“Gising na! Mahuhuli ka sa klase mo!”

Magtatanghali na ngunit hindi pa rin siya tumatayo sa kinahihigaan. Hindi na siya nasanay. Mula nang pumanaw ang nanay namin palaging ganito ang eksena tuwing umaga. Akala ko’y magbabago siya ngunit lalo pang lumala ang mga ginagawa niya.

Halos umaga na siyang umuwi kanina, lasing at kung anu-anong kaingayan ang ginawa niya na tila walang pakialam sa mundo, mabuksan lang niya ang pinto. Sinadya kong isara ito para malaman ko kung anong oras siya umuuwi. Hindi na niya iniisip na nandito ako sa bahay at nag-aalala sa kanya. Pasalamat siya at parehong hindi kami kinilala ng aming mga ama at kung hindi ko lang siya kapatid kay Mama, marahil pinabayaan ko na lang siya sa kalye.

May klase pa siya mamaya at tila walang balak tumayo. Sayang lang ang pag-papaaral ko sa kanya. Sana’y tapos na siya ngayon at nakakatulong sa akin kung hindi lang siya tumigil. Pati personal kong buhay kinalimutan ko na, magampanan ko lang ang inihabilin ni Mama.

* * *

Napanaginipan ko na naman si Mama. Umiiyak siya at may sinasabi sa akin ngunit hindi ko ito maintindihan. Ang tanging malinaw lang sa kanyang mga salita ay nang banggitin niya ang pangalan ni Kuya Jeff. Naputol ang lahat nang marinig ko ang tawag at malakas na katok sa pintuan ni kuya. May klase pa pala ako mamaya.

Ayaw ko munang tumayo. Masakit pa ang ulo ko. Nakadagdag pa sa sakit ang panaginip ko, hanggang doon pa pala’y si kuya pa rin ang paborito ni Mama. Mula pagkabata siya na palagi ang binabanggit niya sa tuwing pagalitan ako. Bakit hindi ko daw siya tularan, responsable at mabait, walang gulong pinapasukan at mahinahon, hindi tulad ko na panay lakwatsa, away, at barkada ang laman ng isipan.

“Andiyan na! Sandali lang po!”

Hindi ko sana sasagutin ang tawag niya subalit bigla na lang itong lumabas sa aking bibig marahil sa pinaghalong inis at sakit ng ulo. Siguradong sermon na naman ang aabutin ko dahil medyo naka-inom at inumaga ako ng uwi kanina.

* * *

Sa wakas, lumabas din siya. Pagsasabihan ko sana siya subalit bago ako makasigaw, nakita ko ang kanyang hitsura. Bakas sa kanyang mukha ang matinding sakit ng ulo at kawalan ng tulog, pumayat at tila bumagsak ang katawan niya sa lupa. Alam kong kasalanan niya iyon subalit imbes na magalit, naaawa ako sa kanya.

“Kain na.”

Gustuhin ko mang pangaralan siya, hindi ko magawa, nangingibabaw pa rin ang aking awa. Pag-upo niya sa tapat ng mesa’y wala siyang imik at namumutla habang tinitingnan ang almusal sa kanyang harapan. Iniabot ko sa kanya ang tinimpla kong kape. Huwag muna siyang pumasok kung masakit ang pakiramdam niya, sabi ko.

Napatingin siya sa akin at tila naninibago sa aking inaasal.

* * *

Inihanda ko ang sarili sa pagbukas ng pinto. Alam kong pangaral at sermon na naman ang aabutin ko. Akmang tatanggapin ko na sana ang mga sigaw ng aking kuya, bigla na lamang sumakit ang ulo ko. Hindi ako makatayo nang tuwid, tila hinihigop ng sahig ang katawan ko sa sobrang bigat. Nanlalambot ako at hindi ako makapagsalita. Magpapaliwanag sana ako kay kuya subalit hindi ko kayang ibuka ang aking bibig.

Naghanda pala siya ng almusal. May sinasabi siya subalit hindi ko naiintindihan, sabay iiniabot sa akin ang kape. Gusto kong kumain subalit hindi ko maigalaw ang aking mga kamay upang abutin ang naghihintay na pagkain sa aking harapan. Tiningnan ko siya habang tahimik niyang hinihigop ang kape at mabilisang binabasa ang diyaryong nasa harapan, taliwas sa inaasahan kong sigaw at walang katapusang sermon.

* * *

Ayon sa orasan sa taas ng pintuan, mag-aalas nuwebe na. Kailangang maaga akong papasok. Tinapos ko lang na basahin ang mga mahahalagang balita sa diyaryo at tumayo na ako. Kinuha ko ang aking bag at inilabas ko ang pitaka, binigyan ko siya ng pera.

