Friday, December 13, 2024

Tag: Agosto 22, 2014

Suspensyon ng K to 12 hiniling

PANGAMBA ang dulot sa mga guro ng mga pagbabagong hatid ng K to 12. Dumaing ang mga guro at tauhan mula sa mga kolehiyong maaaring maapektuhan sa transition period sa 2016 na dapat nang pigilin ang K to 12 program dahil sa kakulangan ng paghahanda ng pamahalaan para sa pagpapatupad nito.

Iginiit ng Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities of the Philippines (COTESCUP) na kailangang suspendihin ang K to 12 sapagkat wala pang maayos na plano ang pamahalaan para sa nakaambang pagkawala ng trabaho ng humigit kumulang 86,000 na manggagawa ng mga higher educational institutions (HEIs).

Isa si Noel Moratilla, propesor sa St. Scholastica’s College Manila, sa libu-libong guro na nangangambang mawalan ng trabaho sa 2016 dahil sa K to 12.

Unang Filipinong Rektor ng UST, pumanaw na

PUMANAW ang kauna-unahang rektor na Filipino ng Unibersidad na si P. Leonardo Legaspi, O.P., arsobispo emerito ng Caceres, noong ika-8 ng Agosto sa UST Hospital sa edad na 78 anyos. Ito ay matapos ang ilang taong pakikipaglaban niya sa kanser sa baga.

Nagsilbing rektor ng Unibersidad si Legaspi mula 1971 hanggang 1977. Naging katuwang na obispo rin siya ng Maynila bago siya itinalagang ikatlong arsobispo ng Caceres sa Naga noong 1984. Nagsilbing aktibong arsobispo si Legaspi sa loob ng 28 taon hanggang sa magretiro siya noong 2012.

Pinamunuan rin ni Legaspi ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) mula 1988 hanggang 1991.

Tomasinong obispo bagong kinatawan sa UN ng Vatican

ISANG Tomasino ang kauna-unahang Filipinong itinalaga ni Pope Francis upang maging permanenteng tagapagmasid ng Vatican sa United Nations (UN) noong Hulyo 1.

Si Arsobispo Bernardito Auza, mula sa Talibon, Bohol ay kasalukuyang apostolic nuncio sa Haiti.

Pinalitan ni Auza si Arsobispo Francis Chullikat ng India, na nagsilbing kinatawan ng Vatican sa UN mula 2010.

Bilang bagong delegado sa UN, layunin ni Auza na sumubaybay sa mga usapin ng organisasyon at isakatuparan ang kaalaman ng Simbahan sa larangan ng hustisya at dignidad ng tao.

Siya ay itinalaga ni Pope Emeritus Benedict XVI bilang apostolic nuncio sa Haiti noong Mayo 8, 2008.

BSE Filipino muling binuksan ngayong taon

MULING iaalok sa mga estudyante ng College of Education ang Bachelor of Secondary Education (BSE) in Filipino upang mapanatili ang pag-aaral ng wikang pambansa sa kolehiyo.

Ayon kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad, magsisilbing kasiguraduhan ang pagbubukas ng kurso na mananatili ang Filipino sa kolehiyo kung sakaling mawala nga ito sa kurikulum ng mga mag-aaral.

“Kasi ang nangyari nga ay ang minimum requirement ng CHEd [sa general education curriculum o GEC] ay 36 units. Out of 36 units, walang Filipino. It happened na mabait ang University,” sabi ni Ampil. “Ayon sa Rektor, sinusuportahan niya ang Filipino.”

Pinuno ng Metrobank ginawaran ng doktorado, honoris causa

PINAGKALOOBAN ng Unibersidad ng honorary degree ang tagapangulo ng Metrobank Group of Companies na si George Ty para sa kanyang mga natatanging ambag sa kaunlaran at pagnenegosyo sa bansa.

Sa isang seremonya noong ika-7 ng Agosto sa Medicine Auditorium, iginawad kay Ty ang doctorate degree, honoris causa, sa humanidades.

