SUPORTADO ng mga Tomasino ang iba’t ibang programa para sa isang malinis na halalan sa 2010.
Mahigit 200 ang nagpasiyang maging “bantay ng bayan” o patroller sa darating na eleksyon matapos ilunsad ng ABS-CBN ang pagpapatala para sa “Boto Mo I-Patrol Mo” noong Agosto 18 sa UST Gym. Mabibigyan ang isang patroller ng pagkakataon na maisumbong diretso sa ABS-CBN ang mga anomalya sa kanilang komunidad hinggil sa nalalapit na eleksyon.
Kasabay ng pagpapatala, nagbigay rin ng maikling paliwanag sa Beato Angelico Building si Glenda Gloria ng abs-cbnnews/Newsbreak tungkol sa mga responsibilidad ng isang patroller.
Ayon kay Gloria, ang media ang magsisilibing sandigan at mata ng publiko sa darating na eleksyon.
“The media [have] become very powerful that people mistake [them] for the government,” ani Gloria sa mga Tomasinong dumalo. “Even the smallest concerns were being addressed to the media.”
Sa kabilang dako naman, “sobrang kakaunti” naman na Tomasino ang nagparehistro noong Agosto 18 sa “Tatakbo Ka Ba Ngayong Eleksyon?,” isang programa ng GMA Network kung saan isang fun run ang ginanap noong Agosto 30 sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ayon kay Maria Cecilia Cruz, pangulo ng Student Organizations Coordinating Council, ang kakaunting suportang natanggap ng proyekto ng GMA Network ay maaaring sa kadahilanang ito ay may bayad na P250.
“Sa totoo lang, that [P250] was costly kaya hindi siya bumenta sa mga Tomasino. It was not well promoted as well,” ani Cruz sa isang text message sa Varsitarian.
Ngunit hindi sapat na basehan ang kakaunting suporta sa proyekto ng GMA Network para sabihing walang interes ang mga Tomasino sa darating na eleksyon, ani Cruz. Jennifer Ann G. Ambanta