“Baka gabihin ako mamaya,” paalala ko sa kanya. “Kung may kailangan ka, tawag ka na lang.”

Hindi ko na siya hinintay pang sumagot. Dali-dali akong lumabas sa pinto at baka mahuli pa ako. Habang isinasara ko ang gate, bumalik sa aking alaala ang aming yumaong ina. Bago siya namatay, ipinagbilin niya sa akin si Julius. Malinaw na malinaw iyon. Kaming dalawa na lang ang maiiwan dito sa mundo. Ngunit heto ako, iiwanan ko siya sa oras na kailangan ako.

* * *

Umalis na si kuya. Hindi man lang niya naisipang itanong kung ano ang kalagayan ko. Akala niya siguro matutumbasan ng pera ang mga problemang ito. Akala ko rin ay maiibsan ng alak ang problema ko. Kahit pala balde-baldeng alak ang inumin ko, ganoon pa rin ang kalalabasan, problema rin.

Minsan, naitanong ko na sa sarili kung ano ba talaga ang problema ko. Nag-aaral naman ako, may mga kaibigan, at simpleng buhay. Ngunit parang kulang.

Sa tuwing nagpapalipas ako ng oras sa bahay ng mga kaibigan, napapansin kong kakaiba pala ako. Pinalaki sila ng mga magulang. May tatay at nanay sa kani-kanilang mga bahay. Iyon marahil ang kulang sa buhay ko, isang pamilya.

Sa pagka-inip, hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras. Dapat sana’y nasa paaralan pa ako, dahil sa sakit ng ulo ay nandito ako sa bahay, walang magawa.

* * *

Natambak na pala ang mga trabaho ko. Pagod na nga ang utak ko sa bahay, pagod pa ang katawan ko dito sa opisina. Sa loob ng araw-araw, ganito palagi ang ginagawa ko. Paulit-ulit, walang palya maliban na lang kung may bagyo o nagkakasakit ako.

Malungkot din pala ang nag-iisa ka sa opisina. Parang kailan lang nang matanggap ko ang posisyong ito. Dati, nandoon ako sa labas at may kanya-kanyang mesa kami ng mga kasamahan ko. Ngayon, nag-iisa ako.

Kamusta na kaya si Julius? Mag-aalas dose na, kumain na kaya siya? Marami pa namang natirang pagkain sa ref, o magpa-deliver na lang kaya ako?

“Sir, lunch na po,” paalala ng sekretarya ko.

“Hindi ko pa nararamdaman ang gutom, tatapusin ko muna ang mga ito,” sagot ko sa kanya. Nginitian lang niya ako’t nagpaalam; kakain daw siya sa labas. Pagsara ng pinto, tumawag ako sa bahay. Habang hinihintay si Julius na sagutin ang telepono, naisip ko na baka nagpapahinga siya. Ibinaba ko na lang at baka maistorbo ko pa siya.

* * *

Paakyat na sana ako sa kuwarto pagkatapos kong kumain nang marinig kong tumunog ang telepono. Hindi ko na sana sasagutin pa ang tawag subalit ilang beses na itong nagri-ring. Pinilit kong ihakbang ang mga mabibigat kong paa papunta sa sala. Umupo ako sa sopa at iniangat ko ang telepono.

“Hello;” sagot ko.

Sa halip na boses, busy tone ang narinig ko. Siguro’y manloloko lang, isang taong walang magawa sa buhay. Saglit akong napapikit at nag-isip. Isa rin pala akong taong walang magawa sa buhay. Nag-aaral nga, hindi naman sineseryoso. At pabigat lang ako kay Kuya, pinagwawalang-bahala ko lang ang mga ginagawa niyang kabutihan sa akin.

At gaya ng ibang taong walang magawa sa buhay, matutulog na lang ako. Sana sa pag-gising ko tapos na ang lahat ng ito. Sawa na ako sa ganitong buhay.

* * *

Sa wakas at natapos na rin.

“Hazel, paki-ayos nga ang mga ito,” utos ko sa aking sekretarya.

Kailangan na ng presidente ang mga dokumentong iyon kaya sinabihan kong bilisan ang pagsasa-ayos at nang maibigay na. Unti-unting nawawala sa aking harapan ang mga naka-imbak at magulong papeles sa mesa ko. Batid kong kailangan na ng kompanya ang mga iyon kaya minadali ko ang pagtatrabaho.

