PUMANAW ang kauna-unahang rektor na Filipino ng Unibersidad na si P. Leonardo Legaspi, O.P., arsobispo emerito ng Caceres, noong ika-8 ng Agosto sa UST Hospital sa edad na 78 anyos. Ito ay matapos ang ilang taong pakikipaglaban niya sa kanser sa baga.

Nagsilbing rektor ng Unibersidad si Legaspi mula 1971 hanggang 1977. Naging katuwang na obispo rin siya ng Maynila bago siya itinalagang ikatlong arsobispo ng Caceres sa Naga noong 1984. Nagsilbing aktibong arsobispo si Legaspi sa loob ng 28 taon hanggang sa magretiro siya noong 2012.

Pinamunuan rin ni Legaspi ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) mula 1988 hanggang 1991.

Ani Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nagsilbing inspirasyon si Legaspi para mas mapagtibay pa ang pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino dahil sa kanyang dedikasyon na maipalaganap ang katotohanang matatagpuan sa Salita ng Diyos.

Nagbalik-tanaw din si Villegas sa mga personal na alaala niya kasama ang yumaong arsobispo na nagtulak upang mas pagtibayin pa niya ang kanyang pananampalataya.

“Tinuruan niya akong mahalin ang katesismo. Habang buhay kong pahahalagahan ang pagtuturo niya kung paano ipahayag sa mga tao ang pagmamahal na ibinibigay ng Diyos,” ani Villegas.

Ayon naman kay Obispo Camilo Gregorio ng Batanes, maraming natulungan si Arsobispo Legaspi lalo na sa mga may bokasyon sa pagpapari.

Nagtapos ang arsobispong Tomasino ng licentiate at doctorate sa Sacred Theology noong 1962 at doctorate sa Philosophy noong 1975 sa Unibersidad.

Iniakda ni Legaspi ang aklat na Living the Episcopacy (UST Publishing House, 2013) na naglalaman ng kaniyang karanasan bilang arsobispo sa loob ng tatlong dekada. Ang kanyang librong The Church We Love ay gamit naman ng mga seminarista sa UST.

READ
CFAD professor pays tribute to Las Piñas Bamboo Organ

Ayon naman kay Teodoro Bacani, obispo emerito ng Novaliches, hindi lamang pinagpala si Legaspi kung hindi isa ring pagpapala sa Simbahang Katoliko.

“Maraming pinagpapala ngunit hindi lumalabas na pagpapala sa bayan. Naiiba si Arsobispo Legaspi dahil tinanggap niya ang mga biyayang binigay ng Diyos sa kanya at ibinalik ulit ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa Simbahan at sa sambayanan,” ani Bacani sa kanyang homiliya sa huling misa ng pagpupugay para sa yumaong arsobispo sa Dambana ng La Naval de Manila sa Lungsod Quezon noong ika-15 ng Agosto.

Ang Santa Misa ay pinangunahan ni Kardinal Gaudencio Rosales, arsobispo emerito ng Maynila.

Bago ang misa, binigyang pugay ng Unibersidad si Legaspi sa isang “funeral send-off” kung saan inilibot ang mga labi ni Legaspi sa loob ng Unibersidad at inilabas sa Arch of the Centuries habang tinutugtog ang himno ng Unibersidad.

Isinagawa rin ang isang necrological service na pinamagatang “A Thomasian Tribute” na dinaluhan ng mga Dominikano, kaparian, pamilya, at mga malalapit na kaibigan ni Legaspi.

Inilibing ang kaniyang mga labi sa Sanctuario de Santo Domingo pagkatapos ng misa noong Agosto 15.

Kasabay ng pagpanaw ni Legaspi ang ika-37 taon ng kaniyang episcopal ordination at ang kapistahan ni Santo Domingo de Guzman, tagapagtatag ng "Order of Preachers," ang ordeng kaniyang kinabilangan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.