Hanggang kailan kaya magtatagal itong pagpapasan ko
Ng daigdig?
Ilang milyong taon kong tinitiis ang pangangawit ng aking mga balikat at
kamay, habang namamanhid na ang mga tuhod ko.
Mula nang iniatas ni Zeus na matagumpay,
Ang pagparusa sa kaniyang mga nalupig na kalabang Titan.
Kasama ako sa mga sawim-palad na ito,
Na tanging kasalanan ang pumanig sa ama
nitong Hari ng Olimpo na nagnanais na manatiling
Puno ng Santinakpan.
Dati naming tinatamasa ang buhay-poon:
Lumulutang sa kawalan, kaharian ang kalawakan.
At nasusunod ang bawat utos at layaw.
Subalit ngayon, ano pa ba ang halaga nito sa akin
kung buong daigdig ang nakapatong sa mga balikat ko.
Habang nakatayo sa pagitan ng ilaw at dilim, araw at gabi,
Balot ng mga ulap ng pighati at paghihirap.
Hindi na lamang sana ako naging isang diyos.
Montage Vol. 10 • December 2006