Nang maibigay na ni Hazel ang mga papeles sa kabilang opisina, pinagtimpla niya ako ng kape at iniabot sa akin.

“Salamat,” mahinang sambit ko.

Isang matamis na ngiti ang isinukli niya. Natigilan ako ng panandalian. Tiningnan ko ang kalendaryong nakapatong sa aking mesa.

July, 2002—kaarawan ko na sa susunod na buwan, bente-sais na ako. Kung tutuusin, maaari na akong lumagay sa tahimik, maaari na akong magpakasal, magkaroon ng sariling pamilya. Pero hindi ko na iniisip iyon, may pinapa-aral pa ako at kailangan kong tuparin ang mga pangako ko kay Mama.

Hindi na nga ako nakatulog kagabi sa kahihintay kay Julius, hindi pa kayang labanan ng kape ang aking antok.

* * *

Nasaan ako? Bakit ako nandito?

Madilim ang buong paligid, hindi ko kilala ang mga tao, hindi ko alam ang lugar na ito. Pinilit kong tumayo mula sa lupa subalit hindi kaya ng katawan ko. Lahat ng tao ay walang pakialam sa akin, tila hindi nila naririnig ang aking mga sigaw. Namataan ko sina Jasper.

“Pare, tulungan n’yo naman ako,” sigaw ko sa kanila.

Ngunit hindi nila ako naririnig, patuloy pa rin sila sa paglalakad. Nang mapadaan sila sa aking harapan, bigla na lang silang tumigil at pinagtawanan ako. Pumikit ako’t sumigaw nang sumigaw hanggang sa naglaho sila. May lumapit na lalaki, medyo may edad na at kahawig ko, dahan-dahan niya akong itinayo.

“Itay?” tanong ko sa kanya.

Sa halip na sumagot, tiningnan niya ako sa mata. Kitang-kita ko ang mga nanlilisik niyang mga mata. Biglang bumuhos ang malakas na ulan at itinulak ako. Napa-upo ako sa putikan, pinilit kong tumayo upang gumanti sa kanyang pagtulak sa akin at para na rin kay Mama.

Ngunit biglang may tumawag sa pangalan ko: si Mama. Masayang tumatakbo papalapit sa akin. Niyakap niya ako’t tinulungang makatayo sa putikan. Naputol ang lahat ng isang nakakasilaw na ilaw ang tumambad sa aming harapan. Hinihigop nito ang lahat ng taong mahagip. Sa pagkagulat ko’y nakaligtaan ko si Mama. Napansin kong pati ako’y hinihigop na ng ilaw.

“Kuya!” sigaw ko. Bigla na lang itong lumabas sa aking bibig at namalayan ko na lang na may kamay na humihila sa akin papalayo sa nakakasilaw na ilaw.

Naputol ang lahat nang marinig ko ang telepono. Nagising ako at dali-daling sinagot ang tawag. Habang iniaangat ko ang telepono, napansin kong may luhang tumutulo sa aking mga mata.

“Hello?”

* * *

Ano ito? Bakit madilim ang paligid? Nakakasalubong ko lahat ng mga tao, parang ayaw tumigil ng mga paa ko sa paglalakad.

Nasaan ako? Nagtanong ako sa mamang nakasalubong ko subalit hindi niya ako pinansin, naglakad lang siya papalayo sa akin. Nakita ko ang mga kaibigan ni Julius, nagkakasiyahan sila. Akala ko’y kasama nila ang kapatid ko ngunit nang lapitan ko sila, bigla na lang umalis.

Naglakad ako tungo sa pinagmulan nila, baka sakaling naiwan siya doon. Sa pagmamadali ko’y nabunggo ko ang isang pamilyar na lalaki. Natigilan ako’t tiningnan ko siya ng mabuti. Kahawig niya si Julius, sigurado akong siya ang ama ng kapatid ko.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan nang tinanong ko kung nasaan si Julius ngunit imbes na sumagot, bigla na lang siyang tumawa ng malakas. Iniwan ko siya sa lugar na iyon, tila wala naman akong aasahan sa kanya. Hindi ko maipaliwanag kung bakit hinahanap ko ang aking kapatid. Kahit na hinihingal ako sa sobrang pagod, hindi pa rin ako tumutigil sa pagtakbo.

May nasilayan akong isang nakakasilaw na liwanag sa dulo ng aking patutunguan. Bumibilis ang tibok ng puso ko habang papalapit ako sa liwanag na iyon. Napatigil ako sa pagtakbo nang biglang may tumawag sa akin. Boses ni Mama ang narinig ko. At pag-angat ng ulo ko’y nasilayan ko si Mama, humihingi ng tulong.

