HIGIT pa sa pagpirma ng mga academic memorandum of agreements, nakapaghain ng proposal ang Unibersidad kasama ang iba pang mga pamantasan sa labas ng bansa sa European Union (EU) Asia Link program upang magsama-sama sa isang pananaliksik.

Ayon kay Dr. Armando de Jesus, Vice-Rector for Academic Affairs, mapagtitibay pa lalo ng Unibersidad ang pakikipag-ugnayan nito sa mga kasaping pamantasan sa tulong ng saliksik na pinamagatang “Scientific Culture for Global Citizenship.”

“Hindi lamang tayo dapat maging isa sa mga magagandang unibersidad dito sa Pilipinas o sa Asya, gusto rin nating makilala tayo sa buong mundo, at isa ito sa mga paraan,” ani De Jesus.

Sa kasalukuyan, katatapos lang magbigay ng proposal ng Unibersidad kasama ang Unibersidad ng Porto at mga Unibersidad ng Avignon, France at Atma Jaya, Indonesia, sa EU Asia Link noong nakaraang buwan. Hinihintay pa kung maaprubahan ito.

Sinabi ni De Jesus na makatutulong ang pag-aaral sa pagpapalagap ng komunikasyon ng agham at teknolohiya sa publiko.

Ayon sa kanya, karaniwang hindi naisasapubliko ang mga scientific findings at research results ng mga unibersidad kaya hindi napapakinabangan ang mga ito sa pangaraw-araw na pamumuhay.

“Limitado ang gamit ng research kaya itinatago na lamang ang karamihan sa mga ito sa mga bahay aklatan,” sabi ni De Jesus.

Naging bahagi ang Unibersidad ng nasabing ugnayan dahil sa pagtugon nito sa tawag ng European Commission sa mga unibersidad sa Asya at Europa na maghain ng isang mungkahi para sa isang pananaliksik. Sinusuyod ng grupo ang mga rekomendasyon at pinagsasama ang mga pag-aaral na magkakawangis.

Sa ngayon, si De Jesus ang namumuno sa pagsulong ng proyekto dahil nasa unang yugto pa lamang ito subalit inaasahan niya na makakasama rin dito ang research center ng Unibersidad paglaon.

READ
A laptop for every kid

Bukod sa Asia Link, mayroon ding “Four Pillar Network” kung saan nagkaroon ng pag-uusap ukol sa pagbuo ng isang research group. Kabilang sa mga ito ang tatlo pang unibersidad na nakapangalan kay Santo Tomas—UST sa Minnesota, at sa Roma, at St. Thomas Institute sa Ukraine.

Sinabi ni De Jesus na kasama sa kanyang responsibilidad bilang Vice-Rector for Academic Affairs ang pagbuo ng academic links sa mga pamantasan dito sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa.

Umaasa si De Jesus na magiging pangmatagalan ang mga pakikipag-ugnayang ito.

“Tungo sa internationalization ng Unibersidad ang lahat ng mga pagsisikap na ito,” ani De Jesus. April Dawn Jennifer C. Adriatico at Edsel Van dT. Dura

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.