Para sa taong nagnanais pasukin ang larangan ng panitikan, musika o performing arts, ang paghahanap ng bagong paraan upang maipahayag sa mundo ang mga katha at boses, ay minsa’y nangangailangan ng isang mainam na lugar kung saan higit niyang mailabas ang kanyang damdamin at ideya.

“Kadalasan, pumupunta ang isang manunulat sa isang lugar na matatawag niyang tahanan, kung saan niya makikita ang mga taong kapareho niya ng hilig. Dahil sa sense of belongingness, mai-inspire siya,” ani Nerisa del Carmen Guevara, isang propesor ng Faculty of Arts and Letters na kamakailan lamang tumanggap ng gantimpala mula sa Catholic Mass Media Awards para sa kanyang album na pinamagatang Reaching Destination.

Ayon sa kanya, nakakaapekto ang lugar kung saan nalikha ang isang kwento o tula sa temang ipinapahayag nito. Ngunit imbes na maghanap ng isang lugar na tahimik, tila mas nagiging angkop ang ingay at amoy ng mga bars at kainan upang mas lalong makahikayat ang isang artist, maging sa visual, performing o written, sa kanyang sining.

Tambayan ng mga makata

Pagpasok mo pa lamang sa pasilyo ng Conspiracy Bar sa may Visayas Avenue, sasalubungin ka kaagad ng isang malagong hardin at tunog ng pagbagsak ng tubig sa man-made waterfall at mga katutubong musika mula sa loudspeaker.

Isa sa mga dinarayong lugar ng mga taong mahilig sa musika ang Conspiracy Bar na itinatag mismo ng mga kilalang musikero na sina Joey Ayala, Cynthia Alexander, Noel Cabangon, Cookie Chua, Bayang Barrios, at Gary Granada.

Sa katunayan, gusto lamang nilang magkaroon ng isang tagpuan ng mga tulad nila kung saan nila pagyayamanin at ipagdiriwang ang buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang klaseng sining.

Ayon kay Tuesday Aguinaldo, isa sa mga tagapamahala ng Conspiracy, naglalaan sila ng isang natatanging gabi para sa mga composers, writers, painters o di kaya’y mga filmmakers.

May bawat araw din kung saan ang mga may-ari mismo ang nagtatanghal.

“Madalas akong mag-perform dito tuwing Biyernes, “ sabi ni Ayala. “Nandito si Gary tuwing Lunes, si Noel kapag Miyerkules, si Cookie tuwing Huwebes, at si Cynthia o si Bayang kapag Sabado.”

Matatawag na pugad ng mga may hilig at pagmamahal sa sining ang Conspiracy. Ito’y marahil sa nakapanghihikayat nitong aura para sa isang tao na lumikha ng sining maging tula man ito o isang awit.

Dahil sa “Writers’ night,” na nagaganap tuwing Martes, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga manunulat, maging baguhan man o kilala, na basahin ang kanilang obra sa harap ng maraming tao. Sinusundan naman ito ng Rengga, isang Japanese word na nangangahulugan dugtungan ng mga berso na ginagawa ng maraming tao para makabuo ng isang tula at dinadaluhan ng mga kilalang manunulat tulad ni Guevara.

“If you want to be with artists, you go to Conspiracy,” ani Guevara. “It is a place made by and for artists. It is a place where you can sit down and renew your love for art—may it be for music, visual art and even literature.”

Para naman sa mga visual artists, naglalaan din ang Conspiracy ng exhibit kung saan nila maaaring ipakita ang kanilang mga gawa.

Higit pa sa isang bar ang Conspiracy—isa itong “oasis” na nagsisilbing daan upang buhayin ang unti-unting namamatay na pagmamahal sa ating sariling sining at kultura.

Tamang formula sa pagsusulat

Nagmistulang naligaw sa gitna ng samu’t saring tindahan ng mga sapatos ang Bellini’s, isang Italian restaurant na matatagpuan sa kaloob-looban ng Marikina Shoe Exchange.

Kung ang Conspiracy dinarayo dahil sa programang sakto sa mga pangangailangan ng isang artist, ang Bellini’s naman dinarayo dahil sa masarap nitong pagkain.

Sa unang tingin, parang tipikal na kainan lamang ang Bellini’s ngunit sa kabila ng panlabas na anyo nito, nakatago sa loob ang isang tunay na Italian restaurant. Maliban sa mga dekorasyong tila magdadala sa iyo sa Italy, makikita rin sa loob ng restaurant ang ilan sa mga kuha ni Robert Bellini, isang dating photographer ng isang Italyanong pahayagan, sa mga sikat na European at Hollywood stars.

