ILANG buwan bago isailalim ni Ferdinand Marcos sa batas militar ang Filipinas, pinag-uusapan na sa Unibersidad ang mga banta ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa bansa.

Sa katunayan, sa isang pagtitipon noong ika-18 ng Pebrero 1972 sa Unibersidad, ibinahagi ng kritiko ni Marcos na si Benigno “Ninoy” Aquino ang kaniyang pangamba sa napipintong pamahalaang diktadura.

Ayon kay Aquino, dapat maiging suriin ang layunin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) na pagbuklurin ang Hukbong Katihan ng Pilipinas, Hukbong Dagat ng Pilipinas, Hukbong Pamayapa ng Pilipinas, at Hukbong Himpapawid ng Pilipinas, at kolektibong tawaging Unified Defense Command.

Bukod pa rito, pinuna rin ng dating senador ang “pakikipagkaibigan” ni Marcos sa mga komunistang bansa tulad ng Tsina at Russia habang agad na pinarurusahan ang mga estudyanteng nangangaral tungkol sa komunismo.

Iginiit ni Aquino na malinaw na hakbang para sa militarisasiyon ng bansa ang mga ito.
Hindi natapos ang taong 1972, pormal na nagdeklara ng batas militar si Marcos noong Setyembre 1972. Bunsod nito, libo-libong mga mag-aaral, aktibista, at iba pa ang pinaslang o naging kabilang sa mga desaparecidos.

Tomasino siya

Sa loob ng ilang dekada sa hudikatura, napakarami nang naiambag ni Monina Arevalo-Zenarosa sa pagtatanggol at pagpapatibay ng karapatan ng mga Filipino.

Tinanggap niya ang kaniyang law degree sa Unibersidad noong 1959. Sa parehong taon, naipasa niya ang bar examinations sa edad na 20.

Ilan sa mga naunang gampanin ni Zenarosa ang pagiging election registrar sa Mercedes sa Camarines Norte mula 1964 hanggang 1966 at projects officer naman sa ilalim ng legal affairs ng Task Force on Human Settlements noong 1974.

Bilang kawaning taga-usig ng Lungsod Quezon mula 1975 hanggang 1990, ilan sa mga hinawakan niyang posisyon ang pinuno ng prosecution division, pili at espesyal na abogado sa taga-usig panlahat, at pangulo ng Committee on Legal Affairs sa Quezon City Consultative Council.

Taong 1990 nang magsimula siyang manilbihan bilang tagahukom ng regional trial court (RTC) sa Lungsod Angeles. Itinalaga siya bilang acting presiding judge sa RTC Branch 80 sa Lungsod Quezon noong 1992.

Sa parehong taon, ganap na siyang naging tagahukom ng Branch 76 ng Quezon City RTC at nanilbihan dito hanggang 2004.

Matapos ito, itinalaga ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Zenarosa bilang mahistrado ng Hukuman ng Apelasyon.

Dahil sa kaniyang makabuluhang ambag sa hudikatura, tumanggap na rin siya ng ilang mga parangal tulad ng Most Outstanding RTC Judge noong 2003 mula sa Citizens Anti-Crime Assistance Group at Volunteers Against Crime and Corruption.

Hinirang naman siya bilang Huwarang Ina para sa kategoryang batas at hudikatura noong 2009. Ipinagkaloob ito ng National Mother’s Day and Father’s Day Council at Ideal Parents and Family Foundation.

Isa si Zenarosa sa mga ginawaran sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong 2014.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.