HINDI makakailang inasahan na ng marami ang pagkakahirang kay Ginoong Cirilo Bautista bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Isa siyang kilalang kritiko, batikang manunulat, at lubos na nirerespetong propesor ng Literatura—ngunit, kung iisa-isahin, ano nga ba ang mga natatanging ambag ng henyong minsan ding namalagi sa Unibersidad?

Sa isang espesyal na panayam kay Bautista sa kaniyang tahanan sa Lungsod Quezon, kinilala pang lalo ng Varsitarian ang nabubuhay na yaman ng salinlahing Filipino.

Ayon kay Bautista, para sa kanya, ang kanyang pinakamahalagang ambag sa panitikan ng bansa ay ang “musikang” nailalapat sa kanyang mga gawa na kinagigiliwan ng mga mambabasa.

“Ang musika sa aking mga akda ay siyang nagbibigay ng lugod sa mga nagbabasa sa kanila,” aniya.

Dadgad ni Bautista, nahasa niya ang paglikha sa musikang nananalaytay sa kaniyang mga obra sa pagbabasa. Paliwanag pa ng maestro na walang tiyak na panahon kung kailan nagdedesisyon na maging isang manunulat ang isang tao, ngunit tiyak na nauuna ang pagbabasa.

Kuwento niya, hindi niya matandaan kung kailan niya eksaktong naibigang magsulat. Marahil daw ay noong bata pa siya, dahil namulat siya sa isang pamilyang maraming babasahin (madalas ay sa wikang Tagalog nakasulat). Pinag-igi pa ng kaniyang pagkamahiyain ang udyok na magbasa na lamang kaysa makihalubilo. Sa ganito nahubog ang kaniyang ugnayan sa mundo ng Literatura.

Nang tanungin ng Varsitarian sa hiwalay na panayam si Ginoong Ralph Semino Galán, isa sa mga makata ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies, tungkol sa musika ni Bautista, ipinaliwanag niyang ang himig ni Bautista ay himig na mananatiling sariwa at kahumahumaling sa larangan ng Panitikang Filipino.

READ
Cardinal memories of Cardinal Sin

Ayon pa kay Galan, halimbawa ang mga akda ni Bautista ng “matunog” na pagsusulat. Ito ang mga akdang dapat bigyang-pansin, aniya.

Kapuwa ‘Alagad’

Sa isang hiwalay na panayam, inilahad ni F. Sionil José, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at dating punong patnugot ng Varsitarian, kung paanong ang mga gawa ni Ginoong Bautista ay ipinagbubunyi ang mga karanasan ng bansa.

Ayon kay Ginoong José, maraming manunulat ang sumusubaybay sa mga gawa ni Bautista dahil sa kanyang paraan ng pagsusulat at bernakyular na gamit.

Nagsulat ng mga tula at kuwento noon para sa magasing Liwayway at Bulaklak—mga babasahing kilala sa paghuli ng sensibildad ng mga Filipino—si Bautista. Ilan sa mga akda niya ang tumatalakay sa mga suliraning panlipunan (Sunlight and Broken Stone, 1998), mga kultural na tagpuan (Trilogy of San Lazarus, 2001), o mapakathang-isip o malikhaing pagsasalaysay ng mga tunay na kaganapan.

Dagdag pa ni José, ang mga tula ni Bautista na alinsunod sa bernakyular na tradisyon ang katibayan ng kanyang mahusay na panulat.

Simula

Ayon kay Bautista, ang mga gawa niyang nailimbag sa V ang kaniyang naging inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang pagsusulat. Patnugot siya noon ng pahayagan na naging daan upang makilala niya ang marami sa kaniya ngayong mga kaibigan sa larangan, aniya.

Nagtapos si Bautista ng master’s degree sa Saint Louis University ng Baguio, (1968) at doctorate De La Salle University, (1990). Nagturo siya ng Literatura sa mga sumunod na taon. Sa kasalukuyan ay isa siya sa Board of Advisers ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center of the De La Salle University-Manila.

READ
Vatican issues instruction to promote Latin Mass

Sa gulang na 73, nananatili siyang masayahin at mapagbiro, sa kabila ng kanyang sakit sa puso at malimit na pamamahinga ay ipinagpapatuloy niya ang pagsusulat.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.