NAG-AARAL pa lamang ako sa elementarya, itinuro na ng aking mga guro sa aking murang kaisipipan na kilala ang mga Filipino sa pagiging hospitable o magiliw sa panauhin.
Makalipas ang isang dekada, masasabing kinikilala pa rin ng buong mundo ang mga Filipino sa malugod na pagtanggap lalo na sa mga turista.
“Most tourist-friendly” raw ang Pilipinas sa Asya ayon sa isang pag-aaral at survey na ginawa ng Top 10 of Asia, isang magazine sa Malaysia.
Ayon din sa Forbes magazine, ang mga Filipino ang isa sa mga least rude to tourists base sa survey na kanilang inilathala noong 2012.
Hindi maikakaila na nakatatak na sa ating identidad ang pagiging maasikaso, malambing at maalaga sa ating mga bisita. Ngunit sa kabilang banda, nakapagtataka na naparatangan din tayong ‘one of the most racist countries in the world.’
Ayon sa datos na inilabas ng World Values Survey, nakapailalim ang Pilipinas sa 20-29 percent bracket, o halos tatlo sa sampung Filipino ang racist.
Bagaman may isang Canadian professor na kumuwestiyon sa pagsagawa ng survey, ‘di maikakaila na talagang may biases tayo pagdating sa ibang lahi na ating nakasasalamuha.
Isang paksang malapit sa aking puso kung saan maaari akong makapagbigay ng personal na pananaw sa racism ‘di umano ng mga Filipino ay ang online gaming.
Dahil itinuturing na technologically-inclined ang ating henerasyon, marami sa kabataan ngayon ang nahuhumaling sa paglalaro ng computer games.
Ilang halimbawa ng online games ang Dota 2, kung saan Filipino ang pinakamaraming manlalaro sa Southeast Asia server ayon sa ulat ng Cyberland, at League of Legends, na may tinatayang 27 milyong manlalaro sa buong mundo. Sa Dota 2, nagkakaroon ng pagkakataong makalaro ang mga taga-ibang bansa gaya ng Singapore, Indonesia at Vietnam, kaya naman kapansin-pansin ang ugali ng karamihan ng mga Filipinong manlalaro nito na kapag may maling nagawa ang kaniyang teammate, sasabihan niya ito ng “bobo” at mumurahin kahit walang kasiguruhan na maiintindihan ito ng sinasabihan niya.
Bukod sa pagmumura, nasaksihan ko minsan ang isang kapuwa Filipino na nanglait ng abilidad ng mga kasama namin sa laro, na sa aking tantiya ay taga-ibang bansa base sa wikang ginagamit nila (ang mga taga-Singapore at Malaysia ay mahahalata mo sa paggamit nila ng “la” o “le”).
“Siguro ‘di ka Pinoy ‘no? Ang bobo mo mag-laro, eh,” sambit niya sa chatbox.
Kung sa bagay, kasama sa competitive gaming ang trashtalk at kung minsan, itinuturing din ito na stratehiya. Subalit, isang kasiraan sa pagkakakilanlan sa mga Filipino bilang ‘hospitable’ ang pangmamaliit sa kakayahan ng ibang lahi na maglaro.
Nakalulungkot isipin, lalo na’t karamihan sa mga manlalaro ay kabataang Filipino, na sa kanila pa magsisimula ang racism at kawalan ng galang sa kapuwa.
Siguro maliit na bagay ang pagmumura sa kapuwa kalaro, at sasabihin ng iba na hindi ganiyan makitungo sa mga kalaro ang lahat ng Filipino. Ngunit hinahamon kitang subukang maglaro ng nabanggit ko, sadyain mong pumalpak ng isang beses at tignan mo kung ano’ng sasabihin ng mga kalaro mo. Sinasalamin ng pakikitungo ng isang manlalaro sa kaniyang mga kalaro ang kaniyang pakikitungo sa labas ng laro. Kung ‘di maiwasan ng ating mga kabataan ang simpleng pagmumura sa chatbox, ano pa kaya ang mga mapanlibak at mapangutyang mga salita ang kanilang sasambitin dala ng kapusukan?
Sa kasalukuyan na unti-unti nang naglalaho ang hangganan ng mga bansa sa isa’t-isa dahil sa teknolohiya at globalisasyon, saka pa ba magiging racist ang mga Filipino?