KILALA’T natatangi sa buong mundo ang mangga ng Pilipinas dahil sa tamis nito’t pagkakahawig sa isang ginintuang puso.
Sa ganitong wangis iginuhit ng Don Carlos Palanca Memorial awardee na si Marivi Soliven ang kaniyang mga karakter sa nobela niya na nagkamit ng pinakamataas na gantimpala sa kategorya ng nobelang isinulat sa Ingles ng Palanca awards noong taong 2011 na “The Mango Bride.”
Inilimbag ito ng tanyag na palimbagan na Penguin Books at inilunsad ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS) kasama ng National Book Development Board (NBDB) sa Tanghalang Teresita Quirino ng Benavides building noong ika-30 ng Agosto.
Tungkol ang “Mango Bride” sa industriya ng mga mail-order bride. Inilatag ang isyu sa mga mambabasa mula sa mga mata ng pangunahing mga karakter na sina Beverly—isang babaeng naging mail order bride sa Amerika dahil sa kagustuhan niyang guminhawa ang kaniyang buhay, at si Amparo na isang babaeng pinadala ng kanyang pamilya sa Amerika upang maiwasan ang isang malaking iskandalong maaaring makasira sa kanilang angkan.
Sa pagsisinaya sa aklat, nagbigay ng kani-kanilang reaksiyon ukol sa libro sina professor Nerisa Guevara, Alil Alvarez ng UST-Publishing House, at si Michael Vincent Gaddi ng NBDB.
Nakahuhumaling ang mga bahagi ng librong ginanap sa hapag-kainan o may imahen ng pagkain, ayon kay Guevara. Para sa kanya, maraming importanteng pangyayari’t usapan sa hapag-kainan.
Ayon naman kay Alvarez, nagpapaigting sa kahalagahan at kagandahan ng libro ang matarik na mga daang tinahak nito upang mailimbag. “A truly commendable production… it has become a commodity because of its birth from publication.”
Pawang katotohanan
Nagtatrabaho si Soliven bilang interpreter ng mga babaeng nagpupunta sa kanlungan ng mga social worker, psychiatrists, at mga divorce attorney upang humingi ng tulong dahil sa masamang dinanas ng mga ito sa pagiging biktima ng domestic violence sa kamay ng kanilang mga asawa o kinakasama sa Amerika.
Ayon kay Soliven, dito niya hinugot ang mga problemang ginamit niya sa nobela. “I’m not making this up,” aniya “I’ve heard it, I’ve interpreted it, it’s heartbreaking.”
Mahirap din para sa mga babaeng nasadlak sa ganitong disgrasya ang umuwi sa bansa dahil ayon kay Soliven, pinipigilan sila ng ating kultura’t mga paniniwala.
“You think they’d come home non-virgins and with a white man’s spawn? No, their lives are over.”
Para sa kanya, hindi na bago ang ganitong mga pangyayari’t kuwento dahil sa presensya ng mga ito sa mainstream media—naipapalabas sa TV, sa ulat man o piksyunal na mga panoorin.
Nilayon lamang niyang magkuwento, hindi niya ginustong magsulat ng gasgas dahil naniniwala siyang hindi naman lahat ng kaso ng mail order bride ang nagtatapos sa trahedya’t pananakit.
Sa kasalukuyan, abala si Soliven sa pagsusulong ng kanyang bagong libro at paghahanda para sa darating na bagong edisyon nito na nasa wikang sa Espanyol.
Si Soliven ay unang nagawaran ng Palanca noong 1992 para sa kaniyang maikling kuwentong pambata na “Chun”. Nakapagpa-limbag na siya ng maraming libro, kasama ito ang “Suddenly Stateside”, isang koleksiyon ng mga katawa-tawang sanaysay at ang “Spooky Mo” isa namang koleksiyon ng mga nakakatakot na maikling kuwento.