Isang karaniwang tao si Kulasfiro,
sinusunod ang pangaral ng ina,na ganito:
“Igalang mo,ang iyong kapwa.”
“Igalang ang karapatan ng mga dukha.”
“Sumunod sa umiiral na batas
ang katwira’t katotohana’y sindihan ang ningas.”
“Sumunod sa pinaniniwalaang mithin
ipaglaban ang marangal na layunin.”
“Sundin silang mga nakatataas
lalo na ang patnubay ng nasa ITAAS.”
Naging matapat at masunurin si Kulasfiro
bilang isang anak at karaniwang tao.

Pero lumaki siyang kakaiba ang paligid
ang ibang kapwa tao’y mababangis at malulupit.
“May batas para sa mayayaman,
ang batas sa mahihirap,ipinagkait sa hukuman.”
“Ang lantay na katwiran at katotohanan
ay tinatakpan ng laksang kasinungalingan.”
“Sa alagad ng batas,marami ang natatakot,
gayong sila ang nagtatanggol sa mga taong binubusabos.”
“Umiiral ang batas ng malalakas
sa halip na umiral ang lakas ng batas.”
Kaya’t lumaki si Kulasfirong sinusuway
ang mga maling batas na umiiral.

Natagpuan isang araw ang sarili
nasa ilalim ng puno at nagdili-dili.
Hanggang sumama sa kapwa sumusuway,
sa himagsikan sa lansangan at sila’y magkakaakbay.
Humihiyaw ng kalayaan at katarungan
para sa maraming nilalapastangan ang karapatan.
Nanatili pa rin ang kanyang bait at hinahon
sa bumabangis na kautusang tila apoy na gumagatong.
Dumami nang dumami ang Kulasfiro sa talaan
ng ahensiyang naniniktik laban sa pamahalaan.
Itinala silang “terorista” (na noo’y tulisan at bandido,)
ng mga inutusang sa kanila’y maging berdugo.
Ngayo’y nakatakdang ang katulad nila’y lipulin
ng kautusang lahat ng rebelde’y puksain.
Sinunod lamang ni Kulasfiro ang pangaral ng ina
na igalang ang kapwang naghahanap n hustisya.
Hindi niya sinuway ang magulang na totoo,
sinuway lamang niya ang kautusan ng pangulo.
Ngayo’y nakilala si Kulasfiro-ang taong karaniwang
sa bagong bansag na KULASFIRO PASAWAY.

Montage Vol. 10 • December 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.