Pagsilay sa Pista ng Pelikulang Pilipino, part 3: “Triptiko,” “AWOL,” “Manananggal sa Unit 23B,” “Salvage”

0
2491

Isang malaking pagdiriwang ang Pista ng Pelikulang Filipino na pinasinayaan bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika para sa taong ito. Itinampok ang 12 pelikulang likhang Filipino mula sa iba’t ibang genre sa pakikipag-ugnayan ng Film Development Council of the Philippines sa Komisyon sa Wikang Filipino at iba pang mga ahensya.

Buhat ng pagiging audience-oriented nito, itinakda ng kapistahang makaugnay sa mas maraming Filipino at umaasang maipakilala ang mga ito sa pandaigdigang entablado. Kaugnay nito, sinikap ng Varsitarian na suriin ang mga tampok na pelikula.

 

“Triptiko”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Binubuo ng tatlong magkakaibang kuwento ang  Triptiko ni Miguel Franco Michelena na tumatalakay sa isang paksa, “weird”.

Kauna-unahang itinampok dito ang kakaibang kuwento ng “Swerte”. Papauwi na si Jake (Albie Casiño) sa kaniyang tirahan matapos makabingwit ng isang babae.ngunit hindi nagtagal, biglang sunod sunod naman ang kamalasang dumating sa kanya. Masyado naging maiksi ang oras upang ipakita ang pagbabago ng kanyang karakter kaya naman nakalilito ang mga sumunod na pangyayari.

Nakasalig naman ang “Hinog” sa mga paniniwala ng mga Pilipino sa mga bagay na hindi nakikita sa ating paligid.  Nagbukas ang kuwentong ito kay Jason (Joseph Marco) na nag-aaudition para sa isang TV commercial shoot. Sa kalagitnaan ng pelikula, nagkaroon siya ng pigsa sa hindi malamang dahilan. Naging desperado si Jason dahil sa pagguho ng kaniyang career kaya naman nagpatingin na lamang sa isang albularyo. Sa kabilang banda, nagpokus lamang si Michelena sa kung gaano kalala ang pigsa na iniinda ng bida kaysa sa mismong karakter ni Jason.

Natatangi naman ang “Musikerong John” sa dalawang kuwentong nabanggit. Napili sa istoryang ito ang paggamit ng “folk music” ni John (Kean Cipriano). Hindi matatawaran ang naging pag-arte nila Kean at Kylie dahil kahit iilan lang linya ni Kylie rito, mahusay niyang nagampanan ang kaniyang karakter. Masyado lamang naging  mahaba ang pagkakakuha ng ibang eksena na hindi naman gaano kahalaga sa pelikula. Dagdag pa rito, madilim ang  lighting lalo na kapag itinututok sa mukha ng mga bida.

Sa tatlong kuwento, natatangi ang Musikerong John dahil nagbigay ito ng bagong kahulugan sa salitang “weird”.

“AWOL”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Hindi matatawaran ang galing na ipinakita ni Gerald Anderson bilang Lieutenant Abel Ibarra, isang beteranong army sniper sa isang maaksyon na pelikula na pinamagatang “AWOL” ni Enzo Williams.

Binigyang-diin sa pelikulang ito ang pagmamahal ng isang sundalo sa kanyang pamilya at di – matatawarang sakripisyo na kayang ibigay para sa Inang Bayan.

Inilagay ni Abel sa kaniyang mga kamay ang batas at nag-AWOL (o absence without leave) upang ipaghiganti at alamin kung sino ang utak sa karumal-dumal na sinapit ng kaniyang mga kasamahan. Tinaguriang “war hero” si Ibarra kahit nagkasala siya sa batas.

Bagaman hindi kalakihan ang budget ng nasabing pelikula, maganda ang naging tema nito sapagkat napapanahon ito sa nangyayari sa Marawi kung saan maraming sundalo ang nagbuwis at nagbubuwis ng kanilang buhay upang mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao. Ngunit maari rin itong magbigay ng masamang impresyon sa mga manonood na hindi ginagawa ng kapulisan ang kanilang tungkulin sa trabaho dahil inuuna nila ang kanilang personal na galit tulad ng  paghihiganti at pagsuway na ginawa ni Abel sa pelikula.

Manananggal sa Unit 23B”

Trailer photo grabbed from YouTube.

Nahahati naman sa dalawang tema ang “Manananggal sa Unit 23B” ni Prime Cruz, isa na ang pag-ibig na mayroong halong kababalaghan.

Nababalot ng kalungkutan at madilim na sikreto ang pagkatao ng bida na si Jewel (Ryza Cenon) na isang manananggal at nagtuturo ng wikang Filipino sa foreigners gamit ang internet.  Kasabay ng kababalaghan, nabuo ang magandang pagtitinginan nila ni Nico (Martin del Rosario) na kalilipat lamang kasama ang kanyang Lola Trinidad (Vangie Labalan) sa parehong compound na tinitirahan ni Jewel.

Binigyang diin dito na hindi isang sumpa ang pagiging manananggal bagkus isang pagnanais lamang na pumatay ng tao.

Napapanahon ang isyung tinalakay dito tulad ng extrajudicial killings lalo na ang paglalagay ng plaka na may nakasulat na “Huwag tularan, pusher ako” sa mga katawan ng mga lalaking kanya munang inaakit  at saka papatayin.

Hindi gaano nakita sa pelikula ang pag-uugali ni Nico, ang lalaking nagpatibok ng puso ni Jewel (manananggal), dahil mas binigyang-pansin lang sa pelikula si Jewel.

Maganda ang naging plano at masining ang pelikulang ito lalong lalo na sa cinematography. Angkop din ang paggamit ng lighting at pagpili ng tagpuan. Nakatulong ang sound effects upang mapatingkad ang “mood” ng istorya at naging masinop sila sa paggamit ng prosthetics upang  maging kapani-paniwala ang istorya.

 

“Salvage”

Isang grupo ng mga mamamahayag ang nasuspinde at inatasang alamin ang ugat ng mga patayan sa San Vicente sa Cagayan de Oro City na isinisisi sa mga aswang.

Pinagbidahan ito ni Jessy Mendiola at hango sa direksyon ni  Sherad Sanchez.

Binubuo ito ng limang tauhan, Bong (Joel Sarancho) bilang on-cam reporter, Melay (Jessy Mendiola) bilang segment producer, Neil (JC de Vera) bilang cameraman, Barbie (Barbie Capacio) bilang makeup artist at si Manny (Karl Medina) na kanilang driver.

Sa paghahanap nila kay Ka Ernie sa Sitio Papaya, naligaw sila at napunta sa isang masukal na gubat. Hindi naglaon, inatake at dinukot sila ng mga pulis at saka natuklasan ng mga misteryo at kababalaghan na nakatago rito.

Maaring madismaya ang mga manonood na may motion sickness dahil gumamit ito ng paulit-ulit na camera glitches at night vision mode upang madagdagan ang katatakutan. Nakakapagod din ang panonood nito dahil magalaw ang kuha sa mga pangunahing tauhan, Marami mang pagkukulang ang pelikulang ito, nakatatak na sa isip mo ang mga eksena bago ka pa tumayo sa kinauupuan mo.

Related articles: Pagsilay sa Pista ng Pelikulang Pilipino, part 1: “Patay na si Hesus,” “100 Tula Para Kay Stella,” “Bar Boys”

Pagsilay sa Pista ng Pelikulang Pilipino, part 2: “Pauwi Na,” “Birdshot,” “Star na si Van Damme Stallone,” “Paglipay”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.