MULING iaalok sa mga estudyante ng College of Education ang Bachelor of Secondary Education (BSE) in Filipino upang mapanatili ang pag-aaral ng wikang pambansa sa kolehiyo.
Ayon kay Roberto Ampil, tagapangulo ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad, magsisilbing kasiguraduhan ang pagbubukas ng kurso na mananatili ang Filipino sa kolehiyo kung sakaling mawala nga ito sa kurikulum ng mga mag-aaral.
“Kasi ang nangyari nga ay ang minimum requirement ng CHEd [sa general education curriculum o GEC] ay 36 units. Out of 36 units, walang Filipino. It happened na mabait ang University,” sabi ni Ampil. “Ayon sa Rektor, sinusuportahan niya ang Filipino.”
Magdaragdag ng dalawang taon sa high school ang K to 12 program o Enhanced Basic Education Act of 2013. Dahil dito, tatanggalin na ang siyam na yunit ng Filipino, kasama ang iba pang “introductory courses,” sa GEC ng kolehiyo at ililipat na lamang sa Grade 11 at 12 alinsunod sa Memorandum Order Blg. 20 Serye 2013 ng Commission on Higher Education (CHEd).
Binigyan din ng nasabing memorandum ang kalayaang pumili ng mga unibersidad ng kung alin sa Ingles o Filipino ang gagamiting wikang panturo.
Gayunpaman, 12 mag-aaral lamang ang pumili ng BSE-Filipino bilang kanilang major ngayong taon, taliwas sa polisiyang hindi bababa sa 20 mag-aaral ang kailangan upang mailunsad ang naturang programa.
“Ang inaalala [ng administrasyon] ay lugi ang University kasi nga ilan lang 'yung mage-enroll. Kaya talagang iginiit ko sa administration [na] kung hindi pa natin gagawin ito, kailan pa bubuksan?” sabi ni Ampil.
Namimili ng major ang mga mag-aaral sa Education sa kanilang ikalawang taon. Noong 2013, hindi natuloy ang pagbubukas ng programa dahil 15 lamang ang nagnais na kumuha nito.
Noong 2007 pa nang nagtapos ang huli at nag-iisang mag-aaral ng BSE-Filipino sa Unibersidad.
Ayon kay Ampil, mahinang kurikulum, mga guro, at marketing ang naging dahilan ng pagkawala ng BSE-Filipino sa UST, mga bagay na nilutas na ngayong taon sa muling pagbubukas ng kurso.
Ayon kay Jason Silo, isa sa mga kumuha ng BSE-Filipino ngayong taon, malaking pagkakataon para sa kurso ang muling pagbubukas nito.
“Gusto kong bigyan ng tiyansa na maipakita na ang Filipino ay karapat-dapat ding kunin bilang program. Kasi ‘yung ibang majors, punong-puno habang ‘yung mga Filipino majors, 12 lang. Baka kapag nakatapos na kami, ma-realize nila na kahit ang Filipino minamaliit, mabibigyan namin ng tyansa,” aniya.