“Do not go gentle into that good night…
Rage, rage against the dying of the light”
– Dylan Thomas
Kamatayan—isa sa pinakamapait at malungkot na hantungan ng lahat ng tao. Pagkatapos mong mabuhay at matamasa ang ganda ng daigdig, bigla na lang itong maglalaho sa dilim ng kawalan. Marahil sa halos lahat ng karanasan ng tao sa ibabaw ng daigdig, ang pinakamahirap tanggapin ay ang masaklap na wakas, ang kamatayan.
Ano ba talaga ang naghihintay sa dulo ng paglalakbay ng tao? Sa kamatayan ba tunay na hahantong ang isang paglalakbay ng buhay sa daigdig?
Nang nilikha ng Diyos ang tao mula sa alikabok, ibinahagi niya ito ng pagkakatulad sa Kanya. Binigyan niya ito ng kaisipan at kakayahang magdesisyon, ngunit hindi pinagkalooban ng imortalidad. Kailangan pa rin ng tao na dumanas ng katapusan, kamatayan, at muling pagbabalik sa lupa. Hindi masisisi ng tao ang Panginoon sapagkat bahagi ng bumagsak niyang katauhan ang dumanas ng paghihirap at ng katapusan upang makapiling muli ang Poong lumikha.
Hindi na lingid sa atin ang mga kuwento kung gaano kapait at kadilim ang pagpanaw ng isang kamag-anak o malapit sa buhay. Mabigat sa kalooban, nagdudulot ng pighati at luha sa puso, kulang na lang ay ang sumama sa namatay upang hindi na danasin ang sakit ng mawalan ng kasama sa buhay. Nakakakilabot, at halong lungkot at takot, ganyan ang mararamdaman ng isang taong naiwan ng isang mahal sa buhay habang papalapit siya sa kabaong ng pumanaw na kaanak. Kung papansinin ang namatay sa kanyang ataol, para lamang siyang natutulog ngunit sa katahimikang dulot ng kanyang pamamahinga, kalakip nito ang mga hikbi ng pusong kanyang iniwan.
Kaakibat na ng kamatayan ang kulay na itim, luha, at hirap ng kalooban. Itim, sapagkat ito ang bahagi ng paglalakbay ng tao kung saan nawawalan ng kulay ang daigdig, kung saan ang bawat pitak ng kulay ay walang saysay, kung saan blangko ang pag-iisip ng tao marahil dulot ng kawalan ng hininga. Luha, sapagkat sa ganitong paraan nabubuhos ng tao ang sakit ng kanyang loob sa pagkawala ng mahal sa buhay. Kamatayan ng isang minamahal ang pinamasakit danasin ng tao sa bahagi ng kanyang buhay sapagkat hindi lamang puso ang apektado kundi ang kabuuan ng pagkatao. At nagdudulot ng takot upang muling bumangon at ipagpatuloy ang kalakaran ng buhay.
Tunay na mahirap ang paglalalakbay ng tao, kaya marami ang sumusuko dahil sa bigat ng mga pagsubok. Isa sa mga solusyon ng mga talunan ang pagpapakamatay. Marami na tayong naririnig na balita hinggil sa mga taong nagpapatiwakal o kumikitil ng kanilang sariling buhay dahil sa bigat ng suliranin, hindi kayang makibagay sa takbo ng buhay, at kakulangan ng pag-asa. Kasawian sa pag-ibig, talunang pakikibaka, lungkot sa buhay, at mga pighati at sakit ng kalooban ang mga karaniwang sanhi ng pagpapatiwakal ng isang nilalang. Sa lubid man, sa matalim na bagay o sa lason kanilang winawakasan ang paghihirap ng kanilang kalooban at pagkatao.
Batay sa mga dokumentasyon ng media, karaniwang sanhi ng pagpapakamatay ay ang hindi pagkabalanse ng sikolohikal na bahagi ng tao, kundi man sanhi ng pagkapuno ng emosyonal niyang aspeto. Kung saan ang pagkitikil ng sariling buhay lamang ang kanilang nakikitang sagot sa mga bagabag ng isipan at damdamin.
Patuloy pa ring isang malaking palaisipan sa atin kung ano ang naghihintay pagkatapos mahugutan ng hininga ang isang nilalang. Ayon sa puntong relihiyoso, may tatlong patutunguhan ang isang nabawian na ng buhay—ang langit, impiyerno, at ang purgatoryo. Sa langit, napupunta ang mga mabubuting kaluluwa pagkatapos bawian ng buhay, sa kumukulong impiyerno naman ang masasama at makasalanan, at sa purgatoryo napapadpad ang mga kaluluwa ng mga namatay na hindi pa tanggap ang kamatayan o mga taong nagpatiwakal.
