I. Lungsod
Sardinas na kulong
Ang pag-ibig sa lata
Masarap sa panlasa,
Magaan sa bulsa.
II. Baywalk Blues
Habang naglalakad sa Baywalk,
Maraming anino ang binasa sa night talk
Anong oras na? Alas dose na sir
Ang mahal naman. E di bababaan
III. Pulitiko
Ang lalaking iyon, bintog ang tiyan
Marahil isang tanghalian ihinain
Sa kanya ang basura ng Baseco,
Ang trapik ng Sampaloc, ang simbahan
Ng Quiapo, ang mga pagawaan
Ng pekeng diploma sa Recto.
Isinawsaw muna niya ito sa mga kanal
At estero saka buong lugod na kinain.
IV. Sagot ng Pulitiko
Tuwina sa Quiapo bridge ang pagtawag
Ng ilog, “Halika’t halukayin ang kasaysayang
Nakatago sa aking lalim.”
Tuwina ang pagtanggi ng aking isipan.
Montage Vol. 9 • February 2006