ISANG tingin pa lang sa ikalawang aklat ni Eros Atalia, (Peksman Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Ako at Iba Pang Kuwentong Kasinungalingan na Di Dapat Paniwalaan, Visual Print Enterprises, 2007), hindi na maiiwasang maikumpara ito ng mambabasa sa mga aklat ni Bob Ong.
Pero, malinaw ang pagkakaiba ng dalawa pagdating sa istilo ng pagbibigay-buhay sa kanilang mga paksa. Kung gumagamit si Ong ng mga salitang paminsan-minsa’y kumukurot sa puso ng mga mambabasa, hindi naman nagdadalawang-isip si Atalia na gumamit ng matatalim na pahayag upang tumarak sa kaisipan ng kanyang mga mambabasa.
Gaya ng kanyang unang aklat, Taguan Pung at Manwal ng mga Napapagal (UST Publishing House, 2006), nahahati muli sa dalawang bahagi ang Peksman.
Nagsilbing prologo ang unang bahagi ng aklat sa pakikipagsapalaran ng tauhan sa Taguan Pung, si Karl Vlademir Lennon J. Villalobos, noong siya ay naghahanap pa lamang ng trabaho.
Gamit ang isang pulidong istorya na madalas humahantong sa pagmumuni-muni ng pangunahing tauhan, muling minumulat ni Atalia ang mga mata ng mga mambabasa sa mga balighong isyung nakapalibot sa lipunan gamit ang kanyang mga pabirong obserbasyon—mula sa pagbabasbas at pagbabasa ng karapatan sa isang baboy bago ito katayin hangaang sa iba’t ibang paraan ng pag-utot.
Madalas pinangingiti ni Atalia ang mga mambabasa gamit ang kanyang mga mapaglarong salita na naipakita sa linyang, “Dapat may produkto na rin sa Amerika na pampapaputi ng kilikili na parang toothpaste. Wanna have pearly white underarm? Use Ap Ap solution Fortified with Baking Powder.”
Pero mayroon din namang pagkakataon kung saan ginagamit naman ni Atalia ang mga linyang kumukutya sa mga Pilipino sa pilit na pagbulag sa sarili. “Sa bansang tulad ng Pilipinas, isang pang-mayamang bisyo ang pag-iisip.”
Sa ikalawang bahagi ng libro makikita ang koleksiyon ng mga maiikling kuwentong nagsisilbing patikim ni Atalia sa kanyang malawak na karanasan bilang isang dekalibreng manunulat.
Sa “Paglunok,” tungkol sa isang lalaking napilitang lunukin ang sariling plema nang kausapin siya ng kanyang boss, ipinakikita sa istorya kung papaano pilit ikinukubli ng lipunan ang mga maseselan ngunit natural nitong ugali upang masunod lamang ang pamantayang-idinidikta ng lipunan.
Kasama rin sa libro ang “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino,” na nagwagi ng unang gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2006 para sa kategoryang maikling kuwento.
Tungkol ito sa pamumuhay ng mga taong nakatira sa squatters area sa may dalampasigan ng Cavite. Bagamat lugmok sa kahirapan, mayroon pa ring mga paminsang-minsang sinag ng pag-asa at pag-ibig na naipakita sa linyang,”Hinawakan ni Doray ang kanyang kamay. Sinuri ang mga sugat. Hinalikan ito. Inakay sya paloob ng bahay.”
Gamit ang mga malasang mga salita at malawak na imahinasyon, nagawang gawing katakam-takam muli ni Atalia sa mga mata ng mga mambabasa ang mapait na katotohanang kinahaharap ng mga Pilipino.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.