Sa pelikulang, ‘What Dreams May Come’, pagkatapos ng buhay ng tao, haharap siya sa panibagong paglalakbay upang maghanda sa pakikipagkita niyang muli sa Panginoon. At sino mang nilalang na pumanaw ay may kalalagyan sa kabilang buhay, sa paraiso man, sa madilim na impiyerno, o sa malungkot na purgatoryo. Ngunit sino nga ba talaga ang makakasabi kung saan hahantong ang ating kaluluwa pagkatapos ng buhay sa daigdig?
Isang bagay ang nakakapagtaka sa kamatayan. Bakit kaya naunang namamatay ang mga mabait at mabubuting tao sa ibabaw ng mundo. Ayon sa kasabihan, mahirap mamatay ang masamang damo. Ngunit sa kabila ng hindi inaasahang tawag ng kamatayan, ang mga mabubuti at mababait na tao ay hindi kaagad naglalaho, sapagkat ang kanilang mga nagawa at adhikain ay nabubuhay pa rin at kaya nitong magbigay inspirasyon at magbigay-buhay sa kaisipan upang maghangad ng pagbabago. Tulad na lang ng mga bayani ng ating daigdig na kahit nahugutan na ng hininga, patuloy pa rin ang kanilang impluwensiya sa pagbabago ng bawat aspeto ng buhay sa daigdig. Si Mother Theresa, mula sa kanyang nasimulan ay patuloy na gumigising sa mabuting samaritano ng ating mga puso. Si Mahatma Gandhi, ang inumpisahan niyang paghangad sa pagkakapantay-pantay, ay patuloy na pinaglalaban upang makamit ang pantay na karapatan at kalayaan ng bawat tao sa daigdig.
Biglaan, hindi inaasahan, at tadhana lang ang may alam, ganyan sumusulpot ang kamatayan. Kaya marami sa atin ang hindi matanggap at makayanan ang hukay ng kamatayan. At hindi malayong ang sisi ay matuon sa may likha ng lahat. Ngunit tama ba na siya ang sisihin? Hindi natin masasabi kung hinangad ng Diyos ang biglaang pagkatok ng kamatayan sa ating mga pinto.
Parang magnanakaw sa dilim ang kamatayan, hindi natin alam kung kailan ito susulpot. Ngunit dumating man ito ng mas maaga sa inaasahan, kailangan natin itong paglaban sapagkat maganda ang mabuhay sa daigdig, at ang buhay natin ay isang regalong hindi madaling bitiwan. Sabi ni Dylan Thomas, isang manunula, labanan natin ang kamatayan hanggang maglaho ang pagsikat muli ng araw at ang pagsisimula ng panibagong pag-asa, sapagkat kahit ito ang sagot sa ating mga suliranin sa buhay, kailangang huwag sumuko sa hagupit nito upang masilayan ang tunay na paglalakbay.
Wala pang makapagsasabi sa tunay na kahihinatnan ng tao pagkatapos ng kamatayan, sapagkat wala pang nilalang na namatay at muling nabuhay, upang isalaysay ang kanyang karanasan maliban sa pinagdaanan ng bugtong na anak ng Diyos. Ngunit marami na tayong narinig na kuwento ng mga taong pinaglabanan ang kamatayan, tulad ng mga nakaligtas sa mga nakakamatay na sakit. Ayon sa kanilang mga kuwento, mahirap ang mabuhay na alam mo namang mamatay ka sapagkat mahirap ang magpaalam sa iyong mahal. Kung may isang bagay na matututunan ang tao sa mga karanasan ng mga nakaligtas na ito, ito ay ang kagandahan ng buhay na kailangan nating pahalagahan kahit alam nating hahantong din tayo sa kamatayan.
Mahirap isipin na sa pagsisikap ng tao na mamuhay, sa kamatayan ang magwawakas. Ngunit hindi dapat isipin ang wakas. Marami sa mga tao ang hindi handa sa kamatayan sapagkat kailangan nila munang matapos o makamit ang kanilang mga pangarap. Hindi alam ng tao kung kailan siya tatawagin ng kamatayan kung kaya dapat niyang tahakin ang landas ng buhay ng hindi sinisira ito. Dapat niyang sikaping ipadama ang kabuaan ng kanyang nararamdaman, at dapat sikapin niyang lagyan ng saysay ang kanyang hiram na buhay, sapagkat minsan lamang siyang dadaan sa landas na ito. Nakakatakot isiping sa dulo ng paglalakbay ng tao, mamatay siya at sa malamig na lupa ang hantungan. Kaya dapat niyang bigyang halaga ang kaniyang buhay, sapagkat ni ginto ay hindi kayang buhayin ang kamatayan ng isang sakim at makasalanang buhay.
Montage Vol. 6 • August 2002