Paggamit ng wika, mahalaga sa pagsusulat ng maikling kuwento

0
14117

BINIGYANG-DIIN ng mga batikang kuwentista ang kahalagahan ng tamang paggamit ng wika sa pagsusulat ng maikling kuwento sa idinaos na Haraya Manawari creative writing workshop noong ika-27 ng Abril.

“May problema ang wika ng panitikan natin lalo na sa Filipino kaya dapat ‘yung wika nagkakaintindihan para sa komunikasyon. Kapag ang wika mo pang-klasrum, walang magbabasa sa iyo,” wika ni Jun Cruz Reyes, isang premyadong kuwentista at kritiko ng panitikan.

Ayon pa kay Reyes, dapat may kasanayan ang manunulat sa wikang ginagamit niya upang epektibong maiparating sa mga mambabasa ang mensahe sa kaniyang kuwento.

“Kapag nagsulat kayo dapat nakikipag-communicate kayo. Kung ‘yung wika mo hindi naiintindihan ng nakararami, sinong magbabasa sa iyo? Ang manunulat dapat kalahati lang, ang kalahati naman ay reader dahil kung walang mambabasa, walang manunulat,” dagdag pa niya.

Para naman kay John Jack Wigley, dating direktor ng UST Publishing House, kahit may elementong pantastiko ang isang akda, mahalaga pa rin na nakaangkla ito sa realidad.

“Naniniwala ako na ang nagsusulat ay dapat may communion na inihahanda para sa isang nagbabasa,” sabi ni Wigley.

Binigyang-diin naman ni Chuckberry Pascual, dalubguro sa Fakultad ng Sining at Panitik, ang tinatawag na ‘consciousness of form.’

“Kahit maganda ang materyal mo pero kung hindi ka conscious kung ano ‘yung mga dapat mong sundin sa rules ng bawat genre kasi constraints din ang mga ‘yan e, papalpak yung akda.”

Tagpuan bilang salamin ng kultura

Iginiit ni Reyes ang kahalagahan ng pananaliksik sa pagbuo ng tagpuan sa paggawa ng isang katha.

“’Yung setting hindi lugar, culture [at] history ‘yun. Kapag inilalarawan mo ang tagpuan, dapat tao ang nakikita,” giit niya.

Paliwanag niya, hindi lang biswal ang paglalarawan ng tagpuan o karakter. Mahalaga rin ang paggamit ng ibang pandama.

Kasabay sa pagbubuo ng maikling kuwento ang pagpapaunlad ng mga tauhan.

“Ang character dapat hindi taong nagsasalita lang. Huwag din laging visual, gamitin ang ibang senses sa paglalarawan. Dagdagan pa ng nararamdaman,” paglalahad ni Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.