ISANG Tomasino ang kauna-unahang Filipinong itinalaga ni Pope Francis upang maging permanenteng tagapagmasid ng Vatican sa United Nations (UN) noong Hulyo 1.
Si Arsobispo Bernardito Auza, mula sa Talibon, Bohol ay kasalukuyang apostolic nuncio sa Haiti.
Pinalitan ni Auza si Arsobispo Francis Chullikat ng India, na nagsilbing kinatawan ng Vatican sa UN mula 2010.
Bilang bagong delegado sa UN, layunin ni Auza na sumubaybay sa mga usapin ng organisasyon at isakatuparan ang kaalaman ng Simbahan sa larangan ng hustisya at dignidad ng tao.
Siya ay itinalaga ni Pope Emeritus Benedict XVI bilang apostolic nuncio sa Haiti noong Mayo 8, 2008.
Matapos magkaroon ng matinding lindol sa Haiti noong 2010, agad na nagbigay ng tulong si Auza at sa mga nasalanta ng trahedya. Naging daan siya upang makarating ang mga pera at tulong sa Haiti mula sa Vatican at ibang simbahan.
Siya rin ang nagsilbing gabay sa pagdedesisyon sa mga gastusin at pagsasakatuparan ng mga proyekto katulad ng pagpapatayo ng mga simbahan, paaralan at bahay.
Bago ipinadala sa Haiti, nagsilbi rin si Auza bilang First Counselor ng Permanent Observer Mission ng Holy See sa United Nations noong 2006. Dito niya inasikaso ang mga isyu ng pagpapanatili ng seguridad, dignidad ng tao at kapayapaan sa mundo.
Tawag ng serbisyo
Ani P. Efren Rivera, O.P., isang propesor sa Faculty of Theology ng Unibersidad, nakuha ni Auza ang tiwala ng Santo Papa dahil sa kanyang angking pagmamahal sa kapwa at ito ay nakita sa taos-pusong serbisyo niya noong nagkaroon ng lindol sa Haiti.
“Sa ating pagbubunyi sa kanyang bagong posisyon, nawa’y tularan natin ang kanyang pagbibigay prayoridad sa kapakanan ng mga mahihirap,” ani Rivera.
Binigyang-puri naman ni P. Quirico Pedregosa, O.P., rektor ng Central Seminary, si Auza dahil sa pagiging magaling na lider sa Simbahan.
“Mayroong matatag at magaling na pagkakakilanlan si Arsobispo Auza sa larangan ng Ecclesiastical Sciences,” ani Pedregosa. “Nagamit niya ito sa pagiging mahusay na diplomat ng Holy See.” Nag-aral si Auza sa Unibersidad noong 1977 hanggang 1986. Nakuha niya ang kanyang licentiate sa Pilosopiya noong 1981, at licentiate sa Teolohiya at masteral degree sa Edukasyon noong 1986.
Habang nag-aaral sa Central Seminary, nagsilbi si Auza bilang presidente ng mga seminarista sa Pilosopiya at sekretarya sa Central Board of the Seminary Senate.
Nang makapagtapos sa Unibersidad, nagtungo na si Auza sa University of St. Thomas (Angelicum) sa Roma at nakakuha ng licentiate sa Canon Law noong 1989 at doctorate sa Sacred Theology noong 1990.
Ani Pedregosa, si Auza ang ikatlong Tomasinong pari na naitalagang apostolic nuncio kasunod nina Arsobispo Osvaldo Padilla na nagsilbi sa Korea at Mongolia at Arsobispo Francisco Padilla naman sa Tanzania. Marie Danielle L. Macalino