TILA paghamon kaagad para sa kabubuo pa lamang na Crisis Management Team ng Unibersidad ang sunog na naganap sa Kolehiyo ng Edukasyon noong Agosto 28.
“Dahil sa sunog, nalaman natin kung saan tayo malakas at kung ano ang dapat nating ipagpasalamat, at kung ano yung mga kailangan pa nating pagtibayin,” ani P. Clarence Marquez, O.P., ang tagapangulo ng crisis team.
Ayon sa imbestigasyon na pinangunahan ng crisis team, nagsimula ang apoy sa isang air-conditioning unit ng silid ng mga samahan ng mga mag-aaral sa Kolehiyo ng Edukasyon.
Ala-una ng tanghali nang makita ng mga estudyante ang usok na nanggagaling sa silid.
Napagbigay-alaman kaagad nina Celestino Tiu ng tanggapan ng dekano at Ronald Balbin ng equipment room ang sunog na sumiklab sa ikalawang palapag ng gusaling Albertus Magnus.
Kasama sa mga naunang nagbigay-tulong sina Joey Lecaros at Justiniano Gultiano, mga gwardiya na nakahimpil sa Edukasyon, at si Virgilio Jardin, dyanitor ng gusali. Nakipagtulungan rin sina Michael Vindollo, laboratory assistant sa Main Building, at ang mga tauhan ng tanggapan ng Buildings and Grounds.
Tumugon rin ang Rajah Solaiman Club Fire Volunteers at San Lazaro Fire Department sa pagpuksa sa apoy.
Agad na isinuspinde ng Tanggapan ng Bise-Rektor ang lahat ng klase sa Edukasyon upang maiwasan ang mas malaking sakuna. Pinamunuan ng mga nakatataas na propesor ang mabilisang paglabas ng mga estudyante sa mga fire exits.
Kinumpirma ng crisis team na walang namatay o nasugatan sa insidente.
Maliban sa sunog, kasama ang baha at lindol sa mga sakunang paghahandaan ng crisis team, pati na rin ang mga malawakang pangyayari sa Unibersidad tulad ng Paskuhan sa Disyembre.
Kasama ang iba’t ibang tanggapan ng Unibersidad sa crisis team upang maging pangkalahatan ang aksyon.
Tumatayong pangalawang tagapangulo si Cristina Cabral, katuwang ng Rektor para sa student affairs. Miyembro naman ng komiteng pang-komunikasyon sina Secretary General P. Isidro Abaño, O.P., Prop. Augusto Aguila ng Office of the Secretary General, at Prop. Giovanna Fontanilla ng Public Affairs Office.
Kasama rin sina Clemente Dingayan ng Security Office para sa seguridad, Jose Cruz ng Office for Community Development, Dr. Ma. Salve Olalia ng Health Service para sa kalusugan, at Oliver Gagarin ng tanggapan ng Buildings and Grounds para sa pasilidad. Si Marquez din ang hahawak ng komiteng pang-transportasyon.
Ngayong panahon ng tag-ulan, nakagawa na ng plano ang crisis team.
Para sa maaantala ng baha, maaaring silang tumawag sa numero 811. Kaagad silang dadalhin sa Tan Yan Kee Student Center na magsisilbing pansamantalang silong ng mga mag-aaral at empleyadong naantala.
Kung kinakailangang magpalipas ng gabi, magbibigay ng sleeping mats at pagkain ang crisis team. Bubuksan na rin ang mga lagusan ng UST makalipas ang alas-10 ng gabi para sa mga magpapasundo.
Sabi ni Marquez, ang mga karanasan sa baha at ang pagsisikap ng nakalipas na administrasyon ang nagtutulak sa crisis team na pagplanuhang maigi ang mga maaaring sakuna. “Ang baha ay isang realidad sa UST. Dahil alam natin na may mga naaantala talaga tuwing tag-ulan, produkto ng karanasan ang paghahanda natin ngayon,” ani Marquez.
“Nagpapasalamat kami dahil isinasaayos na natin ang mga pagsisikap ng dating administrasyon para kung sakaling maranasan ulit natin ang mga sakuna, mas nakapaghanda tayo.”