“Kuya!” narinig kong may tumawag sa akin.

Nabaling ang tingin ko sa liwanag. Si Julius, unti-unting hinihigop ng liwanag. Tumakbo ako at hinila ko siya papalayo dito.

Subalit bigla na lang naputol ang lahat nang gisingin ako ni Hazel. May ipinabibigay na papeles sa akin ang presidente ng kompanya. Pagkalabas niya sa aking opisina, nabaling ang tingin ko sa labas ng bintana. Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip na iyon? Napaisip ako’t mabilis akong tumawag sa bahay.

“Hello, Julius,”

* * *

“Kuya, napatawag ka?”

“Wala lang, kumusta na? Masakit pa rin ba pakiramdam mo?”

“Hindi na po, nakapagpahinga ako kanina.”

“Mabuti naman, may kailangan ka ba? Baka maaga akong umuwi, natapos ko na mga trabaho ko dito.”

“Wala naman po, maghihintay na lang ako dito.”

“O sige, mamaya na lang.”

* * *

Pagkababa ko ng telepono, napansin kong biglang gumaan ang aking pakiramdam. Bumalik ang lakas ng katawan ko. Uuwi daw ng maaga si Kuya, kaya minabuti kong linisin ang bahay kahit papaano’y makagaan pa ako sa trabaho niya.

Matagal na ring hindi nalilinisan ang bahay na ito. Kaming dalawa na lang ang nakatira rito at wala kaming oras upang alisin ang mga kalat at ayusin ang buong paligid. Masyadong natuon ang oras ko sa barkada, nakalimutan kong nagta-trabaho pala si Kuya at wala siyang panahong gawin ang lahat ng ito. Iniwan ni Mama ang bahay, siguradong magagalit siya kung papabayaan na lang namin ito. Mahalaga para kay Mama ang bahay na ito, matagal niya itong pinaghirapan at kung ano-anong trabaho ang kanyang pinasukan, mabigyan lang kami ng maayos na matitirhan.

Hindi ko napansin na marami na akong nalinis, at sandali na lang ay uuwi na si Kuya. Naisipan kong maghanda ng hapunan at magiging espesyal ang gabing ito. Sa pag-iisip ko ng isang buong araw, maraming nasagot sa mga katanungan ko. Napatunayan kong may pamilya pa rin ako. Kung saan-saan ako naghanap, kung kani-kanino ako nagtanong. Iisang tao lang pala ang hinahanap ko sa mahabang panahong iyon, hindi ang aking ama na tinalikuran ako, maging ang inakala kong kaibigan na tutulong sa akin. Si Kuya Jeff lang pala.

* * *

Pagkababa ko sa telepono, nagmadali ako sa aking mga gawain. Matagal ko nang hindi nakaka-usap ang aking kapatid. Marahil ito na ang tamang panahon upang mag-usap masinsinan, kung ano talaga ang nais naming gawin sa buhay. Simula pagkabata, hindi pa kami nagkakaroon ng oras para sa isa’t isa dahil mas malaki ang atensiyong ibinibigay ko sa pag-aaral samantalang siya naman ay sa mga kaibigan.

Sa paglalakad ko pauwi, naalala ko ang aming yumaong ina. Noong nabubuhay pa siya, pagka-uwi ko galing eskuwelahan, madalas kong madatnang pinagagalitan niya si Julius dahil sa mga kalat sa loob ng bahay. Mahalaga kay Mama ang bahay na iyon. Minsan, binalak kong maglinis ng bahay pagkatapos ng trabaho ko ngunit pagka-uwi ko, naramdaman kong hapong-hapo na ang aking katawan at hindi na kayang gawin pa ang naunang binalak. Kay Julius ko na lang sana ipapagawa iyon subalit alam kong hindi niya rin ito gagawin kaya pinilit ko na lang ang sarili kong maglinis.

Malapit na ako sa bahay, alam kong hinihintay na ako ni Julius. Dati pinapangarap kong magkaroon ako ng sarili kong pamilya na uuwian at maghihintay sa akin pagkatapos ng trabaho. Masyadong natuon ang atensiyon ko sa aking kapatid kaya pati personal kong buhay ay nakaligtaan ko na. Hindi ko namalayan na ang pinapangarap kong pamilya ay nandito lang sa loob ng bahay, wala sa mga kasamahan ko sa kompanya, lalong hindi rin ang sekretarya ko. Si Julius lang pala.

Montage Vol. 6 • August 2002

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.