Ayon sa namayapang si Doreen Fernandez, isang kilalang experto at manunulat sa larangan ng pagkain, ang Bellini’s ang isa sa mga naging inspirasyon niya para maisulat ang ilan sa kanyang mga libro tulad ng Lasa: A guide to 20 Baguio and Metro Manla Restaurants at Sarap: Essays on Philippine Food.

Kape, kwento at sine

Isang dating bodega lamang noon ang dating kinatatayuan ng Round Eye Glass. Ngunit nang ayusin ito ni Norly Lalo at ng kanyang mga kaibigan, naging isang bar na may mini theater-arena kung saan pwedeng magpalabas ng mga short independent films.

“Bilang isang independent filmmaker, problema ko talaga kung saan ako makakahanap ng venue para sa mga pelikula ko,” sabi ni Lalo.

Ngunit maliban sa mala-sinehan nitong hitsura, mayroon ding lugar kung saan nagtatanghal ng poetry reading at album launching ang Round Eye Glass.

“Masarap gawin dito ‘yung poetry reading kasi lahat ng tao nakatingin sa iyo,” sabi ni Lalo. “Forty seating capacity lang at bleachers style pa yung mga upuan kaya may eye contact. Wala silang option. Mayroon kasing mga taong seryoso tumula na kapag walang nakikinig sa kanila, nagdadabog o nagagalit. Hindi kasi naman ginawa nila yung tula para lang tumula at mapakinggan, galing (sa puso) iyon e.”

Naglalaan ang Round Eye Glass ng tulong sa mga manunulat, nagsisimula pa lamang o batikan, sa pamamagitan ng pagbebenta ang mga libro nila.

Manunula sa Malate

Isa nang henerasyon ng mga Filipinong manunulat, musikero at biswal na pintor ang lumaki na kasama ang Penguin Café Gallery sa may Remedios circle sa Malate.

Simula dekada otsenta hanggang nobenta, dinarayo ang Penguin Café ng mga taong galing sa alternatibong lipunan upang magdiskusyon ng mga ideya, makipagkwentuhan sa kanilang mga kaibigan at kilala sa mundo ng sining, magpahinga galing sa trabaho o magtanghal ng mga poetry readings at art exhibits. Subalit sa pagpasok ng komersyal na negosyo sa Malate tulad ng mga karaoke bars, unti-unti nang nasapawan ang sining at kulturang naitaguyod na ng Penguin Café.

“Importante ang mga lugar na ito, kasi kahit hindi siya commercially viable, ginagawa natin ng paraan na buhayin ito kasi walang boses ang mga alternatibo,” ani Butch Aldana, ang namamahala ngayon ng Peguin Café.

Tanyag na mga skulptor at pintor katulad nina Santiago Bose at Gus Albor, isang respetadong pintor ng abstract expressionism, ang ilan lamang sa mga artist na nakapag-exhibit na sa Penguin Gallery. ‘Di gaya ng mga ibang art galleries kung saan pinagbabayad ang mga nag-eeksibit o tumutugtog, sa Penguin, walang bayad.

“Pero kung titingnan mo yung mga taong nag-exhibit na dito, tanyag nang mga pintor at eksperto sa kanilang bokasyon,” ani Aldana.

Ang mga musikero tulad nina Mishka Adams, Pinikpikan (kung saan miyembro rin si Aldana) at Joey Ayala ay nakatugtog na dito.

“Basta ang importante, maipakilala ang mga ganitonglugar sa mga kabataan tulad ninyo, dahil kapag hindi niyo sinoportahan ito, mamatay ang alternatibong lugar na ito,” dagdag ni Aldana. “Believe me when I say that you need culture and arts more than food. Ito ang mali sa ating mga Filipino, wala tayong sense of culture. Kung gusto natin ng sense of identity, pagtuunan muna natin ng pansin ang ating kultura.”

Kakaiba man sa paningin ng iba, maaari rin maging tahanan ng mga maka-sining ang mga bars at mga restaurants sa kabila ng ingay at gulo dito. Mapasaan man, walang anumang nakapipigil sa isang artist upang maipakita ang kanyang sining gaano man kagulo, kaingay o kadilim ang kanyang kinalalagyan.

Montage Vol. 9 • February 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.