BILANG PAKIKIISA sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan, tinalakay ng isang Tomasinong propesor ang pagtuturo ng panitikang malay sa kasarian.

Sa pamamagitan ng “SOLO FLIGHT,” isang webinar at book launch, ibinahagi ni Kawaksing Prop. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, ang isang talakayan na  pinamagatang “KAWING-KAWING: Intertekstuwal at Replektibong Lapit sa Pagtuturo ng Panitikang Malay sa Kasarian.”

Ayon kay Fajilan, maituturing na isang kamalayan ang pagtingin o pagtanaw sa usaping pangkasarian.

“Ang usaping pangkasarian ay hindi lamang pag-aaral sa loob ng paaralan, ito’y isang pagkilos, pag-oorganisa,” ani Fajilan.

Binigyang-diin ni Fajilan na kailangang tignan ang buong proseso ng pagkamalay tungkol sa paggalang at pagbibigay respeto sa karapatan at kakayahan ng iba’t ibang mga kasarian.

“Isa itong bahagi ng mas malawak na pagkilos at paninindigan para sa karapatang pantao,” wika niya.

Ibinahagi rin ni Fajilan ang PMK o Panunuring Malay sa Kasarian na isa sa pinakamahalagang prinsipyo na maaaring maging balangkas para sa mataas na pagpapahalaga sa mga malikhaing akda.

Aniya, pinangunahang talakayin ni Dr. Lilia Quindoza-Santiago ang PMK at nadetalye niya ito sa kaniyang koleksyon ng mga tula na may pamagat na “Sa Ngalan ng Ina: 100 Taon ng Tulang Feminista sa Pilipinas mula 1889-1989,” at nailathala noong dekada 90.

Binanggit din ni Fajilan na para kay Quindoza-Santiago, ang pagsusuri ng kalagayan ng iba’t ibang mga kasarian ay dapat basahin sa konteksto ng ugnayang panlipunan at ugnayang pangkasarian sa kasaysayan.

“Kailangan nating tignan ‘yung kontekstong pangkasaysayan at tignan din natin na ito rin ay maaaring maiugnay at maiugat pa hindi lamang sa usaping panlipunan pangkasarian kundi pati na rin sa kondisyong pangkabuhayan,” paliwanag niya.

Dapat na pahalagahan ang kultura ng pagbabasa ng mga kabataan sa kasalukuyan dahil sila ay higit na audiovisual kaysa tekstuwal, aniya.

Dagdag pa niya, mahalagang bigyang-pansin ang kultura ng pagbabasa ng mga kabataan sa kasalukuyan kapag nagbabasa o nagtuturo ng panitikang malay sa kasarian dahil aniya ang kabataan ngayon ay mas madaling turuan sa paraan ng audiovisual kaysa tekstuwal.

“Kapag tayo ay nanonood, napapalawak nito ang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pabibigay tuon at pag-unawa sa mga impormasyong biswal,” wika niya.

Susi rin ang paggamit ng mga tekstong popular upang mapayaman ang panunuring pampanitikang malay sa kasarian dahil maaari itong magamit bilang springboard sa talakayan tungkol sa mga talakayang pangkasarian.

“Naitataguyod at nalilinang din nito ang biswal at media literasi kasi nga mayroon din natatanging talino ang panonood ng tama at pakikinig ng tama, at paggamit ng social media bilang paraan ng empowerment dapat ng ating mga estudyante at ng mga kabataan,” aniya.

“Bukod dito, ang tekstong popular ay lunsaran, daluyan at imbakan ng mga pagpapakahulugang popular na pundasyon ng halagahing panlipunan,” dagdag ni Fajilan.

Binigyang-diin  niya na kapag nagsusuri, magandang tignan na hindi dapat nakakulong sa iisang kahulugan ang ating mga binabasa.

“Umiikot tayo doon sa konsepto na maaaring magkaroon ng mga potensyal na kahulugan na dadami. Kapag mas maraming kahulugan, mas maraming appreciation doon sa tekstong ating binabasa,” wika ni Fajilan.

Ayon sa datos, kinikilala ang mga Pilipina bilang pangatlo sa mayroong pinakamataas ang pagtingin sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa Asya-Pasipiko.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.