MAHIGIT dalawang milyong piso ang ibinigay ng UST sa mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” para sa pagsasaayos ng mga komunidad sa Visayas.
Sa pamamagitan ng Tulong Tomasino Para sa Visayas, ang proyekto ng Simbahayan Community Development Office na naglalayong tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad noong nakaraang taon, nagbigay ang Unibersidad ng P2,435,000 noong Abril at Mayo bilang parte ng ikalawang bahagi ng proyekto.
Mula sa naturang donasyon, inilaan ang P680,000 sa mga bagong bangka, lambat, at fish cage sa mga naninirahan sa Batan, Aklan.
Samantala, ang natirang P1,755,000 ay para sa pagpapagawa ng mga simbahan at paaralan sa mga bayan ng Hinolaso Dolores at Guiuan sa Samar; Alang-alang, Palo, Tolosa, at Tacloban City sa Leyte; at Capiz.
“Ang dahilan din kung bakit mga kapilya ‘yung mga nire-rehabilitate sa kanila, kasi sa mga community mahalaga ‘yung simbolo ‘nung parokya, ‘yung kapilya. Kasi kung makita lang ng mga tao na buo ‘yung kapilya, nagkakaroon sila ng lakas ng loob at pag-asa na pwede rin tayong bumangon,” ani Froilan Alipao, program coordinator ng Community Development.
Bukod pa sa pinansyal na tulong, kasama sa ikalawang bahagi ng mga donasyon ang 900 na toldang magsisilbing panandaliang tirahan ng mga nasalanta, 282 na solar lights, mga laruan, mga gamit sa eskuwela at mga damit.
Nagbigay na ang Unibersidad ng P1,946,358, kabilang ang relief goods at mga gamot, noong nakaraang taon para sa unang bahagi ng proyekto.
Ayon sa direktor ng Simbahayan na si Director Marielyn Quintana, ibinatay ng Unibersidad ang tulong na ibinigay mula sa mga mungkahi ng mga pamayanang nasalanta.
“Nag-meeting [sila kasama ang mga residente ng komunidad]. Sila nagde-decide kung saan nila ia-allocate ‘yung pera.” ani Quintana. Nagmula ang mga donasyon sa mga bumubuo sa Unibersidad, kabilang na ang mga Dominikong pari at partner institutions.