PANGAMBA ang dulot sa mga guro ng mga pagbabagong hatid ng K to 12. Dumaing ang mga guro at tauhan mula sa mga kolehiyong maaaring maapektuhan sa transition period sa 2016 na dapat nang pigilin ang K to 12 program dahil sa kakulangan ng paghahanda ng pamahalaan para sa pagpapatupad nito.
Iginiit ng Council of Teachers and Staff of Colleges and Universities of the Philippines (COTESCUP) na kailangang suspendihin ang K to 12 sapagkat wala pang maayos na plano ang pamahalaan para sa nakaambang pagkawala ng trabaho ng humigit kumulang 86,000 na manggagawa ng mga higher educational institutions (HEIs).
Isa si Noel Moratilla, propesor sa St. Scholastica’s College Manila, sa libu-libong guro na nangangambang mawalan ng trabaho sa 2016 dahil sa K to 12.
Pitong taon nang nagtuturo ng Communication Arts si Moratilla ngunit dahil sa malawakang retrenchment sa kanilang paaralan ay maaaring mapasama siya sa mga gurong mawawalan ng trabaho.
Ayon kay Moratilla ramdam na sa kanilang paaralan ang epekto ng K to 12 lalo na at walang unyon ang mga guro doon.
“Kagaya ko, nagtuturo din ako ng Gen[eral] Ed[ucation] subjects and we feel that there is no security kasi kahit full-time faculty ay posibleng ma-retrench,” aniya. “We are not disposable bodies. Dapat ma-realize ng mga administrations yan na hindi kami basta-basta na lang itatapon kapag hindi na kailangan ang aming serbisyo.”
Ayon kay Rene Tadle, external vice president ng UST Faculty Union, malaki ang posibilidad na hindi magkatotoo ang mga planong inihahanda ng pamahalaan para sa ganap na pagpapatupad ng K to 12.
“It seems as if these proposals particularly the [Tertiary Education Sector] transition fund is just a collection of empty promises. If it is necessary, we are willing to go to court to protect the rights and interest of our teachers,” ani Tadle, na siya ring pangunahing convenor ng COTESCUP, sa isang pagpupulong sa Unibersidad ng Pilipinas noong ika-29 ng Hulyo.
Iminungkahi noong Hunyo ng Commission on Higher Education (CHEd), Department of Labor and Employment, Department of Education, at Technical Education and Skills Development Authority ang pagkakaroon ng Tertiary Education Sector Fund, kung saan maglalaan ng P29 bilyon bilang pinansyal na tulong sa mga guro at tauhan ng HEIs na mawawalan ng trabaho dahil sa K to 12.
Sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education (CHTE) noong ika-15 ng Hulyo, binigyan ang mga nasabing ahensya ng hanggang Setyembre upang ipasa ang plano kung paano gugugulin ang badyet. Gayunpaman, hindi pa pinal ang panukala at sa katapusan pa ng taon ito inaasahang pumasa sa Kongreso.
“It is a work in progress and entails consultation with relevant stakeholders and discussions with the Department of Budget and Management and other sources of funds. This is a proposal that has not been formally approved by the technical working group,” ani Cynthia Bautista, komisyoner ng CHEd.
Magdaragdag ng dalawang taon sa high school ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o K to 12. Magsisimula sa 2016 ang ganap na pagpapatupad ng programa, kung saan mawawalan ng mga mag-aaral sa una at ikalawang taon ng kolehiyo, na magiging sanhi ng kawalan ng trabaho ng mga manggagawa sa HEIs.
Ayon sa Seksyon 14 ng batas, maaring suspendihin ang programa kapag ito'y hindi papasa sa mandatory review ng Joint Congressional Oversight Committee sa katapusan ng pang-akademikong taon 2014-2015.
Dagdag pa rito, hinimok ni Roman Romulo, kongresista ng Pasig na tagapangulo ng CHTE, ang mga manggagawa ng HEIs na ipagpatuloy ang kooperasyon sa kanilang komite upang matugunan ang kanilang mga hinaing. Arianne F. Merez