UNTI-UNTI nang ginagawa ang eskinitang madalas kong daanan.
Gamit ang pinaghalo-halong graba at buhangin, tila malapit nang mawala ang dating baku-bakong kalyeng kapalit ang isang matibay at maayos na daanan.
Sino’ng mag-aakalang ang dating kalye, na nagmistulang ilog sa lalim ng baha mula sa kaunting patak ng ulan, ay handa na ngayon sa anumang bagyong maaaring dumating?
Sa wakas, may nagawa na ang lokal na pamahalaan upang tulungan ang mamamayan. Nakatutuwang isipin na magdudulot ito ng kaginhawaan, hindi lang sa akin, kung hindi maging sa iba pang taong dumadaan. Sa araw-araw kong pagtahak sa patutunguhan, naging bahagi na ng buhay ko ang pasumandaliang paglakad sa eskinitang iyon.
Mula nang simulang gawin ang kalye hanggang sa lumipas ang mga araw, nakita at naramdaman ko ang dahan-dahang pagbabago ng makitid na daan. At sa mga panahong iyon, hindi ko namalayang sumasabay na rin pala ako sa mga pagbabagong nagaganap. Unti-unti ko na rin palang pinapatag ang sarili kong daan.
Sa kaso ko, mahirap pala ang mag-ayos ng baku-bakong daan. Maputik, magulo, mahirap tahakin, pero kung nanaisin, maaari itong maging pulido.
Matagal ko nang tinatahak ang magulong daan na ito—ang sarili kong landas. Ngunit gaya ng isang aspaltong daan na tinatapalan lamang, dumarating ang pagkakataong nasisira ito at muling nagbabalik sa pagkabako.
Maraming pagkakahalintulad ang landas ng tao at isang kalye. Sadyang mahirap panatilihin ang kaayusan ng dalawa. Sa isang iglap, maaaring mabiyak ang daanan mula sa malakas na lindol o di kaya’y mula sa palagiang pagdaan ng mga mabibigat na sasakyan. Sa tao, mas marupok ang daan dulot ng mga pagkakamali, pagkakawalay, o di kaya’y pagkabigo.
Ang kaibahan nga lang, kahit paano, mas matagal ang ‘buhay’ ng kalyeng nadadaanan kaysa sa kalyeng nasa pagkatao ko. Mas marami pang tulad ko ang maaaring dumaan at mamasyal at makakakilala ang halaga ng kalyeng tinatapakan kaysa sa kalyeng nilalandas ko.
Sa bawat pagtahak ko sa eskinitang iyon, hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit. Sino ba naman ang magnanais ng magulo, baku-bako, at ‘tinapalang’ buhay? Tila binubulong nito ang mga pagbabagong kailangan kong gawin. Minsan naiisip ko, na buti pa ang totoong kalye, may tiyak na kahahantungan ang dulo. Samantalang ako, pilit pa ring naghahanap ng maayos na daang dudugtungan. Tila isa akong aspaltong kalsadang tagpi-tagpi at puro tapal ang butas. Walang kasiguraduhan kung kailan maaayos at maaaring daanan.
Ngunit handa na akong maging kagaya ng kalye. Handa na akong magpagiba sa isang ‘bulldozer’ na titibagin ang makitid kong daan, papatagin hanggang sa tuluyang mawala marurupok na bahagi, at gumawa ng panibagong daang maghahatid sa akin sa kawalan.
Hindi ko na hihintayin pang makapagsalita ang kalyeng iyon, at sabihing ituwid ang buhay ko, at baka nga pagtawanan pa.
At sana, sa pagdating ng panahong iyon, masasabi kong nahanap ko na ang kalyeng magtuturo ng tamang landas para sa akin. Hindi isang eskinita, bagkus isang mas malawak, maaliwalas, at makinis na daang magtuturo sa akin ng totoong saysay ng buhay.