Ayon kay Rektor P. Herminio Dagohoy, O.P., iginagawad ng Unibersidad ang mga honorary doctorate degree bilang tanda ng karangalan at respeto sa mga karapat-dapat na Pilipinong naging instrumento ng pag-unlad.

“We conferred the honorary degree [on him] not only for his achievements in the banking industry but for his works that embody Thomasian values of commitment, competence and compassion,” ani Dagohoy sa kanyang talumpati.

UST nangibabaw sa PT, Nutrition boards

PITONG Tomasino ang naging topnotcher habang nagtala naman ang Unibersidad ng matataas na marka sa nakalipas na Nutrition and Dietetics, Physical Therapy (PT) at Occupational Therapy (OT) licensure examinations.

Itinanghal bilang tanging top-performing school ang UST sa PT board exam matapos itong makakuha ng 91.74 percent passing rate, katumbas ng 100 Tomasinong nakapasa mula sa 109 na kumuha ng pagsusulit, ayon sa datos na inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).

Bahagyang mas mababa ito kumpara sa 95.74 percent o 45 na pumasa mula sa 47 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon.

P2.4 M ibinigay sa mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’

MAHIGIT dalawang milyong piso ang ibinigay ng UST sa mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” para sa pagsasaayos ng mga komunidad sa Visayas.

Sa pamamagitan ng Tulong Tomasino Para sa Visayas, ang proyekto ng Simbahayan Community Development Office na naglalayong tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad noong nakaraang taon, nagbigay ang Unibersidad ng P2,435,000 noong Abril at Mayo bilang parte ng ikalawang bahagi ng proyekto.

Mula sa naturang donasyon, inilaan ang P680,000 sa mga bagong bangka, lambat, at fish cage sa mga naninirahan sa Batan, Aklan.

Samantala, ang natirang P1,755,000 ay para sa pagpapagawa ng mga simbahan at paaralan sa mga bayan ng Hinolaso Dolores at Guiuan sa Samar; Alang-alang, Palo, Tolosa, at Tacloban City sa Leyte; at Capiz.

Aplikasyon sa USTET ganap nang online

MAGPAPATUPAD ng sistemang online ang Office of Admissions (OFAd) para sa lahat ng magnanais kumuha ng UST Entrance Test (USTET) sa taong pang-akademiko 2015-2016.

Ayon kay Marie Ann Vargas, direktor ng OFAd, isang hakbang ng Unibersidad ang naturang pagbabago upang sumabay sa bilis ng teknolohiya at mapadali ang proseso ng aplikasyon.

“This is the idea of making things easier for our applicants. Basically, they can do everything online,” aniya. “The only time they will come to UST is when they take the exams.”

Sa bagong sistema ng aplikasyon, sasagutan at ida-download ang application form mula sa website ng OFAd (ofad.ust.edu.ph).

Music nagbawas ng departamento para makatipid

Pinagsama ang ilang departamento ng Conservatory of Music upang makatipid sa pondo.

“The [budget committee] wants us to consolidate some departments. Actually, it’s not the most ideal situation but we’re just forced to cut down based on the budget,” ani Raul Sunico, dekano ng Music, sa isang panayam.

Simula ngayong taon, ang 14 na departamento (Piano, Voice, Strings, Guitar, Theory and Composition, Music Literature, Conducting, Music Education, Percussion, Jazz, Brasswind, Woodwind, Music Technology at Music Theater) ay naging pito na lamang.

Filipino magiliw sa panauhin pero rasista?

NAG-AARAL pa lamang ako sa elementarya, itinuro na ng aking mga guro sa aking murang kaisipipan na kilala ang mga Filipino sa pagiging hospitable o magiliw sa panauhin.

Makalipas ang isang dekada, masasabing kinikilala pa rin ng buong mundo ang mga Filipino sa malugod na pagtanggap lalo na sa mga turista.

"Most tourist-friendly" raw ang Pilipinas sa Asya ayon sa isang pag-aaral at survey na ginawa ng Top 10 of Asia, isang magazine sa Malaysia.

Ayon din sa Forbes magazine, ang mga Filipino ang isa sa mga least rude to tourists base sa survey na kanilang inilathala noong 2012.

LATEST