Nasesentro lamang ang ating pag-aaral ng kasaysayan sa mga nasyonal na pangyayari. Ang mga lokal na nakaraan ay isinasantabi na lamang, marahil dahil likas na sa atin ang pagkasuklam sa ating kasaysayan. Kung susuriin, maaring ang isang estudyante ay bihasa sa kasaysayan ng Pilipinas subalit ignorante naman sa mismong kasaysayan ng kanyang pinaggalingan.

Ganito rin ang nangyayari sa ating lokal na panitikan. Naisasantabi natin ang mga lokal na kuwento, tula at sanaysay na maaring makatulong ng malaki sa kalinangan ng ating pambansang panitikan. Oo nga at puno ang mga libro natin ng mga epiko at kontribusyon ng mga iba’t ibang lahi subalit sa mga kontemporaryong akda, mas pinipili pa natin na basahin ang mga gawa ng iba kaysa sa ating mga kanayon.

Sa mga Ilokano, may Bannawag. Sa mga Hiligaynon, may magasing pampanitikan din sila. Ang mga ito ay maituturing na kapatid ng magasing Liwayway, na siya marahil ang natitirang popular na imbakan ng kontemporyang panitikan. Subalit dahil ang mga ito ay masasabing negosyo, hindi rin natin maikakaila na bumabagsak na ang kalidad ng mga ito upang matugunan lamang ang panlasa ng mga mambabasa.

Sa aming probinsya sa Abra, may taunang Don Quintin Paredes Literary Award. Isa itong pagpupugay sa mga Abrenong manunulat ng Iloko, bilang parangal sa dating presidente ng senado. Subalit, aaminin kong ang lahat ng mga kalahok nito ay nagmistulang nakakatawa dahil ang mga kuwento ay puno ng mga papuri (at pasipsip) sa aming gobernador (dahil apo ito ng yumaong senador) o di naman kaya ay basta maiekstra lamang ito, na para bang kulang ang kuwento kung wala siya rito.

Dahil ang ating bansa ay nahahati sa mga iba’t ibang grupo, mainam na linangin natin ang ating mga sariling anyo ng pagsusulat subalit hindi isasantabi ang pagpapayaman sa panitikan ng ating pambansang wika.

Tayo ay nagsasalita ng mga iba’t ibang wika. Natural, iba-iba rin ang mga pananaw natin sa buhay. At ano pa ba ang mas mainam kung isulat natin ang mga naiiba nating mga pananaw sa wikang mas madaling makapagpaliwanag nito? Sa pagsusulat sa ating wikang pambansa, maipadama natin ang ating pangkalahatang kamalayan. Sa pagsusulat sa ating mga katutubong wika, maipadama natin ang ating mga likas na kaisipan.

Ito rin ang nagiging problema ng pag-aaral sa pilosopiyang Pilipino. May mga pilosopong pilit na namimilosopo sa wikang Pilipino samantalang mas marami ang gumamit ng mga banyagang wika at konsepto. Isa ang nagsabi na kahit pa man legal na pambansang wika ang Pilipinas, kulang pa rin ito sa pagpapaliwanag ng pangkahalatang kamalayan.

Mainam at may programa ang Palanca Awards for Literature na nagbibigay-pansin sa mga manunulat ng mga lokal na wika. Subalit, ang mga pagkakakilala na dapat maibigay sa kanila ay malayo pa ring mararating. Maliban sa mga medalya na naigagawad sa mga ito ng mga iba’t ibang grupo, hindi pa lubos na nabibigyan ng kahalagahan ang mga ito ng nakararaming mambabasa. Ang magbasa ng Bannawag o Liwayway ay kalimitang pinagtatawanan, na ang karamihang tumatawa ay mga taong kahit pinagbabasa lamang ng limang pahina ay nahihimatay na.

At dahil sa kakulangan ng pansin sa mga natatanging lokal na manunulat, nawawalan na rin ng gana ang mga ito na magsulat. Noong nagpunta ang aming klase sa Aklan, nakita ko ang batikang manunulat na Aklanon, si G. Roman de la Cruz, na lolo ng aking isang kaklase. Nagbigay ito ng kanyang mga libro sa amin at maniwala ako kung may isa sa amin ang may ganang magbasa ng mga ito. Naalala ko siya dahil may nabasa na akong mga kuwento niya. Kahit kabilang siya sa mga matatandang henerasyon ng mga manunulat, ang mga kuwento niya ay kakakitaan pa rin ng matunog na paghabi ng mga metapora at realismong hindi mo makikita sa mga binibiling magasin. Sayang nga lang at hindi ko siya nakausap. Marahil, isa siya sa mga nakalimutang lokal na manunulat na maaring mas malaki pa ang naiambag sa kabubuang pambansang panitikan.

* * *

Subalit bago tayo maglakbay sa mga pangarap na ito, matuto muna tayong magbasa …

Montage Vol. 6 • August 2002

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.