba’t ibang kategorya.
Ang mga nanghusga sa kategoryang Poetry ay sina Nerisa Guevera, guro ng malikhaing pagsulat at resident fellow sa Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS); Ramil Digal Gulle, na dalawang beses nanalo sa Don Carlos Palanca Award for Literature; at José Wendell Capili, guro ng panitikan sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Pinili naman ang mga nagwagi sa kategoryang Fiction nina Augusto Antonio Aguila, co-director ng CCWLS at guro ng panitikan at malikhaing pagsulat sa UST; Jenny Ortuoste, guro ng komunikasyon at resident fellow ng CCWLS; at Charlson Ong, na nagkamit ng parangal para sa adaptasyon ng screenplay na “Tanabata’s Wife” sa Filipino Academy of Motion Picture Arts and Sciences (FAMAS).
Binubuo naman ang lupon ng inampalan ng Essay nina Nestor Cuartero, beteranong kolumnista sa Manila Bulletin; John Jack Wigley, propesor ng panitikan at resident fellow ng CCWLS; at Oscar Campomanes, guro ng literary and cultural studies sa Pamantasan ng Ateneo de Manila (Ateneo).
Kinilatis ang mga kalahok sa Tula nina Vim Nadera, propesor sa UP at ang nagtatag ng Gawad Ustetika noong 1985; Michael Coroza, propesor ng panitikang Filipino, malikhaing pagsulat at pagsasalin sa Ateneo; at Romulo Baquiran Jr., editor, tagapagsalin at guro ng malikhaing pagsulat sa UP.
Binubuo naman ang lupon ng inampalan para sa Katha nina Joselito delos Reyes, koordineytor ng programang Malikhaing Pagsulat sa UST at resident fellow ng CCWLS; Eros Atalia, guro ng malikhaing pagsulat, panitikan at screenwriting sa Pamantasang De La Salle (La Salle); at Chuckberry Pascual, guro ng panitikan sa Unibersidad at resident fellow ng CCWLS.
Kinilatis ang mga kalahok sa kategoryang Sanaysay nina Gary Devilles, kritiko at kawaksing propesor sa Ateneo ng Sensory Studies, Urban Studies, at Film and Media Studies; Beverly “Bebang” Siy, na kilalang tagasalin at copyright advocate; at Paul Castillo, deputy director ng UST Publishing House at resident fellow ng CCWLS.
At parte naman sina Jose Victor Torres, historyador at propesor sa La Salle; Ralph Galan, katuwang na direktor ng CCWLS at guro ng panitikan, humanidades at malikhaing pagsulat sa Unibersidad; at Glenn Mas, propesor ng teatro at pagsulat ng dula sa Ateneo sa lupon ng inampalan para sa kategoryang one-act play o dulang may isang yugto.